Apple cider vinegar, mabisang pampapayat – totoo ba ito? Alamin rito ang mga benepisyo ng apple cider vinegar sa ating katawan.
Ang apple cider vinegar ay isang sangkap sa kusina na ginagamit bilang home remedy sa loob ng ng libu-libong taon. Noong unang panahon, ito ay itinuturing na mabisang gamot sa ubo at impeksyon. At ngayon, sinasabing makakatulong ang apple cider vinegar na pampapayat o sa pagbaba ng timbang, lunas sa acid reflux at higit pa. Epektibo kaya ito?
Talaan ng Nilalaman
Apple cider vinegar components
Ang apple cider vinegar ay uri ng suka na gawa sa mansanas. Para maging suka, ito ay dumadaan sa two-step fermentation process.
Una, ang hiniwa at dinurog na mansanas ay ihahalo sa yeast. Ito ay upang ma-convert sa alcohol ang taglay na sugar nito. Saka idadagdag ang bacteria na nakakatulong sa fermentation upang ito ay maging ganap na suka na.
Ang tradisyunal na paggawa ng apple cider vinegar ay tumatagal ng humigit-kumulang isang buwan. Ngunit may iba namang manufacturers nito na mas mabilis ang pagproseso nito kaya tumatagal lamang ng isang araw.
Ang apple cider vinegar ay binubuo ng main active component nito na acetic acid. Ito rin ay itinatawag na ethanoic acid isang organic compound na may maasim na lasa at malakas na amoy. Ang term na acetic ay nakuha mula sa Latin word ng vinegar na, acetum.
Mga 5–6% ng apple cider vinegar ay binubuo ng acetic acid. Naglalaman din ito ng tubig at bakas ng iba pang mga acid, tulad ng malic acid.
Ang isang kutsara o 15 ml ng apple cider vinegar ay naglalaman ng mga tatlong calories at halos walang carbs.
Apple cider vinegar for diet
Dahil sa ito ay maituturing na organic, maraming benepisyong ibinibigay ang apple cider kung ito ay isasama sa diet ng isang tao. Tulad ng sumusunod:
- Pinapababa nito ang blood sugar at insulin. Ini-improve nito ang insulin sensitivity na nakakatulong sa mga may type 2 diabetes.
- Pinapababa rin nito ang fasting blood sugar.
- Ini-improve ang sintomas ng PCOS o polycystic ovary syndrome sa mga kababaihan.
- Pinabababa ang cholesterol level ng katawan.
- Pinapatay ang mga harmful viruses at bacteria.
Apple cider vinegar pampapayat at pampaliit ng tiyan
Pero maliban sa mga nabanggit ang apple cider vinegar ay isang pampapayat secret din umano. At ito ay ilang beses ng napatunayan ng mga pag-aaral.
Unang-una, ang pag-inom o pag-intake ng apple cider vinegar ay nagbibigay ng feeling ng kabusugan sa isang tao. Inaalis rin nito ang gana sa pagkain o appetite na nagbabawas sa calorie-intake ng katawan.
Ito ay napatunayan ng isang maliit na pag-aaral na isinagawa sa 11 tao. Matapos kumain ng high-carb meal sila ay uminom ng apple cider vinegar at matapos ang isang oras ay nagkaroon ng 55% lower blood sugar response ang kanilang katawan. Maliban rito ay bumaba rin ng 200-275 ang calories na kanilang na-consume sa buong araw.
Bukod rito ang apple cider ay may humigit-kumulang 22 calories. Isa itong low-calorie drink na nakakatulong sa weight loss.
Iba pang benefits ng apple cider vinegar
-
Maaaring makatulong na mapababa ang mga antas ng asukal sa dugo at ma-kontrol ang diabetes
Sa ngayon, ang isa sa mga pinakamahalagang gamit ng apple cider ay ang paggamot sa type 2 diabetes.
Ang type 2 diabetes ay ang pagkakaroon ng high blood sugar levels sanhi ng insulin resistance o kawalan ng kakayahan na gumawa ng insulin.
Gayunpaman, ang mga taong walang diabetes ay maaari pa ring makinabang sa benefits na hatid ng apple cider. Dahil binabalanse nito ang blood sugar levels sa normal na level. Pinaniniwalaan na ang mataas na blood sugar ay nagsasanhi ng aging at chronic diseases.
-
Nagpapabuti ng kalusugan ng puso
Ayon sa mga pag-aaral, ang apple cider vinegar ay nakakatulong laban sa banta ng heart disease. Ngunit halos lahat ng research ay isinagawa sa mga hayop.
Maaari raw magpababa ng antas ng cholesterol at triglyceride sa mga hayop ang apple cider vinegar. Samantala, wala pang sapat na ebidensya para masabing may naitutulong ang apple cider vinegar sa puso ng mga tao.
-
Magandang epekto para sa kalusugan ng balat
Ang apple cider vinegar ay isang pangkaraniwang lunas para sa mga kondisyon ng balat tulad ng dry skin at eczema.
Ang balat ay natural na bahagyang acidic. Sa iyong paggamit ng apple cider vinegar, maaaring makatulong na muling balansehin ang natural na pH ng balat at pagbutihin ang proteksyon para dito.
May ilang mga tao na gumagamit ng diluted na apple cider vinegar bilang face wash o toner. Ito ay may kakayahan umanong patayin ang mga bacteria at maiwasan ang mga spots sa balat.
