Paano matatanggal ang mga peklat ni baby?

lead image

Maraming paraan upang matanggal ang peklat ng mga matatanda. Ngunit paano matanggal ang peklat ni baby? Nakakatakot na sumubok ng iba't ibang produkto dahil sensitive pa ang balat nito.

Maraming paraan upang matanggal ang peklat ng mga matatanda. Maraming produkto na puwedeng gamitin pati mga treatments na puwedeng sumailalim. Ngunit paano matanggal ang peklat ni baby? Nakakatakot na sumubok ng iba’t ibang produkto dahil sensitive pa ang balat nito. Alamin ang mga iba’t-ibang medical treatments at home remedies para madaling matanggal ang mga peklat ni baby.

Mga peklat

Ang mga sugat ay bahagi ng paglaki ng isang bata, lalo’t nagsimula na itong maglikot. Nariyang madadapa, matutumba, matitisod, at magkakaron ng mga sugat, at minsan pa nga ay kakailanganin ng surgery para lang magamot. Kaya naman nakaka-stress talaga para sa mga magulang. Ano ang puwedeng gawin para mabilis matanggal ang mga peklat na ni baby? Ano ang mga pag-gamot na makakapagpadali ng paggaling nito?

Unang una, tandaan na ang pagkatanggal ng peklat ay magsisimula lang kapag tuyung-tuyo na ang sugat.

Para sa mga babies, nasa 12 hanggang 18 buwan ang natural na paghilom ng isang sugat, bago pa simulan ang anumang pagtatanggal ng peklat.

Kapag sinimulan ang pagtatanggal ng peklat bago pa tuluyang maghilom ang isang sugat, maaaring lumala ito kaysa gumaling at masasaktan ang bata. Kapag nangyari ito, puwedeng magkaro’n pa ng permanenteng peklat sa katawan ang bata, imbis na mawala ito.

Makakatulong na maintindihan kung paano nga ba nagkakaro’n ng peklat sa balat.

Paano nagkakaroon ng peklat?

heal baby scars

As the collagen in your baby’s body works to restore his skin, a dry scab forms over it. | Image courtesy: Pixabay

Kapag may sugat si baby, ang katawan ay may inilalabas na collagen, at dinadala ito sa apektadong lugar sa balat o katawan para matakpan ang sugat. Ang mga collagen cells ang nagpapagaling sa balat sa loob ng ilang araw.

Habang nangyayari ang lahat ng ito sa ilalim ng balat, ang sugat ay natutuyo at nagkakaron ng langib. Para itong natural na Band-aid o plaster strip.

Kapag lubusan nang magaling, natatanggal ng kusa ang langib, at naiiwan ang naghilom na sugat. Maaaring iba na ang kulay—mas maitim o mapula, o maaaring maging peklat.

Nakakapag-alala sa mga magulang ang peklat sa balat ng isang baby. Pero ang good news ay maraming paraan para mapagaling ang mga peklat na ito.

May dalawang opsiyon para dito: ang paraang medikal at sa pamamagitan ng home remedies.

Paano matanggal ang peklat: Paraang medikal

1. Scar-Removing Creams

May mga over-the-counter scar-removal creams na mabibili sa murang halaga pa nga. Inilalagay ito sa peklat na kakagaling pa lamang. Iwasan ang mga may steroid dahil hindi ito ligtas para sa mga babies.

2. Steroid Treatment

May mga nirerekumenda ang mga doktor na steroid injection treatment para sa mga peklat na naging keloid na, o iyong mga nakaumbok na parang uod ang itsura sa balat. Bihira ang treatment na ito para sa mga babies, pero may gumagawa nito para sa mga bata kapag kakaibang sitwasyon.

3. Surgical Removal

May mga uri ng peklat na tinatanggal sa pamamagitan ng operasyon o surgery. May kamahalan ito pero depende rin sa uri ng surgery. Ito ay karaniwang para lang sa mga ayaw ng may kitang peklat sa katawan, lalo sa mukha o binti, dahil lang pangit tingnan.

