7 na bagay na hindi dapat sinasabi sa job interview

Narito ang mga hindi mo dapat sinasabi sa isang job interview na maaring maging dahilan ng hindi mo pagkakatanggap sa trabaho.

Nag-aaply ng trabaho? Alamin rito ang tamang paraan kung paano sumagot sa job interview.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Mga bagay na hindi dapat sinasabi sa job interview
  • Paano sumagot ng tama sa job interview
  • Mga tanong at sagot sa job interview

Talagang nakakakaba kapag kailangan kang sumailalim sa job interview. Maging ikaw ay isang fresh grad at naghahanap ng iyong first job, o isang beterano na gustong lumipat sa isang bagong kompanya.

Nagbabago-bago rin kasi ang trend na bawat industriya. Kaya naman kailangan mo laging maging handa na ipakilala ang iyong sarili sa bawat panayam.

“Paano sumagot sa job interview?”

Ito ang madalas na tanong ng mga taong nagnanais na makakuha ng trabaho. Dahil maliban sa qualifications, ang job interview ang basehan kung tatanggapin ba ang isang aplikante sa pinapasukang trabaho. Ngunit, ano nga ba ang dapat mong isagot sa mga job interview para masiguradong makukuha mo ang “matamis na oo” ng iyong employer?

Image from Freepik

Aang job interview ay ang sinasabing “make it or break it” na parte ng iyong application. Kaya naman ay hindi mo na dapat palagpasin ang pagkakataong ito at ipakita ang iyong kakayahan sa pamamagitan ng pagsagot.

Gayundin, isang maling sagot mo lamang ay maaring siyang maging dahilan para hindi maging matagumpay ang iyong pag-aapply.

Sa kabila ng pabago-bagong teknolohiya at pamamaraan ng job interview, mayroon pa ring mga bagay na hindi nagbabago. Kaya naman narito ang ilang tips para sa mga bagay na hindi mo dapat sinasabi sa mga job interview, na maaaring magpababa ng tiyansa mong makuha ang posisyon na inaasam mo.

Mga hindi dapat sinasabi sa job interview

1. Mga hinaing o reklamo sa current o previous company mo.

Isa sa mga dahilan kung bakit lumilipat ng trabaho ang isang empleyado ay kapag hindi na siya masaya sa kaniyang kasalukuyang trabaho.

Ngunit kung nagbabalak mag-apply sa ibang kompanya, hindi mo pa rin dapat ikuwento at siraan ang kompanyang pinagtrabahuan mo pati na ang mga naging katrabaho mo. Dahil ito ay maituturing na pagrereklamo na hindi magandang katangian para sa isang empleyado.

Ayon kay Linda Zander, isang career coach at nagsulat ng librong Supersized Success.

“Complaining about how badly you were treated by past employers is always a red flag to a potential employer. It also injects a negative tone into the interview and sends it off course and down a path of looking for reasons why not to hire you, rather than why to hire you.

Sa halip, kapag tinanong ka kung bakit gusto mong lumipat sa bagong kompanyang ina-applyan, gamiting dahilan ang mga magagandang bagay na ginagawa ng kompanya.

Ngunit ito ay nangangailangan ng research na mas magpapa-impress sa ina-applyang kompanya.  Magpapakita na ikaw talaga ay interesado na magtrabaho sa kanila.

2. Pagtatanong tungkol sa kung anong ginagawa o negosyo ng kompanyang inaapplyan mo.

Tulad nga ng unang nabanggit, mahalaga na nakapag-research ka na tungkol sa kompanya at posisyong iyong ina-applyan bago sumabak sa isang job interview. Dahil ito ay nagpapakita ng iyong interes at malaking kagustuhan na makuha ang trabaho.

Subukan mong alamin ang mga mahalagang bagay tungkol sa kompanya bago ang araw ng interview. Maari mong tingnan ang kanilang website para sa kanilang mission and vision, gayundin ang kanilang social media accounts para maging updated ka sa mga kasalukuyang proyekto nila.

Larawan mula sa Pexels

3. Pagpapareschedule ng interview appointment mo sa mismong araw nito.

Lahat tayo ay may iba’t-ibang pinagkakaabalahan kaya naman hindi ka dapat gumagawa ng last minute changes lalo na sa scheduled job interview mo.