Subalit may iba rin mga nagsasabi na wala raw naging epekto ang paggamit ng apple cider sa kanilang balat. Isang pag-aaral sa 22 taong may eczema ay nag-ulat na ang apple cider vinegar ay hindi nakabuti sa skin barrier at nagdulot ng pangangati ng balat. Kaya naman, mas makabubuti pa ring kumonsulta muna sa doktor bago gamitin ito.
Mga pag-aaral tungkol sa epekto ng apple cider vinegar sa katawan
May isang pag-aaral rin na isinagawa sa 144 obese Japanese ang nakapagpatunay na ang apple cider vinegar ay tunay na pampapayat.
Ito ay dahil matapos ang 12 linggo ng araw-araw na pag-inom ng 1 o 2 kutsarang apple cider vinegar ay nakaranas sila ng malaking pagbabago sa kanilang katawan.
Para sa mga uminom ng 1 kutsarang vinegar araw-araw ay ito ang pagbabagong kanilang naranasan:
- Nabawasan ang kanilang timbang ng 2.6 pounds o 1.2kg.
- Nagkaroon rin ng decrease sa kanilang body fat percentage ng 0.7%.
- Nabawasan ang kanilang waist circumference ng 0.5 o 1.4 cm.
- Nagkaroon ng decrease ng triglycerides sa kanilang katawan ng 26%.
Samantala para sa mga uminom naman ng 2 kutsarang apple cider vinegar sa araw-araw ay ito ang naranasan nilang pagbabago sa kanilang katawan:
- Nabawasan ang kanilang timbang ng 3.7 pounds o 1.7kg.
- Nagkaroon rin ng decrease sa kanilang body fat percentage ng 0.9%.
- Nabawasan ang kanilang waist circumference ng 0.75 o 1.9 cm.
- Nagkaroon ng decrease ng triglycerides sa kanilang katawan ng 26%.
Photo by Andres Ayrton from Pexels
Maliban dito, mayroon ding pag-aaral noong 2018 sa 39 na tao kung saan tinignan ang epekto ng low calorie diet at apple cider vinegar kumpara sa low calorie diet lamang. Ito ay nagtagal rin ng 12 na linggo. Natuklasan rito na ang mga kumuha ng apple cider vinegar ay nagkaroon ng mga sumusunod na epekto:
- nawalan ng mas maraming timbang
- nagkaroon ng mas mababang body mass index (BMI)
- napabuti ang antas ng cholesterol at triglyceride
Ang isa pang pag-aaral na may 20 kalahok ay tumingin naman sa mga epekto ng paginom ng 20 mililitro ng apple cider vinegar sa tubig, araw-araw. Natuklasan ng research ang mas mababang BMI sa 10 na katao. Ang mga ito ay overweight at mayroong lower fasting glucose kumpara sa iba pang 10 na mayroon namang diabetes.
Ang mga isinagawang pag-aaral ay ilan lamang sa mga nagpapatunay ng effectivity ng apple cider vinegar for weight loss. Ngunit mahalagang tandaan na ang mga ito ay maliliit na pag-aaral lamang kung saan may mababang bilang nga mga kalahok.
Para nga masimulan ang apple cider vinegar diet ay narito ang mga paraan kung paano maidadagdag ito sa iyong pagkain.
Ilang beses dapat inumin ang apple cider vinegar?
- Gamitin ito kasama ang olive oil bilang dressing sa vegetable salad.
- Puwede rin itong gamitin sa pagpi-pickle o atsara ng gulay.
- Ihalo ito sa tubig at inumin. Paano inumin ang apple cider vinegar? Dapat ay makainom ng 1-2 kutsarang apple cider vinegar sa isang araw kung gagamitin itong pampapayat. Mas mabuting hati-hatiin ito ng 2 hanggang 3 inuman sa isang buong araw tuwing bago kumain.
Mga dapat tandaan sa pag-inom ng apple cider vinegar
Ano ang masamang epekto ng pag-inom ng apple cider vinegar?
Ang pag-inom ng sobrang apple cider vinegar ay maaring magdulot rin mga ‘di kanais-nais na epekto sa iyong katawan. Kaya naman ay dapat sundin lang ang nabanggit na dosage nito sa isang araw.
Mas mainam nga na subukan munang uminom ng isang kutsarita nito upang malaman kung may magiging negative effect ba rito ang katawan mo.
Hindi rin dapat uminom ng higit sa isang kutsara sa isang inuman.
Ang labis na pagkonsumo ng apple cider vinegar ay maaring magdulot ng nausea o pagkahilo. Kaya kung iinom ng 2 kutsara nito sa isang araw ay mabuting hatiin ito sa umaga bago kumain at sa gabi bago maghapunan.
Mahalaga rin na ihalo ito sa tubig para hindi nito mapaso sa sobrang asim ang iyong bunganga at lalamunan.
Mga side effects ng pag-inom ng apple cider vinegar
Mahalagang inumin sa tamang paraan ang apple cider vinegar. Dahil kung hindi ito ay maaring magdulot ng sumusunod na side effects:
- Naalis nito ang enamel ng ngipin. Kaya ipinapayong mag-sipilyo pagkatapos uminom nito.
- Maari itong magdulot ng nausea o pagkahilo.
- Maari nitong palalain ang acid reflux ng isang tao.
- Nababago nito na ang insulin level ng katawan.
- Pinapababa nito ang potassium level ng katawan.
Para sa mga may nararanasang pre-existing health condition o umiinom ng ibang medikasyon, mas mabuting magpakonsulta muna sa doktor para uminom ng apple cider vinegar bilang pampapayat.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!