Pagdududa sa asawa at paulit-ulit na pagsubok sa pagmamahal niya sa ‘yo maaring makasama sa inyong relasyon. Ito ay ayon sa mga eksperto.
Pagdududa sa asawa at pagsubok ng paulit-ulit sa pagmamahal niya maaaring makasama sa inyong relasyon
Masarap sa pakiramdam na malaman kung gaano pinahahalagahan ng partner mo ang inyong relasyon. Makikita ito sa pamamagitan ng mga aksyon o gestures niya. Pero minsan aminin mo man sa hindi ay nag-aalinlangan pa rin tayo sa kanilang nararamdaman. Kaya naman ang iba sa atin ay sinusubok o tine-test ang ating partner. Tulad ng minsan sa pagpapapili sa kaniya na samahan ka sa isang event o lugar na gusto mong puntahan kapalit ng paggi-give-up ng schedule o activity na kaniya ng nakasanayang gawin linggo-linggo. O kaya naman ay ang hindi niya pagpunta sa isang importanteng event ng isa sa kaniyang kaibigan o kapamilya para lang makasama ka. May iba naman sa atin na sinusubok ang ating asawa na maibigay ang ating mga hiling bilang patunay ng pagmamahal niya.
Bagama’t nakakakilig at nakakataba ito ng puso, babala ng psychotherapist na si Tina Gilbertson, maaring magdulot ng conflict sa inyong relasyon ang ginagawa mong ito. Nagpapakita lang ito na mayroon kang insecurity at mababa ang confidence mo sa inyong relasyon.
Ganito rin ang pananaw ng clinical psychologist na si Mark B. Borg. Ayon kay Borg, ang pagtetest sa iyong partner ay maaaring maging manipulative at maaring magdulot ng toxicity sa inyong relasyon sa pagdaan ng panahon.
Senyales ito ng insecurity at hindi mo pagiging kontento sa relasyon ninyo
Para naman kay Shadrack Kirunga, isang African writer at counsellor, ang pagdududa sa pagmamahal ng iyong asawa at pagte-test dito ay hindi lang basta nagpapahiwatig ng iyong insecurity. Ito’y nagpapahiwatig din na may trust issues ka sa iyong relasyon. Nag-aalinlangan ka sa commitment ng iyong partner sa inyong pagsasama. Sa hindi mo sinasadyang pagkakataon ay ipinaparamdam mo rin sa kaniya na siya ay hindi nagsasabi ng totoo sa inyo. Hindi ka sigurado o kontento sa pagmamahal na ibinibigay niya. Ang mga ito ayon kay Kirunga ay masama sa isang relasyon. Dahil sa maaaring magbunga ito ng isang masamang epekto sa relasyon na noong una ay wala naman talaga o hindi nagi-exist.
Kaya payo niya imbis na magkaroon ng agam-agam tungkol sa pagmamahal ng iyong partner sa ‘yo, mas mabuting maging open sa kaniya. Sabihin sa kaniya kung anong nararamdaman mo at ano ang maaari niyang gawin upang mapanatag ang kalooban mo.
Mga paraan kung paano maipapakita ang pagmamahal sa asawa
Maliban naman sa pagpapakita ng tiwala sa kaniya at kawalan ng pagdududa sa kaniyang pagmamahal, maraming paraan kung paano maipapakita ang pagmamahal sa iyong asawa. Ito’y ang mga sumusunod:
1. Paggawa ng maliliit na pabor sa iyong asawa.
Ang mga ito ay magagawa sa pamamagitan ng simpleng pagtitimpla ng kape niya, paghahanda ng pagkain sa trabaho, pagtulong sa kaniya sa gawaing bahay o kaya naman ay pagbili ng libro na gusto niyang basahin ay magpaparamdam na ng pagmamahal mo sa kaniya. Dahil hindi lahat ng asawa ay nagagawa ito, tanging ang mga mayroong malasakit lang at may natatanging pagmamahal ang magbibigay ng oras sa maliliit na bagay na ito.