4. Silicon Sheet Therapy

Ito ay isang madaling pag-gamot kung saan ang doktor ay naglalagay ng plaster na may silicon gel sa buong peklat. Ang collagen sa plaster ay bumubuhay sa mga namatay na cells sa sugat. Napapagaling nito ang sugat at nakakaiwas sa pagbuo ng langib at nakakatulong sa pagkakaro’n ng discoloration ng balat na sanhi ng sugat.

5. Laser Treatment

May ginagamit na highly energised beam para dito, na sumusunog at humihiwa sa large scar tissues. Ito ay hindi kasing-epektibo ng surgical treatment. Hindi kasi tuluyang natatanggal ang peklat sa ganitong paraan, lalo kung medyo malala ito. Ito ay karaniwang ginagamit sa mga mas malalaking bata.

Bagamat lahat ng mga paraan na ito ay epektibo, hindi ito ginagawa ng walang rekomendasyon ng mga doktor, lalo ang pediatrician ni baby. Ang doktor ang makakapagsabi kung anong pamamaraan ang maaari para sa bata, dahil sila din ang makakapagpaliwanag ng partikular na side effects at kabutihan ng gagawing procedure.

Paano matanggal ang peklat: Natural na home remedies

May mga home remedies na epektibo sa pagtanggal ng mga peklat. Maliban sa keloid o hypertrophic na peklat, ang ibang peklat ay gumagaling ng walang anumang medical procedure.

Maaaring gamitin ang mga gamit na makikita sa kusina ng inyong bahay.

Aloe vera. Ang halaman na ito ay may makapal na katas na parang gel, na nagtataglay ng anti-bacterial at anti-fungal properties, at mabisang moisturiser, din. Ipahid ito sa peklat ni baby at iwan ng hanggang 30 minuto. Siguraduhing hindi niya ito didilaan (bagamat ligtas naman ito kung makain ng bata, mas mabuting maiwan sa balat para mas epektibo). Gawin ito dalawang beses sa isang araw para mas mabilis ang epekto.

Coconut oil. Isa pang mabisang pantanggal ng peklat ay langis ng niyog. Ito ang kilalang pantanggal ng peklat mula pa nuong sinaunang panahon. Painitin ang langis, ipahid sa peklat at iwan ng hanggang 4 na minuto. Gawin ito 3 beses sa isang araw.

Honey. Isa itong natural moisturiser, na nakakapaglinis ng mga pores ng balat. Ipahid at imasahe ang honey sa peklat ng ilang minuto. Hugasan at ulitin.

Toothpaste. Oo! Akalain mo bang ang panglinis ng ngipin na ito ay para din sa sugat at peklat? Ipahid lang ang isang tuldok ng toothpaste sa peklat at iwan ng hanggang 10 minuto saka banlawan. Gawin ito 2 beses sa isang araw. Tandaan lang na may uri ng toothpaste na hindi puwede sa mga bata, at nakakairita ng balat. Gumamit ng baby toothpaste.

Apple cider vinegar. May taglay itong Vitamin C at nakakaalis ng masamang mikrobyo mula habang pinapagaling ang balat. May kakayahan itong magpatuyo at magpagaling ng sugat at peklat. Ihalo ang isang kutsarang apple cider vinegar sa 2 kutsarang tubig. Gumamit ng bulak para idampi ang solution sa peklat at iwang basa sa loob ng 30 minuto, saka banlawan. Gawin ito 2 beses sa isang araw hanggang mawala ang peklat.

Paalala sa mga magulang

Bilang mga magulang, gusto nating siguraduhin na ligtas at protektado ang ating mga anak sa araw-araw. Pero hindi maiiwasan sa isang punto na magkakaron sila ng sugat o aksidente, maliit man o malaki. At kapag nangyari ito, wala tayong magagawa kundi tulungan itong magamot. Ang after-injury-care ang puwede nating masiguro para maprotektahan sila sa anumang mas malalang kahihinatnan.

Kung ang peklat ay nasa mukha o maselang bahagi ng katawan ng bata, ikunsulta sa doktor ang anumang pinaplanong remedyo o paggamot na gagawin para maiwasan ang komplikasyon.

Source: Livestrong
Feature & lead image courtesy: Pixabay

 

Isinalin mula sa wikang Ingles ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/heal-baby-scars/