Umamin ka, Mommy. Mayroon ka bang favorite sa mga anak mo? Alamin dito kung ano ang epekto ng pagkakaroon ng paboritong anak sa relasyon ng pamilya.
Tuwing tatanungin ang mga magulang kung sino ang kanilang paboritong anak, karamihan ay sasagot na pantay-pantay ang pagmamahal sa mga ito.
Wala namang duda na mahal ng mga magulang ang mga anak nila. Ngunit hindi rin maikakaila na may mga magulang na iba-iba ang turing sa kanilang mga anak.
Hindi naman ito mala-telenovela na may isa na laging naaapi. Hindi kasing drama ang totoong buhay. Sa pananaw lamang ng mga anak, mayroon lang talaga sa magkakapatid na nagiging paborito ng mga magulang—maging totoo man ito o pananaw lamang nila. May mga magulang lang talaga na tila mas pinapaboran ang isa kaysa sa iba.
Sa isang artikulo mula sa Psychology Today, ipinapaliwanag na hindi talaga maiiwasan ang favoritism. Ayon sa mga pag-aaral, mayroong tatlong kadahilanan para dito: ang posisyon sa pamilya, kasarian, at katangian na kapareha sa magulang.
Bakit nagkakaroon ng paboritong anak?
Paboritong anak base sa posisyon sa pamilya
Ipinapalagay na ang pagiging paborito sa isang anak dahil sa posisyon nito sa pamilya ay dahil sa likas na survival instinct ng magulang.
Sa ebolusyon ng sangkatauhan, ang panganay ang nagiging “puhunan” ng pamilya. Siya ang inaasahan magtaguyod ng pamilya at mag-alaga sa mga magulang pagtanda ng mga ito.
Ang karaniwang nangyayari, sa panganay napupunta ang mas maraming suporta upang magtagumpay ito. Sa kaniya rin napupunta ang atensyon dahil siya ang nauna. Nang ipanganak siya, wala pang kasiguruhan na masusundan siya kaya wala pa siyang kakumpetensya.
Sa kabilang banda naman, ang bunso ay maaari ding maging paborito mas lalo na kung may edad na ang mga magulang nito. Ang mga bunso raw kasi ang karaniwang natitira sa bahay matapos magkaroon na ng sariling buhay ang mga nakatatandang mga anak. Kaya naso-solo rin niya ang atensyon ng magulang.
Minsan, ibinibigay rin sa bunso ang atensyon at mga bagay na hindi naibibigay sa mga naunang anak dala na lang rin ng pagkakataon. Maaring masyado silang busy noon, o mahirap ang buhay noon at nang nakaluwag-luwag na, bumabawi sila kay bunso.
Hindi naman maiiwasan na sa ganitong sitwasyon, nagiging dehado ang middle child o gitnang anak. Siya ang hindi gaanong nakakatanggap ng suporta at atensyon. Hindi rin siya masyadong interasado sa pakikitungo sa ibang miyembro ng pamilya.
Paboritong anak base sa kasarian
Maraming natuklasan ang mga researchers sa relasyon ng kasarian at ng pagiging paboritong anak.
Kadalasan, nagiging paborito raw ng mga nanay ang panganay na anak na lalaki, habang ang mga tatay naman ay pinapaboran ang bunsong anak na babae. Kaya nga nagkaroon ng mga katagang “Mama’s boy” at “Daddy’s girl.”
Pero kahit ganito ang kaso sa umpisa, kalaunan ay mas nagiging close ang nanay sa mga anak niyang babae kaysa sa mga anak niyang lalaki. Ang simpleng paliwanag dito ay dahil pareho ng kasarian ang nanay at mga anak niyang babae. Pareho rin sila ng emotional sensitivity.
Paboritong anak base sa katangiang minana nila sa magulang
Hindi lang ang pagkakapareho ng kasarian ang nakaka-impluwensiya sa pagkakaroon ng paboritong anak. Nagiging factor din ang pagkakapareha ng mga values at ng mga gusto sa buhay. Minsan kasi, mas madali talagang makasundo ng isang magulang ang isa sa kaniyang mga anak kaysa sa iba.
Iba pang dahilan
May mga ibang kaso naman na nagiging paboritong anak ang mga may kailangan ng extra tulong dahil sa sakit o karamdaman; o di kaya’y kung naging biktima ang bata ng krimen.
Napupunta sa kanila ang atensyon hindi dahil pinili ng magulang ang mga ito kaysa sa ibang anak, kundi dahil sa pangangailangan. Nakikita ng magulang na mas kinakailangan sila nito kaysa sa mga anak na may normal na pamumuhay.
BASAHIN:
13 paraan upang hindi magkaroon ng sibling rivalry ang iyong mga anak
Ayon sa isang psychologist, narito ang maaaring gawin para maging close ang magkapatid
Ito ang dahilan kung bakit sinasaktan ng anak mo ang kapatid niya!
