Paano tumagal ang relasyon? Narito ang payo ng isang licensed marriage at family therapist.
Mga sikreto kung paano tumagal ang relasyon
May iba-iba mang dahilan kung bakit tayo pumapasok sa isang relasyon, marami sa atin na ginagawa ito dahil sa love o pagmamahal. Ika nga ng matandang kasabihan, kapag ang isang tao ay nagmamahal ay tiyak na hahamakin at gagawin niya ang lahat. Ngunit, ayon sa mga relationship experts, pagdating sa pag-iingat na mapatagal ang relasyon, hindi lang sapat ang pag-ibig sa isa’t-isa. May ibang mga bagay na dapat isaalang-alang para masiguro na magiging masaya at matatag ang isang pagsasama.
Photo by Hoàng Chương from Pexels
Emotional safety, ano ito at paano ito makakamit sa isang relasyon?
Ayon nga kay John Amodeo na isang licensed marriage at family therapist sa loob na ng 40 taon, isa sa mga sangkap kung paano tumagal ang relasyon ay ang emotional safety. Ito ay ang pagkaramdam ng tiwala at kapanatagan ng loob sa iyong karelasyon at sa inyong pagsasama. Napakahalagang pundasyon umano nito sa isang relasyon. Dahil kung tayo ay hindi emotionally safe sa ating partner ay hindi tayo mare-relax. Tayo rin ay magiging defensive at laging nag-aalinlangan na madalas na pinagsisimulan ng problema sa isang pagsasama.
“When we feel emotionally safe, we feel internally relaxed with a person. Our guard is down and our shields don’t go up when we interact. We feel free to be authentic, which includes expressing our hurts, discontents, and longings without fearing that we’ll be criticized or shamed.”
Ito ang pahayag ni Amodeo.
Pagpapakita ng respeto at pagtitiwala.
Ayon pa rin kay Amodeo, maraming paraan kung paano masisigurong emotionally safe ang isang relasyon. Ang isa nga sa mga ito ay ang pagpapakita ng respeto at kabaitan sa iyong partner. Pati na ang pagpapakita ng tiwala, pakikinig at pagiging matapat sa kaniya. Ang mga ito ang pinaka-importanteng sangkap sa isang relasyon na hindi dapat nawawala.
Pagiging totoo sa ating sarili at sa iyong partner.
Para makaramdam parin ng emotional safety sa isang relasyon, ayon pa rin kay Amodeo ay dapat maging totoo muna tayo sa ating sarili at sa ating partner. Ibig sabihin ay dapat maipakita natin sa ating partner kung ano talaga ang ating ugali o nararamdaman. Dahil sa ganitong paraan ay malalaman natin kung tayo ba ay tanggap nila o hindi. Siyempre, walang taong perpekto. Bawat isa sa atin ay may kapintasan o pagkakamali. Pero napalaking bagay na malaman mo na sa kabila nito ay may isang taong maiintindihan ka at tatanggap sayo. Isang bagay na magpapanatag ng loob mo at mas magpapatibay ng pundasyon ng inyong relasyon.
Photo by Trung Nguyen from Pexels
Pagkakaroon ng open na komunikasyon.
Ayon sa American Academy of Matrimonal Lawyers, ang numero unong dahilan ng mga failed marriages ay ang poor communication. Kaya naman para mas tumibay ang pagsasama at mas mabawasan ang hindi pagkakaintindihan dapat ay mas maging open sa isa’t-isa at maayos na ipaalam sa iyong partner ang iyong nararamdaman. Dahil ika nga ng matatanda, lahat ng bagay ay nadadaan sa maayos na usapan.
Ganito rin ang paniniwala ni Amodeo. Dagdag pa niya, kung may open communication ang isang mag-asawa lahat ng problema ay kayang solusyonan. At maibabalik o mas mapapatibay pa ang emotional safety na kanilang kailangan sa relasyon.
Dapat ay panatilihin rin ang intimacy sa relasyon.
Base sa isang pag-aaral, maraming magka-partner ang ginagawang batayan ang sex o pagtatalik para maging mutually happy sa isang relasyon. Ganoon rin ang pagpapakita ng public display of affection tulad ng holding hands, pagyakap, halik at pagsasabi ng salitang “I love you” o “Mahal kita”. Pero para kay Amodeo ang intimacy sa isang relasyon ay dapat higit pa sa mga ito. Para sa kaniya ang intimacy ay nagsisimula sa pagkilala o pagpapakita ng totoo nating sarili. Dahil sa ganitong paraan ay mas binubuksan natin ang ating puso. Mas lumalalim ang nararamdaman natin sa ating partner at mas nagiging intimate tayo sa ating relasyon.
Photo by cottonbro from Pexels
Ang mga ito ang nagbibigay sa atin ng kapanatagan ng loob sa isang pagsasama. Mas nagiging kampante o relax tayo sa ating partner at ka-relasyon. Naiiwasan natin ang pagkakaroon ng wall o balakid na maipakita o masabi sa kaniya ang ating nararamdaman. Mas nagiging bukas tayo sa pag-uusap. Mas handa tayong makinig at makakasiguro na tayo ay pakikinggan at hindi huhusgahan. Ang mga ito ang ilan lamang sa mahahalagang sangkap kung paano tumagal ang relasyon. Bukod sa pagpapakita ng love o pagmamahal na hindi rin dapat nawawala sa pagdaan ng panahon at habang tumatagal ang inyong relasyon.
Source:
Psychology Today, Demographic Research
BASAHIN:
6 na epekto ng stress na pumapatay sa relasyon ng mag-asawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!