Sa panahon ngayon, ang paggamit ng gadgets ay bahagi na ng pang araw-araw na buhay natin. Madalas nasa ating mga smartphone ang importanteng mga reminders, at ito ang ginagamit natin upang mapadali ang ating mga buhay. Kaya’t hindi na rin nakapagtataka na ang paggamit ng gadget ay minsan natututunan rin ng mga bata. Lalong-lalo na kung techie ang kanilang mga magulang.
Ngunit alam niyo ba na hindi pala ito mabuti para sa kanila? Maaring makaapekto raw ito sa kanilang development, at makasama sa ugnayan ng mga magulang at anak.
Bakit hindi mabuti ang paggamit ng gadget ng mga bata?
Madalas ay nakikita natin ang ilang mga batang mayroong hawak-hawak na smartphone o kaya tablet. Maraming magulang ang ginagawa ito dahil isa itong mabilis na paraan upang madistract ang mga bata.
Ngunit ayon sa American Academy of Pediatrics, hindi raw dapat hinahayaang gumamit ng gadgets ang mga bata, lalo na ang 2-taon pababa. Ito ay dahil nakakasama raw ito sa social development ng mga bata. Hindi raw mabuti na masanay ang mga bata na umaasa sa mga gadgets upang libangin ang kanilang mga anak.
At kahit raw mayroong mga “educational” apps sa mga gadgets na ito, hindi pa rin nito ibig sabihin na okay lang gumamit nito. Wala pa rin daw makakatalo sa face-to-face contact ng mga magulang, at mas mainam pa rin na hindi hayaan ng mga magulang na malulong sa gadgets ang mga bata.
Madalas ay ibinibigay ng mga magulang ang mga tablet o smartphone sa kanilang mga anak upang libangin sila. At karaniwan nang makakita ng bata na umiiyak dahil hindi siya nakakapaglaro o nakakagamit ng gadget niya. Ibig sabihin nito, naging dependent na ang bata sa kaniyang gadget, at hindi niya kayang libangin ang sarili kung wala ito.
Isa itong nakakakot na kaisipan, dahil paano kung lumaki ang bata na sa gadgets lang umaasa? Posible bang magkaroon siya ng meaningful na relasyon sa mga tao? At paano siya matututong makipaghalubilo sa ibang mga bata kung puro gadget ang focus niya?
Dapat nasa wastong edad sila bago gumamit ng gadgets
Ang isa pang importanteng dapat tandaan ng mga magulang ay madaling ma-expose sa kung anu-anong mga bagay ang kanilang anak kapag nasa gadgets sila.
Isa na rito ang kumalat na “Momo suicide challenge” na ikinabahala ng napakaraming mga magulang. Mahalagang tutukan rin ng mga magulang ang paggamit ng internet ng kanilang mga anak, at hindi sapat ang umasa lang sa mga “kid’s apps”.
Importanteng malaman ng mga magulang na hindi laro ang mga smartphones, at dapat ay nasa wastong edad ang mga bata kung ipapagamit ito sa kanila ng mga magulang. Hangga’t-maaari ay hindi dapat sila turuang masanay sa paggamit ng gadgets.
Kailangan ring hindi masyadong umasa ang mga magulang sa gadgets para gawin ang “babysitting” ng kanilang mga anak. Dahil bagama’t convenient at madali ito, hindi naman nito nasisigurado ang mabuting development ng kanilang mga anak.
Wala pa ring tatalo sa quality time na binibigay ng mga magulang, at sa face-to-face contact na nakukuha ng mga bata kapag sila ay inaalagaan at nilalaro ng kanilang mga magulang.
Source: Philly Voice
Basahin: Bata nagkaka-seizure dahil diumano sa sobrang pag-gamit ng gadgets
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!