Sa simula ng ikalawang trimester, o ika-apat na linggo ng pagbubuntis, makikita na ang tuluyang paglaki ng iyong tiyan dahil lagpas na ng 3 pulgada ang iyong sanggol sa sinapupunan.
Nasa 1 1/2 ounces na rin ang timbang nito. Ang kaniyang maliliit na daliri ay may fingerprints na, at ang kaniyang puso ay nag-pa-pump na ng 25 quarts ng dugo sa bawat araw. Ang kaniyang mga buto ay nabubuo na rin sa paglipas ng mga araw, at may kakayahan na siyang makarinig. Ito na ang panahon na mararamdaman ang pagsipa at paggalaw ni baby, lalo’t ito ay nakakarinig ng musika o anumang ingay.
Ano nga ba ang dapat gawin sa susunod na 12 linggo ng pagbubuntis, upang ang ina at ang kaniyang sanggol ay ligtas, malusog at masaya?
Ika-14 na linggo
Ihanda na ang mga damit pambuntis dahil ito na ang panahon ng pagsusuot ng mga ito. Mas magaan na rin ang pakiramdam sa panahong ito at hindi na masyadong mapaghihilo, ngunit may mga di-maiiwasang mood swings o pabago-bago ng mood: minsan ay ang taas ng energy mo at masaya, minsan nama’y masungit o malungkot.
Ang atay ng iyong sanggol ay naglalabas na ng bile at ang spleen niya ay nagbibigay na ng pulang blood cells. Naigagalaw na rin niya ang maliliit na muscles ng kanyang mukha kaya’t siya ay nakangingiti, nakakasimangot at iba pa.
Patuloy na alagaan ang sarili, kahit na ang pagka-delikado ng pagbubuntis ay nalagpasan na. Umidlip at maglibang, magpahinga kung nagtatrabaho, uminom ng maraming tubig.
photo: dreamstime
Ika-15 na linggo
Kailangan nang maghanap ng magandang pwesto sa pagtulog dahil tuluyang lumalaki ang tiyan. Subukan ang patagilid na pagtulog, dahil ang pagtulog ng nakadiretso ang likod o nakatihaya ay dumidiin sa iyong aorta at inferior vena cava, at makakaapekto sa pagdaloy ng dugo papunta sa iyong lower body at kay baby. Maglagay ng mas marami o malambot na unan sa iyong tagiliran at sa bandang tiyan sa pagtulog.
Nakakaaninag na ng ilaw ang iyong sanggol sa sinapupunan at mayroon na rin siyang taste buds. Halos 5 pounds na ang nadagdag sa iyong timbang ngayon. Ang sanggol naman ay 2 ounces na at halos 5 pulgada na rin. Maaaring sinusukat na rin ng iyong OB GYNE ang iyong fundus o fundal height sa iyong prenatal appointment. Ito ang distansiya mula sa iyong pubic bone hanggang uterus. Dito kasi malalaman ang posisyon ng sanggol. Kapag mataas ang fundal height, maaaring breech ang bata, o nakaturo sa ibaba ang paa, imbis na ang ulo. Makikita ito sa isang ultrasound o pelvic examination.
Ika-16 na linggo
Halos 2 1/2 ounces na ang timbang ng iyong nasa sinapupunan, at ang katawan mo ay mayroong halos 7 1/2 ounces ng amniotic fluid. Halos doble ang laki nito ngayon! Lumalaki ang volume o dami ng dugo ng ina na dahilan na din ng sinasabing “pregnancy glow”—mapula at may pagka-oily din. Ang mata at tainga ng iyong sanggol ay nasa lugar na din, kaya’t makikita na ang pisikal na itsura ng kaniyang mukha. Ang kaniyang unrinary at circulatory systems ay inaasahang gumagana nang maayos.
Sa pre-natal check-up sa panahong ito, siguraduhing magpa-ultrasound, at itanong sa OB GYNE kung kailangan ba ng test para sa Alpha-Feta Protein (AFP), Triple test, at Amniocentesis. Kailangan na ring maghanap at kilalanin ang magiging pediatrician ng iyong anak. Makakatulong din kung ngayon na magsisimulang magsimulang magparehistro sa isang Prenatal class at Childbirth class.
Ika-17 na linggo
Tumitibay na ang inyong umbilical cord, at lumalaki ang iyong abdomen dahil tuluyang lumalaki at bumibigat si baby. Ang iyong baby ay may habang 5 ¾ pulgada na at may timbang na 4 ounces. Ang pandinig ng sanggol ay buo na at mayron na siyang adipose o baby fats. Makakaramdam ng sakit sa binti paminsan-minsan: ang sciatic nerve pain. Ang sciatic nerve ay ang pinakamalaking nerve sa katawan, na nasa ilalim ng iyong uterus papunta sa binti. Dumidiin kasi ang bigat ng sanggol sa sciatic nerve kaya’t sumasakit.