Epekto nito sa mga miyembro ng pamilya
Maraming positibong epekto ang pagiging paboritong anak. Mas may kumpiyansa sila sa sarili at mas nakakakuha ng suporta (emosyonal at materyal) kaysa sa kaniyang mga kapatid.
Mas nagiging malaya rin sila—na nagiging sanhi upang mas mabilis silang mag-mature at maging responsable.
Samantala, ang mga anak naman na nakakaramdam na hindi sila ang paborito ay posibleng makaranas ng mga negatibong epekto tulad ng depresyon, mababang self-esteem at hindi magandang relasyon sa kanilang mga kapatid.
Nagkakaron din ng negatibong epekto sa relasyon ng mga miyembro ng pamilya ang pagkakaroon ng “paboritong anak” tulad ng:
- Kahit mga bata pa, nagtatanim ng sama ng loob sa isa’t isa ang magkakapatid—paborito man o hindi.
- Habang tumatanda, lumalayo ang loob ng magkakapatid sa isa’t isa. Habang tumatagal, nagiging sanhi ito ng mas malaking problema sa relasyon ng magkakapatid.
- Kapag matanda na sila, maaaring maiwasan ang mga pag-aaway ngunit mayroon pa ring epekto sa kanilang relasyon ang mga pinagdaanan nila nung sila’y bata pa.
- Maaaring magdulot ng tensyon at hidwaan sa pagitan ng mga magkakapatid at magulang, lalo na sa mga anak na hindi paborito.
- Ang hindi pantay na pagtrato ay maaaring magresulta sa emotional distance sa pagitan ng magulang at mga anak na hindi paborito.
- Ang paboritismo ay maaaring magdulot ng hindi pantay na relasyon at magpabago sa dinamika ng pamilya.
- Maaaring magduda ang iba pang mga anak sa integridad ng kanilang mga magulang, na maaaring magdulot ng problema sa kanilang moral na pananaw.
Sibling rivalry
Hindi lamang ang mga magulang ang nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng paboritong anak. May mga sitwasyon din na nagkakaroon ng pagkukompetensiya sa mga magkakapatid. Ito ang tinatawag na “sibling rivalry,” kung saan nakikipagtagisan ang magkakapatid para sila ang maging paborito.
Ipinapalagay na nangyayari ito dahil sa natural instinct o survival of the fittest. Ang premyo para sa magkakapatid ay ang suporta ng mga magulang. Minsan nangyayari din ito kung naghahanap ang mga anak ng atensyon sa kanilang nanay at tatay.
Hindi man gustuhin ito ng mga magulang, isa ito sa mga nagiging epekto kapag sa palagay ng isang anak ay hindi pantay ang trato sa kanila ng kanilang nanay o tatay.
Maaring mapansin ang sibling rivalry sa pamamagitan ng pag-aasaran, pag-aaway, pagsusumbong kapag may ginawang masama ang isa, pakikipagkumpitensya o kaya inggitan sa magkakapatid.
Paano ito maiiwasan?
Bagama’t madalas ay hindi naman talaga natin alam kung bakit nagkakaroon ng sibling rivalry o kung bakit sa palagay ng iba ay nagkakaroon tayo ng “paboritong anak,” mayroon pa ring mga paraan para maiwasan ang ganitong mga pangyayari sa loob ng ating tahanan.
- Kapag nagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan ang magkakapatid, iwasang kumampi sa isa. Sa halip, pakinggang mabuti ang dalawang panig at hikayatin sila na humanap ng solusyon o compromise sa kanilang away nang magkasama.
- Iwasang magbigay ng mga labels o bansag sa iyong mga anak, halimbawa, “‘yong matalino,” o “iyong mabait.” Huwag rin silang ipagkumpara sa isa’t isa.
- Makakatulong kung kakausapin natin ang ating anak isa-isa. Para hindi makaramdam ng inggit ang isang bata, o para mapalagay ang kaniyang loob, iparamdam sa bawat isa sa iyong mga anak na espesyal sila. Magkaroon ng one-on-one date kasama ang anak (kung saan ikaw lang at siya ang magkasama) kahit isang beses sa isang linggo. Hindi naman kailangang matagal. Kahit 15 minuto lang ay ayos na basta siguruhing nasa kaniya ang iyong buong atensyon.
Ang pagkakaroon ng mabuti at mapagmahal na pamilya ay hindi nangangahulugan na walang magiging pag-aaway, walang kumpetisyon, o magiging patas ang atensyon.
Ang katotohan ay lahat tayo ay may kanya-kanyang pangangailangan, kakayahan, mga gusto at ayaw. Kinakailangan lang ng mga anak na maiparamdam sa kanila na sila ay espesyal at mahal ng kanilang magulang kahit ano pa man sila.
May sibling rivalry ba sa inyong pamilya? Basahin ang mga puwede mong gawin upang mahinto ito.