Paghahanda sa lindol na maaring umabot sa magnitude 8 pinanawagan ng Phivolcs sa buong bansa.
Matapos ang 6.1 magnitude na lindol na yumanig sa Luzon noong April 22, na sinundan ng 6.5 earthquake sa Visayas at 5.5 magnitude sa Surigao del Norte nitong April 26 ay nagbabala ang Phivolcs sa posibleng magnitude 8 na lindol na maaring yumanig sa Pilipinas.
Ito ay dahil din sa naitalang 600 aftershocks matapos ang lindol sa Surigao del Norte.
Ang aftershocks at sunod-sunod na lindol daw na ito ay indikasyon ng maaring may mas malakas pa na lindol ang mangyayari.
“Kasi ‘pag mga ganyang kumpol-kumpol na lindol, although may 5.5, marami mga magnitude 5 or 4, parang tinatawag naming earthquake swarm ‘yan at dalawa ang possible diyan eh, unang-una, ganyan lang yan na earthquake swarm—nangyari ‘yan diyan sa ibang bahagi ng Philippine trench, off shore din ng Surigao del Norte, nung early this year, nagkaroon ng magnitude 6-something diyan sa katapusan ng activity—or minsan ay ganyan lang, ganyan lang kaliit,” paliwanag ni Phivolcs Director Renato Solidum sa isang interview sa Radyo Inquirer.
Maliban sa paghahanda sa lindol ay dapat din daw bantayan ang tsunami na maari ring maidulot nito.
Isa pang tinitingnan ng Phivolcs ayon parin kay Solidum ay kung papahina ba ang earthquake swarm na kanilang naitala. Kasi kung ganoon daw ay maaring wala ng sumunod na mas malaki pa rito.
Pero patuloy parin nilang binabantayan ang pattern ng mga panaka-nakang lindol na kanilang naitala bilang paghahanda sa lindol na ikinatatakot ng lahat.
“Although di natin masasabi kung talagang ito’y dederetso sa ganun, sana hindi, ang kadalasan ay tumitigil lang na ganyan lang pero we don’t know so we have to be prepared always.”
Kaugnay sa paghahanda sa lindol ay pinaalalahanan din ni Solidum ang publiko na i-review ang preparedness ng kanilang lugar lalo na sa mga nakatira sa coastal areas sa banta ng tsunami.
Dapat din daw alam na ng lahat ang procedure na dapat gawin sa mga kalamidad gaya ng lindol na maaring mangyari.
Paghahanda sa lindol
Ilan din sa paalala ng Phivolcs bilang praktikal na paghahanda sa lindol ay ang sumusunod:
- Tanggalin ang mga frame, eskaparate at iba pang gamit sa itaas ng kama na maaring bumagsak sa isang natutulog sa oras ng lindol.
- Maghanda ng emergency survival bag na may lamang pagkain, tubig, gamot, damit, pito at de bateryang radio para sa balita.
- Wala pa man ay dapat maghanda at pag-usapan ng pamilya ang lugar na kung saan maaring maging tagpuan sa oras na magkahiwalay dahil sa lindol.
- Magpraktis o mag-ensayo ng earthquake ang pamilya bilang paghahanda sa lindol.
Paulit-ulit na pinaalala ng Phivolcs ang kahalagahan ng paghahanda sa lindol na maaring makasagip sa buhay mo at ng iyong pamilya sa oras ng hindi maiiwasang sakuna.
Sources: ABS-CBN News, Inquirer News
Basahin: Lindol safety: 10 tips na dapat gawin para sa bawat edad ng bata
Image from: CNN
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!