Hindi lang nito ipinapakita na hindi mo priority ang ina-applyang trabaho. Isa rin itong palatandaan ng lack of professionalism at dedication mo.

Kung pakiramdam mo ay alanganin ang scheduled date ng interview mo para sa iyo, agad na ipaalam ito sa inaapplyang kompanya nang maagathi. Ito ay para makapili sila ng oras at petsa na magiging tugma sa parehong schedule ninyo. At magawa nila ang ibang bagay kaysa ang maghintay sa’yo na bigla lang din palang mababago.

Subalit kung mayroon kang sakit sa araw ng iyong job interview. Huwag mahiyang sabihin ito sa kanila dahil ayaw rin naman ng isang interviewer na makipag-usap sa isang taong posibleng may nakakahawang sakit.

Maaaring humingi ka na lang ng medical certificate mula sa iyong doktor at dalhin ito sa araw ng interview, pati ang patunay na magaling ka na.

4. Pagbabanta ng kung hindi ka tatawagan agad ay tatanggapin mo na ang isa pang trabahong inaapplyan mo.

Kapag tinanong ka ng iyong ina-applyang kompanya kung mayroon ka pang offer mula sa ibang kompanya, dapat mo bang sabihin na oo?

Wala namang masama kung sasabihin mo na oo, mayroon ka pang ina-applyan na iba. Maari itong makatulong sa’yo upang mapabilis ang proseso ng iyong application, at maiparating sa kompanya na ikaw ay “in-demand.”

Subalit kahit kailangang-kailangan mo na ng trabaho ay hindi ka dapat magbigay ng ultimatum sa mga ina-applyan mo. Tandaan na magkaiba ang pagiging confident sa pagiging arogante, at ang huli ay isang ugali na hindi nagugustuhan ng mga employer.

Maging mapagkumbaba sa pagsasabi kung mayroon ka pang ibang offer, at sa halip na magtagal sa paksang ito, mas i-highlight kung bakit gusto mong mapabilang sa kompanyang nagsasagawa ng interview.

Sa oras naman na nakapili ka na sa pagitan ng dalawang trabahong ina-applyan mo, marapat lang na ipaalam sa isa pang ina-applyan na hindi mo na itutuloy ang application mo sa kanila at humingi ng sinserong paumanhin.

5. Pagsasabi na gusto mo sana ng mas mataas na posisyon pero okay na muna ang posisyon na ina-applyan mo sa ngayon.

Ang pagpili sayo ng employer sa isang posisyon ay nangangahulugang nakita nilang “fit” ka para dito. Kaya naman ang pagpapakita ng iyong pagnanais na mapunta sa ibang posisyon ay nagpapahiwatig na hindi mo gusto ang trabahong ibinibigay sa iyo na maaring makaapekto sa performance mo.

“The interviewer wants to know they’re about to hire the perfect person for their open position. Asking about the next promotion during the interview devalues the position you are currently discussing. It’s okay to be curious, but there’s a time and a place for everything,” ani Teresa Ray, isang executive coach mula sa Arkansas.

Tandaan, dapat mong ipakita na ikaw ay confident, subalit tinitingnan rin sa interview ang iyong social skills at kakayahan na makitungo nang maayos sa ibang tao.

6. Pagsasabi na gusto mo talaga ang trabahong inaaplyan at gagawin mo ang lahat para makuha ito.

Bagamat gustong-gusto mo ang posisyon na ina-applyan, hindi ka pa rin dapat magmukhang desperado. Muli, ang pagpapakita ng interes mo sa isang trabaho ay ang pagbibigay ng oras na malaman ang background at nature of business nila sa pamamagitan ng pananaliksik.

Gayundin, dapat ay ipakita mo na magiging isa kang asset sa kanilang kompanya at kaya mong panindigan ito.

7. Pagiging masyadong agresibo at pagsasabing sa loob ng limang taon, ay ikaw na ang papalit sa posisyon ng nag-iinterview sayo.

Hindi masamang mangarap ng promotion o growth sa career mo, ngunit hindi ka dapat maging sobrang vocal o aggressive tungkol dito lalo na sa job interview. Dahil ito ay maaring magbigay ng “threat” sa nag-iinterview sa iyo na maaring maging dahilan para hindi ka niya i-qualify sa posisyon na ina-applyan mo.

