Napakaraming iniisip ng mga inang nagbubuntis. Kasama na rito kung tama ba ang nutrisyon na kanilang nakukuha, kung maayos ba ang paglaki ng kanilang sanggol, at ang pag-iwas sa mga bagay na makakasama kay baby. Ngunit alam niyo ba na pati ang paraan kung paano matulog ang buntis ay kailangan ding isiping mabuti ng mga ina?
Hindi madali ang pagtulog para sa mga buntis, lalo na at maraming pagbabago ang nangyayari sa kanilang katawan. Kaya’t heto ang isang gabay para sa mga ina.
Paano matulog ang buntis?
Mahalaga ang pagtulog upang mapahinga ang ating katawan. Lalong-lalo na sa mga buntis, dahil hindi maganda ang pagod at stress para sa mga sanggol. Hetong ang mga simpleng paraan para maging mas mahimbing ang iyong pagtulog:
1st Trimester
Para sa first-time moms, nakakapanibago ang pagtulog. Ito ay dahil nagsisimulang maglabas ng progesterone ang katawan ng ina, na nagiging sanhi ng maraming hormonal changes. Ang mga hormonal changes na ito ay nakakaapekto sa pagtulog, at minsan mararamdaman ng mga ina na sobrang pagod na pagod nila.
Upang maibsan ang pagod na ito, mabuting mag siesta, o matulog sa tanghali o hapon. Ang dagdag na tulog na ito ay makakabawas ng pagod, at makakatulong upang maging mas mahimbing ang tulog sa gabi.
Bukod dito, nakakaranas ng madalas na pag-ihi at pananakit ng suso ang mga ina. Ang mga ito ay nakakaabala sa pagtulog, at posibleng makadagdag sa pagod.
Kaya’t magandang umiwas sa pag-inom ng maraming tubig pagkatapos ng 6 pm. Ito ay upang makabawas sa madalas na pag-ihi sa gabi. Para naman sa pananakit ng suso, malaking tulong ang mga hot showers. Nakakatulong din ang hot shower para marelax ang katawan, at ihanda ang sarili sa pagtulog.
2nd Trimester
Sa 2nd trimester ay nagiging mas madali na ang pagtulog ng mga ina. Ito ay dahil nasanay na ang kanilang katawan sa pagbubuntis, at nakukuha na nila kung paano matulog ang buntis.
Ngunit mayroon pa ring mga problema na posibleng makaapekto sa mahimbing na pagtulog. Isa na rito ang tinatawag na heartburn na dala ng acid reflux.
Ang heartburn ay lumala lalo kapag ikaw ay nakahiga, kaya’t malaking problema ito para sa pagtulog ng mga ina. Nakakatulong ang pag-upo o pagtayo ilang oras bago matulog upang bumaba ang acid sa tiyan at hindi magdulot ng acid reflux. Mabuti ring umiwas sa mga mamantika, maaanghang, o maasim na pagkain.
Kung talagang ayaw mawala ng sintomas, puwede kang humingi sa iyong doktor ng rekomendasyon kung anong uri ng antacid ang safe para sa mga nagbubuntis.
3rd Trimester
Pagdating ng 3rd trimester ng pagbubuntis, ay napapadali na ang pagtulog ng mga ina. Mas sanay na sila sa pangangailangan ng kanilang katawan, at hindi na mahirap sa kanila ang mag-adjust dito.
Ngunit dahil lumalaki na si baby, mayroon namang dagdag na problemang kakaharapin ang mga ina. Ito ay ang lower back pain.
Madalas hindi nagiging komportable ang pagtulog ng mga ina dahil kahit nakahiga, sumasakit ang kanilang likod. Ang isa sa nakakatulong dito ay ang pagtulog sa kaliwang bahagi ng iyong katawan. Ito ay dahil nakakabawas ito ng pressure sa iyong likod, pati na sa iyong tiyan. Nadaragdagan din nito ang circulation kay baby.
Bukod dito, maaaring gumamit ng pregnancy pillow, o unan na sadyang ginawa para sa mga nagbubuntis na ina.
Ang isa pang malaking sanhi ng kawalan ng tulog sa 3rd trimester ay ang pagkakaroon ng anxiety. Normal na kabahan ang mga ina lalo na at parating na ang araw ng kanilang panganganak. Halo-halo na ang takot, saya, kaba, at excitement, kaya’t nagiging sanhi ito ng anxiety para sa kanila.
Mabuting makapagpahinga, mag-relax, at magmeditate upang makatulong na pakalmahin ang iyong loob, at makabawas din sa stress ng pagbubuntis.
Source: Parents
Basahin: Bakit importante na matulog sa left side ang mga buntis?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!