Ika-18 na linggo
Kitang-kita na ang iyong baby bump dahil si baby ay halos anim na pulgada na ang laki. Makakaramdam na ng back pains o pananakit ng likod dahil nga sa bumibigat na tiyan. Magpahinga ng mas madalas at iangat ang mga paa at binti sa tuwing uupo.
Patuloy na kumain ng pagkaing may protina, calcium at iron, dahil mas madalas kang makakaramdam ng gutom sa panahong ito at maaaring maapektuhan ang dental health o ang tibay ng iyong mga ngipin. Ngumuya ng dahan dahan at iwasan ang pagmamadali sa tuwing kakain.
Subukang kumain ng mas madalas ngunit kaunti lamang. Maupo pagkatapos kumain at iwasang humiga agad. Matulog ng angat ang ulo para makatulong sa pagtulog at mabawasan ang paghilik ng malakas. Iwasan din ang mga maaanghang na pagkain.
Bumisita sa iyong OB GYNE, dahil handa nang magpakita ng kasarian ang iyong anak!
Ika-19 na linggo
May mararamdamang pananakit ng ligament sa bandang abdomen at balakang at pagkahilo paminsan-minsan. Maaari ding makadama ng leg cramps o paninigas ng muscles sa binti. Ikunsulta ito sa iyong doktor, at huwag basta-basta iinom ng gamot para dito. Makakatulong sa leg cramps ang pagtaas nito at nakapatong sa isang upuan ng diretso, pagkatapos ay igalaw-galaw ang paa para ma-relax.
Patuloy ang paglaki ng sanggol sa timbang na halos 7 ounces at habang 6 na pulgada. Nakakarinig na ng buo ang iyong sanggol kaya’t magandang magpatugtog ng mga classical music, masasayang kanta at minsan naman ay nakaka-relax, depende sa oras. Kantahan din at kausapin ito palagi. Nagkakaroon na rin siya ng buhok at ang bahagi ng utak niya na para sa 5 senses o pandama ay fully developed na din.
Ika-20 na linggo
Biruin mo, nasa kalahati ka na ng pagbubuntis! Siguraduhing may sapat na iron ang katawan at iwasan pa rin ang maaalat at maaanghang na pagkain. Mahalagang may sapat na iron ang katawan para sa iyo at sa iyong anak. Kumain ng lean red meat (baka), baboy (paminsan-minsan), dried beans, spinach, dried fruits, oatmeal at iba pang grains.
Ayusin na ang birth plan at ang bag na dadalhin sa ospital ay unti-unti nang lagyan ng laman. Ang tuktok ng iyong uterus ay nakatapat na sa iyong pusod. Nasa 8 hanggang 10 libra (pounds) na ang nadagdag sa timbang ng ina ngayon. Asahan pang bibigat pa ang timbang ng kalahating libra sa kada linggo hanggang manganak.
Ang sanggol ay nasa 7 ¾ pulgada na at may timbang na halos 9 ounces. Nababalot siya ng puting substance na tinatawag na vernix caseosa. Ito ay nagbibigay proteksiyon sa balat ng iyong sanggol. Ito rin ang tutulong na mapadulas ang paglabas ng bata sa oras ng kaniyang kapanganakan.
Ika-21 linggo
Mapapansin ang pagkakaroon ng varicose veins, paglaki ng paa at minsa’y pagkamanas ng binti (at braso at kamay din). Magpahinga ng mas madalas kahit hanggang 10 minuto lang bawat pahinga. May mga babae din na nagiging oily ang mukha. Kung ganito ang nararananasan, maghilamos lang lagi gamit ang sabon para sa mukha.
Mag-enjoy at aliwin ang sarili para maging masaya ang pagbubuntis. Ang iyong baby ay halos 9 pulgada na at may bigat na 12 ounces. Madalas at malalaki ang galaw ng sanggol sa iyong tiyan. Malikot na siya at talaga namang bibo pa, lalo kapag ikaw ay nagpapahinga o nakahiga.
Uminom ng 6 hanggang 8 na baso ng tubig bawat araw. Nakakatulong ang pag-inom ng cranberry juice (unsweetened) para labanan ang UTI (urinary tract infection) na karaniwang nakakaapekto sa mga nagbubuntis.
Ika-22 na linggo
Ang iyong baby ay halos 10 pulgada na at may bigat na 14 ounces. Kulubot man ang kaniyang balat, siya ay totoong nagmumukhang isang munting sanggol na. Kita na ang mata, labi pilikmata at kilay. Mabuting sumali sa mga childbirth education classes kasama ang partner o asawa para malaman ano pa ang mahahalagang dapat malaman tungkol sa magaganap na pagdating ng iyong anak.
