#AskDok: Paano malalaman kung sapat ang gatas na naiinom ni baby?

Kahit maliit ang tiyan ni baby, matakaw sila sa gatas! Heto ang mga palatandaan kung paano malalaman kung gutom pa si baby.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mga mommies, siguro napapansin niyo na napakatakaw sa gatas ni baby. Paminsan, kahit akala mo busog na siya, gutom pa pala siya at gusto pang magdede! Kaya’t ang tanong ng maraming ina, “Paano malalaman kung gutom pa si baby?”

Mababasa sa artikulong ito:

  • Tuwing kailan ba dapat pinapadede ang sanggol?
  • Paano malalaman kung gutom pa si baby?
  • Mga dapat tandaan sa pagpapadede ng iyong anak.

Paano malalaman kung gutom pa si baby? Ito ang mga signs! | Image from Dreamstime

Siguro naisip niyo na rin, kung napakaliit ng tiyan ni baby, bakit ang lakas niya uminom ng gatas?

May kasabihan dati na ang tiyan ng mga baby ay kasinglaki lamang ng itlog. Kaya’t maraming mga ina ang kakaunti lang ang binibigay na gatas kay baby, kasi natatakot sila na baka masobrahan ang gatas na naiinom ng kanilang anak. Pero ayon sa siyensya, hindi ito totoo.

Ayon pa kay Dr. Ruth Alejandro, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, minsan ay nagdedede lang ang isang sanggol hindi dahil nagugutom siya, kundi dahil nakasanayan niya ang pag-suck at gusto lang nilang mapalagay sa piling ng kanilang ina.

Pagpapaliwanag niya,

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

“Sa mga baby instinct ‘yan eh pagkapanganak, sucking reflex ang tawag diyan. Minsan gusto lang nilang mag-suck pero hindi ibig sabihin na gutom sila.

Kasi sa 15-30 minutes na nagpapadede sila, 90% ng gatas sa dede ng mother nauubos na. Pero si baby nagsusuck pa rin kasi nagpaaantok, nagpapatulog o gusto lang ma-soothe.”

Kung ganoon, paano mo nga ba talaga malalaman kung gutom pa ang iyong baby?

Paano malalaman kung gutom pa si baby: ayon sa mga eksperto

Ayon sa mga pag-aaral, ang tiyan ni baby nang siya’y ipanganak ay kasinglaki ng lang ng pingpong ball o calamansi. Ito ay puwedeng maglaman ng hanggang 20ml ng gatas.

Ngunit hindi lang naman ito ang dapat tandaan pagdating sa dami ng iniinom na gatas ni baby. Mahalaga rin alamin kung gaano karaming gatas ba ang nasisipsip ni baby, kung gaano kabilis ang kaniyang digestion, at iba pa.

Paliwanag din ni Dr. Ruth, habang lumalaki si baby ay lumalaki rin ang kaniyang tiyan.

“Pagkapanganak, ang stomach capacity ng baby ay maliit lang na kalamansi. So hindi talaga sila kailangan ng sobrang dami ng gatas.

During the first week nag-iincrease na, nag-eexpand na iyong stomach capacity ng baby. So kapag 1 week old na iyong baby nasa 30ml na o 1 oz, tapos unti-unti ‘yan na mag-i-increase iyong capacity ng baby hanggang sa umabot na 4 ounces.” aniya.

Habang nasasanay at gumagaling na rin si baby sa pagdede, dumarami na rin ang gatas na nagagawa ng isang ina.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Paano malalaman kung gutom pa si baby? Ito ang mga signs! | Image from Unsplash

Tuwing kailan dapat padedehin si baby?

May mga nagsasabi na dapat raw pinadedede ang isang newborn ng may pagitan ng dalawang oras. Mayroon pang gumagawa ng mga eksaktong timetable para masigurong nasusunod ang oras ng pagdede ni baby na tuwing apat na oras. Pero ano ba talaga ang tamang oras kung kailan dapat dumede ang isang sanggol?

Para sa mga eksperto, hindi namang kailangang eksakto lagi ang oras ng pagdede ni baby at hindi rin kailangang orasan ito. Mas nakakabuting ibase ang pagbibigay ng gatas sa iyong sanggol ayon sa kung gusto ba niyang dumede o hindi. Tinatawag din ang paraang ito na feeding on demand, feeding on cue o kaya baby-led feeding.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sa ganitong paraan, pinapadede mo ang iyong anak kapag napansin o naramdaman mong gutom na siya, at hinahayaan mo lang siyang magdede kahit gaano katagal hanggang matapos na siya at mabusog o makatulog.

Nirerekomenda rin ng American Academy of Pediatrics (AAP) at La Leche League International ang feeding on demand.

Hindi rin ito isang makabagong kaalaman. Napakaraming mga tribo ang gumamit ng ganitong paraan noon upang magpadede ng kanilang mga anak. Basta’t nakikita nila na gutom pa si baby ay pinapadede agad nila.

Sang-ayon rin si Dr. Ruth na dapat padedehin ng madalas ang sanggol para mabilis na ma-establish ang milk supply ng nanay.

Paano malalaman kung sapat ang nadedede ng iyong anak?

Ayon rin sa doktora, walang eksaktong paraan upang malaman kung sapat ba ang nakukuhang gatas ng isang sanggol mula sa kaniyang ina.

