Gamot sa peklat ng bata, ano nga ba ang pinakamabisa?
Mababasa dito ang sumusunod:
- Ano nga ba ang perfect na gamot sa peklat ng bata?
- Paano nagkakaroon ng peklat?
- Mga gamot sa peklat ng bata.
- Paano matanggal ang peklat: Natural home remedies
Ano nga ba ang perfect na gamot sa peklat ng bata?
Maraming paraan upang matanggal ang peklat ng mga matatanda. Maraming produkto na puwedeng gamitin pati mga treatments na puwedeng sumailalim. Ngunit ano nga ba ang gamot sa peklat ng bata? Nakakatakot na sumubok ng iba’t ibang produkto dahil sensitive pa ang balat nito. Alamin ang mga iba’t-ibang medical treatments at home remedies para madaling matanggal ang mga peklat ni baby.
Unang una, tandaan na ang pagkatanggal ng peklat ay magsisimula lang kapag tuyung-tuyo na ang sugat.
Para sa mga babies, nasa 12 hanggang 18 buwan ang natural na paghilom ng isang sugat, bago pa simulan ang anumang pagtatanggal ng peklat.
Kapag sinimulan ang pagtatanggal ng peklat bago pa tuluyang maghilom ang isang sugat, maaaring lumala ito kaysa gumaling at masasaktan ang bata. Kapag nangyari ito, puwedeng magkaro’n pa ng permanenteng peklat sa katawan ang bata, imbis na mawala ito.
Makakatulong na maintindihan kung paano nga ba nagkakaroon ng peklat sa balat.
Paano nagkakaroon ng peklat?
Kapag may sugat si baby, ang katawan ay may inilalabas na collagen, at dinadala ito sa apektadong lugar sa balat o katawan para matakpan ang sugat. Ang mga collagen cells ang nagpapagaling sa balat sa loob ng ilang araw.
Habang nangyayari ang lahat ng ito sa ilalim ng balat, ang sugat ay natutuyo at nagkakaron ng langib. Para itong natural na Band-aid o plaster strip.
Kapag lubusan nang magaling, natatanggal ng kusa ang langib, at naiiwan ang naghilom na sugat. Maaaring iba na ang kulay—mas maitim o mapula, o maaaring maging peklat.
Nakakapag-alala sa mga magulang ang peklat sa balat ng isang baby. Pero ang good news ay maraming paraan para mapagaling ang mga peklat na ito.
May dalawang opsiyon para dito: ang paraang medikal at sa pamamagitan ng home remedies.
Gamot sa peklat ng bata
1. Scar-Removing Creams
May mga over-the-counter scar-removal creams na mabibili sa murang halaga pa nga. Inilalagay ito sa peklat na kakagaling pa lamang. Pero kahit ito ay recommended na gamot sa peklat ng bata ay iwasan ang mga may steroid dahil hindi ito ligtas para sa mga babies.
2. Steroid Treatment
May mga nirerekumenda ang mga doktor na steroid injection treatment para sa mga peklat na naging keloid na, o iyong mga nakaumbok na parang uod ang itsura sa balat. Bihira ang treatment na ito para sa mga babies, pero may gumagawa nito para sa mga bata kapag kakaibang sitwasyon.
3. Surgical Removal
May mga uri ng peklat na tinatanggal sa pamamagitan ng operasyon o surgery. Ang gamot sa peklat ng bata na ito ay may kamahalan pero depende rin sa uri ng surgery. Ito ay karaniwang para lang sa mga ayaw ng may kitang peklat sa katawan, lalo sa mukha o binti, dahil lang pangit tingnan.
4. Silicon Sheet Therapy
Ito ay isang madaling pag-gamot kung saan ang doktor ay naglalagay ng plaster na may silicon gel sa buong peklat. Ang collagen sa plaster ay bumubuhay sa mga namatay na cells sa sugat. Napapagaling nito ang sugat at nakakaiwas sa pagbuo ng langib at nakakatulong sa pagkakaro’n ng discoloration ng balat na sanhi ng sugat.
