Nakadepende sa kondisyon ng pagbubuntis kung anong paraan ng panganganak ang akma para sa iyo at sa iyong baby. Paano nga ba malalaman kung normal delivery ang angkop sa inyo?
Talaan ng Nilalaman
Vaginal delivery: Paano malalaman kung normal delivery dapat
Kung ang sanggol sa sinapupunan ay naabot ang full-term nito sa gestational age na 37 hanggang 42 weeks, pinakaligtas na paraan ng panganganak ang vaginal delivery. I
to ang tinatawag na normal delivery kung saan ilalabas sa pwerta ng ina ang sanggol. Bago lumabas ang baby ay daraan muna ang ina sa iba’t ibang stages ng labor.
Pero paano nga ba malalaman kung angkop sa iyo ang normal delivery?
Mahalaga na magkaroon ng birth plan sa huling trimester ng iyong pagbubuntis. Ang birth plan ay tumutukoy sa iyong plano kung paano ka manganganak.
Maaari ka nang mamili kung caesarean o normal delivery ang gusto mong paraan ng panganganak. Basta tandaan na ang dapat isaalang-alang palagi sa pagpili ng delivery modality ay ang kaligtasan niyo ni baby.
Puwede rin namang i-adjust ang birth plan kung sakaling may ‘di inaasahang pagbabago sa aktuwal na sitwasyon ng panganganak.
Pag-usapan niyo rin ng iyong asawa kung sino ang mga nais mong naroroon sa oras ng iyong panganganak. Maaaring isama sa birth plan ang mga plano hinggil sa pain relief habang nagle-labor, delivery positions, at iba pa.
Paano malalaman kung normal delivery ang dapat sa inyo ni baby?
Regular na magpakonsulta sa iyong doktor para malaman kung ito ba ang angkop na paraan ng panganganak para sa inyo ni baby. May mga pagkakataon kasi na bago pa man manganak ay malalaman na kung akma ba o hindi ang normal delivery bilang delivery modality.
Iba pang paraan ng panganganak
Mayroong paraan ng panganganak kung saan ay ilalabas pa rin sa vagina ng ina ang sanggol pero gagamitan ito ng instrument para matulungan ang ina na mailabas nang maayos at ligtas ang bata. Tinatawag na assisted delivery ang prosesong ito.
Narito ang ilang halimbawa ng assisted delivery:
Forceps delivery
Ipapasok ng doktor ang forceps sa vagina ng mommy at ikakapit sa ulo ng sanggol. Ang forceps ay tila dalawang malaking kutsara na ginagamit para dahan-dahang mailabas ang sanggol mula sa sinapupunan patungo sa birth canal.
Kapag nailabas na ang ulo ng sanggol sa vagina, magpro-proceed nang muli sa normal delivery para mailabas ang iba pang bahagi ng baby.
Vacuum extraction
Inilalagay ang small suction cup o vacuum extractor sa ulo ng baby para matulungan din itong mailabas sa pwerta ng ina. Mayroong pump ang vacuum na siyang tumutulong para makababa ang bata palabas sa birth canal kasabay ng pag-ire ng ina. Kaya lamang, kadalasang nagdudulot ng gasgas sa ulo ng baby ang pump pero gagaling din naman ito sa loob ng 48 hours.
C-section
Kung hindi naman posible ang vaginal delivery, irerekomenda ng iyong doktor na sumailalim ka sa cesarean section. Isa itong surgical procedure kung saan ay ilalabas ang iyong anak mula sa sinanpupunan sa pamamagitan ng surgical incision o paghiwa sa bahagi ng abdomen at uterus.
Maaaring planuhin ang pagsailalim sa c-section bago pa man ang kabuwanan kung mayroong certain medical conditions tulad ng:
- Breech presentation – kapag una ang paa o puwet ng sanggol sa posisyon nito sa iyong matris. Kung hindi kayang ayusin ang posisyon ng baby sa sinapupunan sa pamamagitan ng abdominal manipulation, maaaring irekomenda ng doktor ang cesarean delivery.
- Transverse lie – nakaposisyon ang bata nang pahiga sa uterus. Kapag hindi rin ito kayang ayusin sa pamamagitan ng abdominal manipulation ay c-section din ang solusyon.
- Cephalopelvic disproportion (CPD) – kondisyon ito kung saan ang ulo ng bata ay masyadong malaki para ligtas na makalabas sa pelvis ng ina. O kaya naman ay masyadong maliit ang pelvis ng nanay para mailabas ang normal sized baby.
Bukod sa mga ito, maaari ding irekomenda ng doktor ang c-section kung kambal o higit pa sa dalawa ang ilalabas na sanggol. Gayundin naman kung dati nang nanganak sa pamamagitan ng cesarean delivery ang mommy.
Iba pang assisted delivery procedure
Fetal monitoring
Proseso ito ng pag-monitor sa heart rate ng bata habang nasa sinapupunan ito.
Sa external fetal monitoring, ilalagay ang ultrasound device sa iyong tiyan para i-record ang heart rate ng bata, maging ang frequency at duration ng contractions.
