Hindi kaila sa mga nagbubuntis na mahalaga ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan upang maging malusog rin ang kanilang sanggol. Ngunit alam niyo ba na ang pag-inom ng prenatal vitamins ay posible rin daw makatulong para makaiwas sa autism?
Ito ay ayon sa isang bagong pag-aaral, at posible itong maging malaking tulong para sa mga inang nagbubuntis.
Pag-inom ng prenatal vitamins, pang-iwas sa autism
Ayon sa pag-aaral, na isinagawa ng University of California, ito raw ang unang pag-aaral tungkol sa epekto ng prenatal vitamins sa autism.
Pinag-aralan ng mga researchers ang mga inang mayroon nang anak na may autism. Sila ang napili para sa pag-aaral dahil napatunayan nang mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng autism kung nagkaroon na ng anak na may autism ang isang ina.
Napag-alaman nila na sa mga uminom ng prenatal vitamins, 14% lang raw ang posibilidad na magkaroon ulit sila ng anak na may autism. Ngunit sa mga hindi uminom ng vitamins, 33% raw ang posibilidad.
Ibig sabihin, may kinalaman ang pag-inom ng prenatal vitamins sa pagbaba ng mga kaso ng autism. Bagama’t hindi pa sigurado ang mga researcher kung anong vitamin ang nakakababa ng autism, sa tingin nila may kinalaman dito ang folic acid. Ito ay dahil ang folic acid ay nakakatulong sa brain development ng mga sanggol habang nasa sinapupunan.
Ayon sa mga pag-aaral, isa sa bawat 68 na bata ay mayroong autism spectrum disorder (ASD). Kasama na rito ang mga mas mild na kaso ng autism, pati na ang mga mas matinding disorders.
Dagdag pa nila, maigi raw na uminom ang mga ina ng prenatal vitamins upang masiguradong malusog ang kanilang magiging sanggol.
Ano ba ang prenatal vitamins?
Ang prenatal vitamins ay isang uri ng multivitamin na nakakatulong sa mga inang nagbubuntis. Pinapalakas nito ang kanilang katawan, at binibigyan sila ng mahahalagang vitamins at minerals upang maging malusog ang kanilang mga sanggol.
Ngunit hindi pantay-pantay ang lahat ng mga prenatal vitamins. May mga ilang essential vitamins ang kailangan ng mga ina, at heto ang mga vitamins na ito:
- Folic acid
- Iron
- Calcium
- Vitamin D
- Vitamin C
- Thiamine
- Riboflavin
- Vitamin B12
- Vitamin E
- Zinc
- Iron
- Iodine
Mas maganda kung ang mga prenatal vitamins na iyong iinumin ay mayroon mga minerals na ito, dahil ito ang mga essential minerals para sa pagdevelop ng iyong sanggol. Importante rin na sabayan ito ng wastong pagkain, upang mapabuti ang kalusugan ng iyong sanggol.
Source: Daily Mail
Basahin: 10 prenatal vitamins na rekomendado ng mga OB-GYN