5. Laser Treatment
May ginagamit na highly energised beam para dito, na sumusunog at humihiwa sa large scar tissues. Ito ay hindi kasing-epektibo ng surgical treatment. Hindi kasi tuluyang natatanggal ang peklat sa ganitong paraan, lalo kung medyo malala ito. Ito ay karaniwang ginagamit sa mga mas malalaking bata.
Bagamat lahat ng mga paraan na ito ay epektibo, hindi ito ginagawa ng walang rekomendasyon ng mga doktor, lalo ang pediatrician ni baby. Ang doktor ang makakapagsabi kung anong pamamaraan ang maaari para sa bata, dahil sila din ang makakapagpaliwanag ng partikular na side effects at kabutihan ng gagawing procedure.
Paano matanggal ang peklat o gamot sa peklat ng bata: Natural na home remedies
May mga home remedies na epektibo sa pagtanggal ng mga peklat. Maliban sa keloid o hypertrophic na peklat, ang ibang peklat ay gumagaling ng walang anumang medical procedure.
Maaaring gamitin ang mga gamit na makikita sa kusina ng inyong bahay bilang gamot sa peklat ng bata. Ito ang mga sumusunod:
Aloe vera
Ang halaman na ito ay may makapal na katas na parang gel, na nagtataglay ng anti-bacterial at anti-fungal properties, at mabisang moisturiser, din. Ipahid ito sa peklat ni baby at iwan ng hanggang 30 minuto. Siguraduhing hindi niya ito didilaan (bagamat ligtas naman ito kung makain ng bata, mas mabuting maiwan sa balat para mas epektibo). Gawin ito dalawang beses sa isang araw para mas mabilis ang epekto.
Coconut oil
Isa pang mabisang pantanggal ng peklat ay langis ng niyog. Ito ang kilalang pantanggal ng peklat mula pa nuong sinaunang panahon. Painitin ang langis, ipahid sa peklat at iwan ng hanggang 4 na minuto. Gawin ito 3 beses sa isang araw.
Honey
Isa itong natural moisturiser, na nakakapaglinis ng mga pores ng balat. Ipahid at imasahe ang honey sa peklat ng ilang minuto. Hugasan at ulitin.
Toothpaste
Oo! Akalain mo bang ang panglinis ng ngipin na ito ay para din sa sugat at peklat? Ipahid lang ang isang tuldok ng toothpaste sa peklat at iwan ng hanggang 10 minuto saka banlawan. Gawin ito 2 beses sa isang araw. Tandaan lang na may uri ng toothpaste na hindi puwede sa mga bata, at nakakairita ng balat. Gumamit ng baby toothpaste.
Apple cider vinegar
May taglay itong Vitamin C at nakakaalis ng masamang mikrobyo mula habang pinapagaling ang balat. May kakayahan itong magpatuyo at magpagaling ng sugat at peklat. Ihalo ang isang kutsarang apple cider vinegar sa 2 kutsarang tubig. Gumamit ng bulak para idampi ang solution sa peklat at iwang basa sa loob ng 30 minuto, saka banlawan. Gawin ito 2 beses sa isang araw hanggang mawala ang peklat.
Paalala sa mga magulang
Bilang mga magulang, gusto nating siguraduhin na ligtas at protektado ang ating mga anak sa araw-araw. Pero hindi maiiwasan sa isang punto na magkakaron sila ng sugat o aksidente, maliit man o malaki. At kapag nangyari ito, wala tayong magagawa kundi tulungan itong magamot. Ang after-injury-care ang puwede nating masiguro para maprotektahan sila sa anumang mas malalang kahihinatnan.
Kung ang peklat ay nasa mukha o maselang bahagi ng katawan ng bata, ikunsulta sa doktor ang anumang pinaplanong remedyo o paggamot na gagawin para maiwasan ang komplikasyon.
Source: Livestrong
Isinalin mula sa TheAsianParent SG