Habang sa internal fetal monitoring naman, ipapasok ang small electrode at ikakabit sa scalp ng baby. Ito ang pinaka-accurate na paraan para marecord ang mga kailangang impormasyon.
Induced labor
Normal ang pagle-labor sa vaginal o normal delivery pero may mga kondisyon kung saan ay kailangang tulungan ang expectant mom na mag-labor.
Kung may medical problems ang mommy tulad ng diabetes, high blood pressure, ruptured membranes o kaya ay past due na ang pregnancy ay kailangan na nito ng labor induction.
Nai-induced ang labor sa pamamagitan ng Pitocin, synthetic form ng drug na oxytocin. Pinatataas nito ang hormones na oxytocin para mapadali ang pagle-labor.
Amniotomy
Proseso ito ng artificial na pagputok sa panubigan o amniotic membranes. Ito ang sac na mayroong mga fluid na nasa paligid ng baby. Maaaring isagawa ang amniotomy bago o habang nagle-labor.
Gagamit ang iyong doktor ng amniohook para putukin ang panubigan. Kapag pumutok na ang panubigan, kailangang makapanganak na ang nanay sa loob ng 24 oras para maiwasan ang infections.
Episiotomy
Uri ito ng procedure sa vaginal delivery kung saan ay nagsasagawa ng surgical incision o hinihiwaan ang perinium. Ang perinium ay ang bahagi ng balat sa pagitan ng vagina at anus.
Isinasagawa ito para mapalaki ang vaginal opening at makalabas nang mabilis at ligtas ang sanggol nang hindi napupunit ang balat ng mommy.
Sintomas na bumuka ang tahi ng normal delivery
Kung ikaw ay sumailalim sa episiotomy para maisagawa ang normal delivery, kakailanganing tahiin ang surgical incision matapos manganak.
Karamihan man sa mga dumanas nito ay agad ding gumaling ang tahi sa pamamagitan ng basic care. Subalit, mayroong iba na ang punit sa ari ay umabot ng third o fourth degree laceration. Kapag ganito ang lagay, mas matagal at komplikado ang paggaling ng tahi.
Paano nga ba malalaman kung maayos na gumagaling ang tahi sa ari ng babae matapos ang normal delivery? Anu-ano ba ang sintomas na bumuka ang tahi ng normal delivery?
Mga senyales na may impeksyon ang tahi matapos manganak:
1. Green discharge at mabahong amoy
Normal ang bleeding hanggang anim na linggo matapos manganak. Kaya lamang kung mabaho o masangsang ang amoy ng dugo mula sa ari, maaaring senyales ito ng impeksyon sa tahi dulot ng normal delivery. Hindi dapat na ipagsawalang bahala kapag may kakaibang amoy o kaya ay mayroong green discharge mula sa iyong ari.
2. Pananakit at pamumula
Kapag ikaw ay nakaramdam ng matinding pananakit sa ari at sa perineal area nang hindi naiibsan ng pain medication na nirekomenda ng iyong doktor, mahalagang magpatingin agad. Puwedeng senyales ng infections sa tahi ang nararansang pananakit.
Gayundin kapag may matinding pamumula at pamamaga sa vaginal at perineal area. Kapag nakaramdam ng pamamaga at pamumula sa tissues sa paligid ng birth stitches, magpakonsulta agad sa iyong doktor.
3. Pagbuka ng tahi
Mahalagang i-check palagi ang iyong birth stitches. Tingnan kung may breaks, gaps o bumuka ang tahi. Maaaring gumamit ng salamin para matiyak kung bumuka ba ang tahi o hindi.
Ayon sa Romper, ilan sa mga sintomas na bumuka ang tahi ng normal delivery ay may maririnig umano na tila nag-pop kapag naramdamang tila bumuka nga ang tahi. Makikita rin daw na may pagbabago sa discharge kapag bumuka ang birth stitches.
4. Lagnat
Isang sintomas ng infections sa birth stitches ay ang lagnat. Kapag hindi gumaling nang maayos ang tahi mula sa normal delivery kahit na ginagamot ito, tiyak na lalagnatin ang mommy.
Kapag nakaranas ng ano mang senyales ng infection sa birth stitches, mahalagang kumonsulta agad sa iyong doktor para sa kaligtasan ng iyong kalusugan.
Paano mabilis gumaling ang tahi ng normal delivery?
Nakadepende ang bilis ng paggaling ng birth stitches sa kung paano mo ito inaalagaan. Paano nga ba mabilis na gumaling ang tahi ng normal delivery?
Mahalagang panatilihing malinis ang bahagi kung saan may tahi. Makatutulong ito para maiwasan ang risk ng infections at mapadali ang paggaling ng tahi.
Karaniwan umanong gumagaling ang tahi ng normal delivery nang tatlo hanggang pitong araw. Kaya lamang, kapag severe ang perineal tear maaaring tumagal ng anim na linggo bago ito humilom.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.