Paano maging close ang magkapatid? Isa ito sa mga tanong ng marami sa ating mga magulang. Lalo pa kung magkalayo ang edad ng ating mga anak o kaya naman ay lagi silang nag-aaway at nagbabangayan. Bagama’t hindi naman ito dapat ipag-alala, makakatulong naman na habang bata pa sila ay turuan silang mas maging malapit sa isa’t isa. Dahil sa kanilang pagtanda ay sila ang inaasahang magdamayan, magtulungan at gumabay sa isa’t-isa.
Bilang isang magulang ay may magagawa ka upang maging mas malapit ang iyong mga anak. Ayon sa psychologist at author na si Laura Markham magagawa ito sa tulong ng mga sumusunod na tips kung paano maging close ang magkapatid.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
Tips kung paano maging close ang magkapatid
1. Hayaan silang gumawa ng activities na magkasama.
Ayon sa mga pag-aaral, mas tumitibay ang relasyon ng magkapatid sa tuwing sila ay gumagawa ng mga activities na magkasama. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng isang laro. Gaya ng kung ang iyong anak na babae ay mahilig sa lutu-lutuan, habang ang iyong anak na lalaki ay mahilig sa basketball. I-instruct ang iyong anak na babae na kunwari’y paghandaan ng inumin o pagkain ang kuya niya matapos ang paglalaro. Maaari rin silang hayaang maglaro ng videogame ng magkasama. O kaya naman ay gumawa ng mga Tiktok videos na usong-uso sa ngayon. Puwede ring bigyan sila ng task sa bahay na magagawa nilang dalawa. Tulad ng pagga-garden o paglilinis ng bakuran na magagawa nilang dalawa. Siguraduhin lang na sa bawat araw ay kailangang may isang activity silang magagawa ng magkasama.
2. Huwag silang istorbihin sa oras na sila ay masayang naglalaro.
Para mas magkaroon ng maraming oras ng pagbo-bonding ang iyong mga anak ay huwag silang istoborhin sa tuwing sila ay naglalaro o nagsasaya. Sa halip ay suportahan sila para magpatuloy pa sa paglalaro. Maliban nalang kung ang kanilang ginagawa ay maaaring makasakit na sa isa sa kanila. O nangangailangan na ng pakikialam o gabay mo bilang magulang nila.
3. I-encourage silang gumawa ng mga activity na sila ay tatawa at magiging masaya.
Maaaring ito ay sa pamamagitan ng isang nakakatuwang comedy movie. O kaya naman sa pamamagitan ng isang game na may halong katuwaan. Maaaring ito’y sa pamamagitan ng tagu-taguan, langit-lupa, pinoy-henyo, stop dance o pitik-bulag. Hayaan silang gumawa ng mga nakakatuwa at hindi nila makakalimutang memories na magkasama. Gawin rin ito sa oras na sila ay dumaan sa mahirap o nakakapagod na araw. Para mailagay sa isip nila na sa tuwing kasama nila ang kapatid ay malilimutan nila ang problema.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
4. Maglaan ng 10 minuto sa bawat araw para lang magkaroon ng special sa isa’t-isa ang iyong mga anak.
Makakatulong ito kung may malayong agwat sa edad ang mga anak mo. Maaaring gawin ito sa pamamagitan ng paghingi ng tulong ng iyong nakakatandang anak na gabayan sa pagsagot ng module niya ang nakababata niyang kapatid. O kaya naman ay ang pagbabantay sa kapatid niya habang wala o may ginagawa ka. Sa ganitong paraan ay nagkakaroon sila ng exclusive time na magkasama at mas magiging malapit sila sa isa’t isa.
5. Sanayin sila sa isang bedtime routine.
Isang paraan din kung paano maging close ang magkapatid ay ang pagtuturo sa kanila ng isang routine na dapat nilang makasanayan. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng pagsasabi ng goodnight o I love you sa gabi bago sila matulog. O kaya naman ay ang pagbabasa nila ng bedtime stories na magkasama na pangungunahan ng anak mong mas nakakatanda.
6. Turuan ang iyong anak na kailangan nilang tulungan at damayan ang isa’t isa.
Magagawa ito sa pamamagitan ng pagiging halimbawa sa kanila. Gaya na lang kung may isa sa kanila ang nasaktan. Ugaliin na bilang isang pamilya ay huminto kayo sa inyong ginagawa at agad na tugunan ang pangangailangan ng nasaktang miyembro ng inyong pamilya. Kung ito ay iyong anak, gawing bahagi ang kaniyang kapatid sa pagagamot sa kaniya. Maaaring ito ang maging taga hawak ng gamot o tubig na kailangan niyang inumin. O kaya naman ay maging alalay niya o gabay kung siya ay nahihirapang lumakad o tumayo. Sa ganitong paraan ay nasasanay mo na silang gabayan at damayan ang isa’t isa.
7. I-encourage silang gumawa ng isang mission ng magkasama o bilang isang team.
Huwag gawing magka-kompetensya ang iyong mga anak. Sa lahat ng oras ay i-encourage silang kumilos bilang isang team. Tulad ng pag-i-encourage sa kanilang magtulungan na maglinis ng kuwarto nila para maibigay mo ang isang reward na ninanais nila. Maaaring ito ay isang bakasyon o pagpunta sa paborito nilang themed park o restaurant.
Puwede rin silang pagawin ng isang activity na magagamit nila ang kanilang skills na magkasama. Maaaring sa pamamagitan ng paggawa ng isang card o poster. O kaya naman ay treasure hunt na magagawa nila ng matagumpay kung sila ay magtutulungan.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
8. Hayaan silang gumawa ng isang project ng magkasama.
Turuan ang iyong anak na laging gumawa ng mabuti sa kanilang kapwa. Gawin ito, halimbawa, sa pamamagitan ng isang gift-giving project tuwing Pasko. Isang proyekto na magagawa nila ng magkasama. Tulad ng maaari silang mag-ipon ng magkasama upang mapaghandaan ito.
Isang magandang proyekto din na maaaring iatas sa kanila ang paggawa ng nakakatuwang greeting card o video para sa birthday ng isang kaibigan o kapamilya. O kaya naman ay ang pag-iisip at paghahanda ng isang game sa inyong family outing o reunion.
9. Gumawa ng isang family journal.
Hayaan ang journal ay i-decorate ng iyong mga anak. Sila rin ang papiliin mo ng mga litrato o iba pang maaring ilagay dito. Bigyan lang sila ng theme sa kung anong maari nilang ilagay. Maaaring ito ay kahit anumang bagay na nagpapakita ng kabaitan o kindness sa isa’t isa.
10. Hayaan ang iyong mga anak na resolbahan ang problema nila ng magkasama.
Sa oras na may hindi pagkakaintindihan ang iyong mga anak ay hayaan silang resolbahan ito. Huwag pumanig sa kung sinuman sa kanila. Sa halip ay pumagitna at i-encourage silang makinig at pakinggan ang bawat isa. Turuan silang intindihin ang bawat isa sa pamamagitan ng paglalagay sa kanilang sarili sa posisyon ng kapatid nila. Hayaan silang mag-usap at ipaintindi sa kanila ang kahalagahan nito upang maresolbahan ang bawat problemang kanilang kahaharapin.
Sa tulong ng mga nabanggit na tips ay mas magiging malapit sa isa’t-isa ang iyong mga anak. Mas lalalim ang kanilang pagsasama at pagmamahal sa bawat isa.
Source:
Psychology Today
BASAHIN:
#AskDok: Paano disiplinahin ang magkapatid na magkaiba ang ugali?
7 signs na bully ang isa mong anak sa kaniyang kapatid
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!