Maihahanda ka din sa labor, matuturuan ng relaxation techniques at makakakilala din ng mga kapwa mag-asawa at kapwa buntis na maaaring makausap tungkol sa mga karanasan sa pagbubuntis.
Ito ang panahon na maaaring makaramdam ng iba ibang sakit sa katawan, kaya’t karaniwang natatakot ang ina na siya ay makukunan. Kung makakaramdam ng lower abdominal pain, sakit ng likod o sa pelvic area, pulikat o vaginal discharge, ikunsulta agad sa iyong doktor.
Ika-23 na linggo
Dahil ang iyong uterus ay nasa ibabaw ng iyong bladder, nadidiin ito at nagiging dahilan ng fluid discharge na akala minsan ay ihi. Ito ay maaaring amniotic fluid. Ang amniotic fluid ay walang amoy, di tulad ng ihi. Kung ito ay amniotic fluid, itawag agad sa iyong doktor.
Ang sanggol ngayon ay may bigat na 1 libra (pound) o .45 kg at nasa 11 hanggang 14 pulgada ang haba o tangkad. Patuloy siyang lumalaki at pisikal na nagiging handa sa pagluwal. Patuloy na uminom ng tubig palagi at iwasan ang kape at soda upang maibsan ang pananakit ng ulo, UTI at pagkamanas.
Makikita ang pag-itim ng linea negra sa iyong tiyan, mula pusod hanggang ibaba ng tiyan. Marami ding bahagi ng katawan na mangingitim o magiging kulay kape: paligid ng mata, leeg, kili-kili, singit at iba pa. Maglagay lang palagi ng lotion o baby oil para hindi tuluyang matuyo ang balat. Mawawala din ito pagkapanganak.
Ika-24 na linggo
Labing-anim na linggo na lang ay dadating na ang iyong sanggol. Ang sanggol ay higits a 12 1/2 pulgada na at may timbang na halos 2 libra (pounds). Ang brain development ng iyong anak ay mabilis na din sa linggong ito. Pati ang kanyang baga ay halos buo na.
Maaaring bigyan ka ng doktor ng glucose screening test upang makita kung mayroon kang gestational diabetes o ang pansamantalang diabetes na karaniwang nakikita sa mga buntis dahil hirap ang mga nagbubuntis na magluwal ng insulin para sa tamang sugar level.
Kung nakakaramdam naman ng heartburn, subukang kumain ng mas maliliit na portion ng pagkain, per mas madalas (hanggang 6 na beses sa buong araw. Iwasan din ang kumain o magmeryenda ng malapit na sa hatinggabi.
Ika-25 na linggo
Halos kasinlaki na ng isang basketball ang iyong tiyan. Ang sanggol ay nasa 13 pulgada na at nasa 1½ to 1¾ libra (pounds). Nagkakalaman at baby fats na ang iyong sanggol kaya’t hindi na kulubot ang kaniyang balat.
Marami nang naghuhula kung ang baby ay babae o lalaki. May magsasabing babae kasi bilog na bilog ang iyong tiyan, at lalaki dahil parang bilohaba. Babae daw ito kung mabilis ang tibok ng puso, at lalaki kung mabagal. Ito ay pawang mga hinuha lamang kaya’t tanggapin lang ng parang biro at huwag masyadong seryosohin. Kung gusto talagang malaman, ipa-ultrasound na lamang.
Panahon na rin kasi para mag-isip ng pangalan para sa sanggol na malapit nang ipanganak.
Ika-26 na linggo
Patapos na ang ikalawang trimester. Maaaring nasa 16 hanggang 22 libra (pounds) ang dadagdag sa timbang ng ina sa mga susunod na linggo patungo sa kabuwanan nito. Si baby ay may habang 13.38 pulgada (34 cm) at may timbang na 2 libra (0.9 kg).
Tuluyang nabubuo ang pandinig ng sanggol kaya’t masarap pa rin itong kausapin dahil siya ay sumasagot sa pamamagitan ng paggalaw o pagsipa.
Asahang may mga tests na gagawin ang iyong OB GYNE: blood screenings, antibody screen for Rh negative (Rh Factor), Glucose tolerance test para ma-diagnose gestational diabetes, at iba pa.
Nirerekumenda ng FDA na kumain ng isda ang mga nagbubuntis, tulad ng salmon, tilapia, shrimp, tuna (delata, hindi sushi, at hindi maalat), cod, at catfish. Huwag kumain ng shark, king mackerel, at swordfish.
ALAMIN: Handa ka na ba sa panganganak?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!