“One of the quickest ways to make a hiring manager feel threatened is to tell them your plan is to go after their job. Should you show ambition and interest in advancement? Yes! Should you put a target on their back in your interview? No. Instead, talk about how you’ll advance within the organization by learning various roles so you’ll be the natural choice when an opportunity opens up,” payo ni Elizabeth Pearson, miyembro ng Forbes Coaching Council.

BASAHIN:

10 home-based jobs na puwedeng gawin ng mga nanay

REAL STORIES: “I don’t want to choose between career and parenthood because I love them both.”

6 common issues at challenges na hinaharap ng mga nagtatrabahong ina

Paano sumagot nang tama sa job interview?

Larawan mula sa Pexels

Samantala narito naman ang ilan sa mga karaniwang tanong sa isang job interview, at kung ano o paano ang tamang sagot para rito.

1. “Tell me about yourself.”

Ito ang madalas na unang itinatanong sa mga job interview. Ngunit ito ay hindi tumutukoy sa mga hobbies at favorite color. Sa halip ito ay paraan kung paano mo ipapakilala ang sarili sa interview. Ito rin ang tamang pagkakataon para maibida mo ang iyong sarili at qualifications sa ina-applyang trabaho.

Ito ang isa sa mga inaasahan mong itatanong sa’yo, kaya mas mabuti kung mapaghahandaan mo na ang sagot mo sa tanong na ito.

Simulan ito sa pagsasabi ng kasalukuyan o dati mong posisyon sa trabaho. Sundan ng iyong skills at experience na may kaugnayan sa posisyong ina-applyan mo. Hindi mo naman kailangang banggitin lahat ng nasa resume mo, piliin mo lang ang mga bagay na may kinalaman sa posisyon, at hayaan lumabas ang iyong passion at personality sa iyong sagot.

2. “How would you describe yourself?”

Muli, ang tanong na ito ay hindi tungkol sa personal na buhay mo. Ang hinahanap na impormasyon ng interviewer ay ang mga qualities at characteristics mo na makakatulong sa success ng kompanyang ina-applyan.

3. “What makes you unique?”

Bagama’t hindi mo kilala ang ibang kandidato sa posisyong ina-applyan. Dapat maisip mo kung ano ba ang alam mo o kaya mong gawin na makakatulong sa success ng kompanya o organisasyong nais mong mapabilang.

Subalit hindi mo kailangang magsinungaling tungkol sa iyong skills. Kung mayroon silang tinanong na hindi mo kayang gawin, pwede mong sabihin na hindi mo alam ito. Subalit pwede mo naman itong aralin at pagsisikapan mong matutunan ito.

4. “What motivates you?”

Ang tanong na ito ay ang ginagawang basehan ng interviewer sa level ng self-awareness at ang dedication mo sa ginagawang trabaho. Kailangan mong maging specific sa pagsagot ng katanungang ito.

Makakatulong din kung magbibigay ka ng real life examples o iyong naging karanasan na may magandang kinalabasan dahil sa good decision-making skills mo.

5. “Why are you leaving your current job?”

Maaring may hindi ka naging magandang karanasan kaya mo iniwan ang dati o kasakukuyan mong trabaho. Ngunit hindi ito dapat ang maging dahilan. Sa halip ay mag-focus sa future at sa mga bagong experience o skills na maibibigay sayo ng bagong posisyon.

Ilan lamang ito sa mga tips kung paano sumagot sa job interview. Walang tama at perpektong sagot, ngunit magiging malaking tulong kung magpapakatotoo ka. At mag-apply lang sa trabahong gusto at handa kang ibigay ang best mo.

Paano sumagot sa job interview? Wala namang isang perpektong paraan upang sumagot sa job interview. Subalit laging tatandaan, isa sa mga katangian na nagugustuhan ng mga interviewer ay ang pagiging confident, at pagiging sincere.

Kaya mas mabuting paghandaan ang darating na interview, pero maging totoo sa iyong pagsagot. Sa ganitong paraan, makikita mo at makikita ng interviewer kung ikaw ay ang right fit para sa posisyong ina-applyan mo.

Source:

Indeed, AsiaOne, Energy Resourcing, Forbes