Paano nahahawa sa virus na nagdudulot ng COVID-19? Narito ang paliwanag ng DOH at ang pagsasalarawan sa kung gaano kabilis kumalat ang sakit sa isang shopping center.
Paano nahahawa sa virus na nagdudulot ng COVID-19
Ayon sa CDC o Center for Disease and Prevention Center, ang pangunahing paraan sa kung paano nahahawa sa virus na nagdudulot ng COVID-19 ay ang pagkakaroon ng close contact sa taong infected ng sakit. Ito ay sa pamamagitan ng air droplets na inilalabas niya sa tuwing siya ay uubo o kaya naman ay aatsing. Ang mga droplets na ito ay maaring deretsong pumasok sa ilong, bibig o mata ng taong malapit sa kaniya. O kaya naman ay kumapit sa kaniyang kamay kung ginamit niya itong pangtakip sa kaniyang bibig. Saka niya ito malilipat sa mga bagay na mahahawakan niya na mahahawakan naman ng iba pang tao sa paligid niya.
Maari ring ang droplets mula sa ubo o bahing ng taong infected ng sakit ay kumapit sa surfaces na nasa paligid niya. Dito ay maaring tumagal o mabuhay ang virus ng ilang oras hanggang ilang araw. Hanggang sa mahahawakan ito ng iba pang tao na sunod ng ma-iinfect ng sakit.
May mga ilang pag-aaral rin ang isinagawa upang maipaliwanag kung paano nahahawa sa covid-19 o coronavirus. Ayon nga sa mga pag-aaral, ang COVID-19 virus ay maari ring maihawa sa pamamagitan ng dumi ng tao. Pati narin sa bangkay ng taong naging biktima at nasawi dahil sa sakit. Posible rin umano ang aerosol transmission na sinasabing paliwanag kung bakit maraming health workers tulad ng mga nurse at doktor ang nagpopositibo sa sakit.
Kamakailan nga lang ay may bagong pag-aaral ang nakapagsabi na maaring maikalat ang sakit sa tulong ng airoconditioner. Ito ay matapos mag-positibo ang ilang miyembro ng tatlong pamilya na nagkasabay at magkakalapit ang mesa ng kumain sa isang restaurant sa China.
DOH diagram sa pagkalat ng COVID-19 sa isang shopping center
Dito sa Pilipinas, sa kasalukuyan ay mayroon ng 6,981 na naitalang kumpirmadong kaso ng sakit. Ang isa nga sa unang nag-positibo sa mga nasabing pasyente ay isang matandang lalaki na madalas na nagpupunta sa isang prayer hall sa isang shopping center sa Maynila. Mula noon ay nadagdagan pa ang kumpirmadong kaso ng sakit.
Gamit ang isang DOH diagram ay ipinakita ng ahensya kung paano posibleng kumalat ang sakit. At paano ito naipasa-pasa at naihawa sa iba pa mula sa naturang shopping center sa Maynila.
Ang mga pink na bilog ay ang mga pasyenteng nag-positibo sa COVID-19 at ginagamot sa Philippine Heart Center. Isa sa mga pasyenteng ito ay minsang bumisita sa nasabing shopping center. Siya ay si patient 200.
Samantala, ang mga pulang bilog naman ay ang mga nahawa sa sakit ng magpunta sa isang senate hearing. Isa sa kanila ay bumisita rin sa nasabing shopping center. Siya ay si patient 190.
Ang mga green na bilog naman ay ang iba pang pasyenteng nag-positibo sa sakit at bumisita rin sa naturang shopping center. Habang ang mga gray na bilog ay ang mga kasama nila sa bahay o kapamilya na na-infect rin ng sakit.
Ang diagram naman na ito ay nagpapakita ng mga pasyenteng nahawa ng sakit matapos magpunta sa isang sabungan noong March 7, March 10 at March 12.
Pahayag ng DOH sa kasalukuyang status ng COVID-19 pandemic sa bansa
Ayon kay DOH Undersecretary Dr. Maria Rosario S. Vergeire, ang diagram ay kanilang ipinapakita sa publiko upang mas maunawaan ng lahat kung bakit mahalagang manatili lang muna sa loob ng ating mga bahay ngayon. At kung bakit mahalagang sundin ang mga alituntunin ng ipinatutupad ng enhanced community quarantine o ECQ.
“Ito ay gusto naming ipakita para mas maunawaan po ng ating mga kababayan kung bakit kailangang bahay muna. Kasi sa totoo lang ito ay nangangahulugan talaga na buhay muna.”
Ito ang pahayag pa ni Vergeire.
Samantala sa hiwalay na diagram ay ipinakita rin ng DOH kung paano bumabagal ang pagkalat ng sakit sa bansa. Dahil base sa bilang ng nagpopositibo sa sakit ay nababawasan ang doubling time o ang pagitan ng oras na kailangan sa pag-doble ng kaso ng COVID-19.
“Sa graph ang case doubling time na ito ay may makikita kayong tatlong linya. Isang itim, isang light gray at isang very light gray. Ang mga namamatay ay nasa pulang linya. Kung dati rati ito ay nasa black line nangangahulugan ito na ang doubling time ng sakit ay nasa tatlong araw. Ngayon nasa baba na sya ng black line ibig sabihin ang doubling time ay nasa 3-7 days na. Mentras bumababa ang doubling time, mas bumabagal ang pagdami ng kaso ng sakit sa bansa.”
Paalala ng DOH
Ito ang pagpapaliwanag ni Vergeire sa bumabagal na pagkalat ng sakit. Ngunit magkaganoon man, ayon sa kaniya ay hindi parin tayo dapat magpaka-kampante. Dahil hindi ito nangangahulugan na matitigil na ang pagkalat ng sakit sa bansa. Kaya naman may dagdag siyang pakiusap sa bawat isa sa atin.
“Sana huwag tayong matakot kumonsulta sa ating medical professionals kung tayo ay nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19. Alalahanin po natin na kung hindi po natin ito maagapan, buhay pa ninyo o buhay ng mga taong nakapaligid sa inyo ang nilalagay ninyo sa peligro.”
Ito ang huling paalala ni Vergeire.
Source:
DOH, GMA News
Basahin:
Ilang pregnant patients tinatangging may COVID-19 symptoms sila
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!