2. Maglaan ng oras na kayong dalawa lang o magkaroon ng date nights.
Maaaring kayo ay lumabas at kumain sa isang restaurant o kaya naman ay manood ng isang pelikula na magkasama. Maaari ring gawin ito sa pamamagitan ng pagluluto ng isang romantic meal para sa inyong dalawa. Dahil hindi dapat kayo nawawalan ng oras sa isa’t isa.
3. Bigyan siya ng massage.
Ang pagtratrabaho at paggawa ng gawaing bahay ay nakakapagod. Kaya naman ang pagbibigay ng mensahe sa iyong asawa ay talagang ma-aappreciate niya. Maari mo siyang masahiin sa kaniyang ulo, kamay, balikat, leeg at pati na ang kaniyang paa.
4. Mag-effort na magkaroon ng magandang relasyon sa kaniyang pamilya.
Kahit minsan ay may hindi pagkakaintindihan, ang paggawa ng effort para makasundo ang pamilya ng iyong asawa ay malaking bagay para sa kaniya. Kahit na ba minsan o madalas ay may conflict ang mga mag-biyenan, ang hindi pagsasalita ng masama o pagrerespeto sa mga magulang niya ay siguradong ikakatuwa ng iyong asawa.
5. Gumawa ng bagong activities o adventures na magkasama.
Para mapanatiling fresh ang pagsasama ay maaring sumubok gumawa ng bagong activities o adventures na kasama ang iyong asawa. Maaaring sa pamamagitan ng paggawa ng water activities o kaya naman ay sa paggawa ng ilang bagay na maaari ninyong pag-eksperimentuhan sa kama.
6. Panatiling mainit ang inyong pagmamahalan.
Kahit na ba busy sa pagtugon ng kaniya-kaniyang responsibilidad sa pamilya ay dapat hindi ka mawalan ng oras sa iyong asawa lalo na sa kama. Dahil ayon sa mga pag-aaral, ang pagtatalik ang isa sa pinakamabisang paraan ng pag-didistress at pag-rerelax. Isa rin ito sa pinakamagandang paraan para iyong maiparamdam ang haplos at init ng iyong pagmamahal.
7. Respetuhin ang kaniyang independence o sariling oras.
Bagama’t kayo ay nanumpa na magsasama sa hirap at ginhawa, dapat ay bigyan mo rin ng oras para sa sarili niya ang iyong asawa. Dahil sa ganitong paraan ay hindi mo lang naipapakita ang pagmamahal mo sa kaniya. Kung hindi pati na rin ang iyong tiwala na importante sa bawat pagsasama.
8. Paggawa ng mga bagay na kinahihiligan niya.
Ang pagpapakita ng pagmamahal sa asawa ay pagpapakita rin ng kagustuhan sa mga bagay o tao na mahal niya. Kung may paborito siyang sports, bakit hindi mo subukang manood nito kasama niya. Sa pamamagitan nito ay hindi ka lang nagkakaroon ng quality time kasama ang iyong asawa. Ngunit mas nakikilala mo pa siya na akala mo noong una ay alam na alam mo na.
Ang pagpaparamdam ng pagmamahal sa asawa ay magagawa mo sa iba’t ibang paraan. Maliban sa pagsasabi ng salitang I love you, ang mga simpleng halik at yakap ay magsasabi rin sa kaniya ng iyong nararamdaman, sa paraang kayo lang ang nagkakaintindihan.
Muli payo ng mga eksperto, kung may pag-aalinlangan o pagdududa sa pagmamahal ng asawa mo sayo ay mabuting sabihin o maging open sa kaniya tungkol rito. Ito ay upang agad ninyo itong mapag-usapan at masolusyunan.
Source:
Psychology Today, Nation Africa
BASAHIN:
8 signs na asawa mo ang boss
Ang rason kung bakit dapat CRUSH mo ang asawa mo
EXPERT: Hindi pag-gamit ng cellphone pagkasama ka—senyales na mahal ka ng asawa mo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!