Hindi ito tulad ng pagpapainom ng formula milk kung saan mas masusukat mo sa bote ni baby kung gaano karaming gatas ang kaniyang nainom.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kaya naman payo ng doktora, mas mainam kung mas madalas padededehin ang sanggol.

“Kaming mga pediatrician kasi we encourage new mommies to breastfeed. Kasi hindi naman natin malalaman kung gaano karami iyong nakukuha nila galing sa breast ng mother.”

Kung ganoon, paano mo malalaman kung sapat ba ang nakukuhang gatas ng iyong anak?

“So ang ginagamit natin na gauge, una iyong wiwi o ihi saka iyong dumi ng baby. Karaniwan ang advice na ibinibigay natin sa mga mothers.

Dapat pag-uwi nila sa bahay dapat at least tatlong beses na umiihi iyong baby at at least tatlong beses din na pumupoopo. By then alam natin may nakukuha ang baby.

Pangalawa, dapat nakakatulong iyong baby ng deretso kahit na mga dalawang oras na deretso so alam natin na busog ang baby natin.” paliwanag ni Dr. Ruth.

Dagdag pa niya, isang pang senyales na sapat na ang nakukuhang gatas ng iyong anak ay kapag hindi naman masyadong bumaba ang timbang ng iyong sanggol sa kaniyang checkup pagkaraan ng isang linggo mula ipanganak.

“Kapag pure breastfeeding ang baby, kapag pinauwi dapat after 5 days nagpafollow-up na iyong mommy kasama iyong baby sa clinic. Doon titimbangin natin iyong baby.

Kung masyadong malaki iyong nawala sa timbang ng baby, ibig sabihin hindi pa masyadong malakas ang breastmilk ng mother.” aniya.

Ayon sa doktora, ang normal na weight loss ng isang sanggol sa kaniyang unang linggo ay malapit sa 10% ng kaniyang birth weight.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Paano malalaman kung gutom pa si baby? Ito ang mga signs! | Image from iStock

Paano malalaman kung gutom pa si baby – mga senyales

Gaya ng nabanggit, dapat mong padedehin si baby kapag napansin mong gutom pa siya o gusto niyang magdede. Ayon sa AAP, subukang mag-initiate ng pagdede kay baby ng 8 hanggang 12 beses sa loob ng isang araw.

Para naman malaman kung gutom pa si baby, kailangan mong antabayanan ang kaniyang mga hunger cues. Ito ang makapagsasabi sa iyo kung gutom na ba si baby o hindi. Narito ang ilang senyales na dapat mong bantayan:

  • kapag binubukas nila ang kanilang mga bibig pag malapit sa iyo, o kapag naghahanap sila ng isusubo.
  • kapag sila ay umiiyak o naiinis
  • ginagalaw din nila ang mga ulo nila na pagilid
  • binubukas ang kanilang bibig
  • nilalabas ang dila
  • nilalapit ang kamay sa kanilang bibig
  • at ang panghuli ay kapag parang sumusupsop o dumedede ang bibig nila

Mga paalala sa pagpapadede kay baby

Narito naman ang iba pang bagay na dapat tandaan kapag pinapadede ang iyong anak

  • Huwag nang antayin na umiyak si baby o magutom bago mo siya pakainin. Ayon sa AAP, ang pag-iyak ni baby ay itinuturing ng late sign of hunger. Kapag napansin mo na ang mga hunger cues na binanggit sa itaas, subukan mo na siyang padedehin.
  • Huwag gaanong mag-alala kapag hindi kumain si baby ng sa loob ng 2 hanggang 3 oras. Normal lang ito at minsan talaga nabubusog si baby.
  • Huwag ring mabahala na kulang ang naiinom na gatas ni baby. Malalaman mo rin naman ito, at kapag mas madalas ang iyong pagpapasuso, mas madami ring gatas ang ginagawa ng iyong katawan. Huwag mastress, mommy, dahil maari itong makaapekto sa iyong milk supply.
  • Huwag pilitin ang baby kung ayaw pa niya magdede. Kapag ayaw na niya dumede, o kaya ay inilalayo na niya ang kaniyang bibig sa iyong suso, oras na para tumigil sa pagpapadede. Huwag siyang pilitin dahil maaring magkaroon ng air bubbles sa kaniyang tiyan kapag umiiyak si baby at nakakapasok ang hangin sa kaniyang tiyan. Maari itong maging sanhi ng kabag.
  • Ugaliin ring ipa-burp si baby pagkatapos magdede para maiwasan ang kabag.

Paano malalaman kung gutom pa si baby? Ito ang mga signs! | Image from Unsplash

Tandaan mommies, maaring mahirapan kayo ni baby sa umpisa, pero masasanay rin kayo sa inyong breastfeeding sessions at hindi magtatagal ay magiging parang natural na lang ito sa inyo.

Pero kung mayroon kang mga suliranin tungkol sa pagdedede ng iyong anak, huwag mahiyang tanungin ang iyong doktor o kaya naman humingi ng tulong mula sa mga lactation consultants.

Isinalin sa wikang Filipino ni Alwyn Batara

Karagdagang ulat mula kay Mach Marciano

Translated with permission from theAsianparent Singapore

Sources:

ResearchGate, NCBI, Sciencenews.org,

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara