Problemado ka ba sa malaking puson? Hindi ka nag-iisa! Narito ang ilang paraan pampaliit ng puson na pwede mong sundin pati na mga pagkaing dapat iwasan para hindi tumaba.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga paraang pampaliit ng tiyan
- Mga pagkaing pampaliit ng puson
- Tamang pagkain para sa diet
“‘Yong isang taon ka nang nakapanganak pero tatanungin ka pa rin kung buntis ka ba.”
Isa sa mga bagay na nagdudulot sa maraming nanay ay ang paglaki ng kanilang tiyan at puson. Isa ito sa mga bahagi ng katawan na mahirap talagang paliitin o ibalik sa dating hugis.
Marahil noong wala ka pang anak ay flat at maliit ito. Subalit pagkatapos mong mabuntis at manganak, lumaki na ito at tila naging mas kapansin-pansin.
Kung ikaw ay nako-conscious dahil sa bilog ng iyong tiyan o puson, maaaring natanong mo na sa iyong sarili, “Ano bang dapat kong gawin upang lumiit ito?”
Bakit ba kailangang magpaliit ng tiyan?
Bago ang lahat, dito sa theAsianparent Philippines, mahal ka namin, ano man ang iyong size. Naniniwala kami na hindi kailangang ma-pressure ng sino man na magpapayat o baguhin ang kanilang hitsura para lang sa sasabihin ng ibang tao.
Subalit lingid sa kaalaman ng marami, ang taba sa ating tiyan ay lubos na nakakasama para sa ating kalusugan. Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of the American Heart Association, natuklasan na ang mga kababaihan na mayroong excess stomach fat ay may mas mataas na posibilidad na magkaroon ng heart attack o sakit sa puso.
Gayundin, ang visceral fat, o ang taba sa ilalim ng balat at bumabalot sa ating internal organs, ay maaaring magdulot ng mga seryosong karamdaman gaya ng hypertension, sakit sa puso, diabetes at maging breast cancer.
Ang visceral fat ay matatagpuan sa ating midsection o sa ating tiyan. Kung saan din nakapwesto ang mahahalagang organs ng ating katawan.
Maaaring masukat ang visceral fat sa pamamagitan ng CT scan o MRI, pero dahil mahal ito at hindi laging available, isang paraan na ginagamit ng mga eksperto ay ang mag-estimate base sa waist circumference o sukat ng bewang at height o taas ng isang tao.
Ayon sa Harvard University journal, ang mga babaeng nanganak na ay kadalasan mas maraming visceral fat kaysa sa mga kababaihang hindi pa nanganganak.
Paano liliit ang puson at tiyan?
Maraming bagay ang maaring maka-apekto sa pagkakaroon ng taba at malaking tiyan ng isang babae. Nariyan ang mga factors na hindi natin makokontrol gaya ng ating genetics, hormones at metabolism. Pero mayroon ding mga bagay na pwede nating baguhin, gaya ng pag-eehersisyo at pagkain nang tama.
Pagdating sa pagpapaliit ng tiyan at puson, mayroon bang shortcuts? Sa kasamaang palad, wala. Para magawa ito, may mga bagay na dapat isaalang-alang, kasama na rito ang tamang pagkain na may calorie deficit o pagbabawas ng calories na kinakain.
“In order to achieve a flat stomach and the body composition you desire, your focus should be on eating in a healthy calorie deficit and enjoying a balanced nutritious diet, as well as strength training, running or exercising regularly,” ani Lauren Windas, isang registered nutritionist sa UK.
Ang kagandahan lang, ang visceral fats o taba sa ating tiyan at puson ay mas soluble o mas madaling matunaw, at nagre-respond nang mas mabilis sa tamang diet at exercise, kumpara sa mga taba sa ating braso o hita.
Kung ganoon, simulan na natin ang pagtuklas kung anu-anong pagkain ang dapat nating iwasan para hindi tumaba, at ano naman ang makakatulong na lumiit ang ating mga tiyan at puson.
Mga pagkaing dapat iwasan para hindi tumaba
Para malaman ang tamang calorie-deficit plan para sa iyong katawan, dapat ay alamin mo muna ang iyong body mass index o BMI.
Ito ang makakapagsabi kung ilang calories ang dapat mong makonsumo upang mapanatili ang iyong current weight at body composition, at kung ilan rin ang dapat mong ibawas para bumaba ang iyong timbang at matanggal ang mga taba sa tiyan.
Siyempre, kasabay ng calorie-deficit, makabubuti rin kung aalamin ang mga pagkaing dapat iwasan para hindi na tumaba at madagdagan pa ang iyong timbang. Narito ang ilan sa kanila:
-
Potato chips at fries
Comfort food man ng karamihan, napatunayan sa mga pag-aaral na ang pagkain ng mga mamantikang snacks na ito ay naiugnay sa pagdagdag ng timbang.
-
Soda at matatamis na inumin
Nagtataka ka ba kung bakit ang sarap kumain nang may kapares na malamig na softdrinks o iced tea? At hindi ka nabubusog kahit uminom ka na ng isang baso?
Ito ay dahil ang mga liquid sugar calories ay hindi kinikilala ng brain bilang pagkain, kaya hindi ito nagbibigay ng signal na busog ka na. Dahil diyan, lalo kang gaganahan kumain at sosobra ang iyong calorie intake.
Isama mo na rin sa listahang ito ang mga powdered fruit juice na mataas sa asukal at walang fiber kumpara sa tunay na prutas.
-
White bread at pastries
Ang ganitong klase ng tinapay ay mababa sa fiber at mataas sa asukal. Ayon sa isang pag-aaral, ang pagkain ng 2 pirasong white bread (o sliced bread) kada araw ay nauugnay sa 40% pagtaas ng posibilidad na dumagdag ng timbang.
-
Beer
Alam mo ba na mas mataas pa ang calories na makukuha mo sa pag-inom ng beer kumpara sa pagkain ng carbs at protein? May mga uri ng alcoholic drinks na may benepisyo sa katawan, tulad ng wine. Pero kung sosobra ito, maaari rin itong makadagdag sa paglaki ng iyong tiyan.
May mga pag-aaral na nag-uugnay sa pag-inom ng beer sa pagdagdag ng belly fat. Sa katunayan, napag-alaman na ang mga taong umiinom ng mahigit tatlong bote ng beer kada araw ay 80% na mas malaki ang tiyan kumpara sa mga occassional drinkers lamang.
Bukod dito, alcohol ang unang sinusunog o tinutunaw ng ating katawan, kaya napipigilan nito ang pagtunaw ng ibang fats.
BASAHIN:
Agree or Disagree: Mas guwapo ang mister, mas pressured ang misis na magpapayat
#AskDok: May nararamdaman akong pananakit sa bandang puson, dapat ba akong mag-alala?
Mga pagkaing pampaliit ng tiyan at dapat mong idagdag sa iyong diet
1. Prutas: Kiwi and Watermelon
Kapag nag-ki-crave ka ng matamis, magandang alternatibo ang mga prutas tulad ng kiwi, papaya, at watermelon. Ang Kiwi ay pinaniniwalaang pumapatay sa bad bacteria na nagdudulot ng pagbigat ng timbang.
Ang watermelon naman ay hitik sa natural fluids na mag-ha-hydrate at mag-e-enhance ng metabolism.
2. Yogurt
Ayon sa mga nutritionist, ang yogurt ang puno ng good bacteria na tumutulong sa tiyan na i-digest at i-absorb ang pagkain at ang sustansiya nito.
Piliin ang plain yogurt at huwag ang mga sobrang tamis para mas konting calories. Puwede mo rin dagdagan ito ng berries o grapefruit slices para maging mas malasa.
3. Leafy Greens: Lettuce, Spinach, Kangkong
Mababa sa calories, at mataas sa fiber, ang mga gulay tulad ng spinach, lettuce at kangkong ay isa sa pinakamagandang pagkain ng panglaban sa water retention at malaking puson.
Puwede ka gumawa ng salad gamit ang olive oil or lemon zest, na napatunayan na ding mabisa sa pagtanggal ng bloating.
4. Salabat or Lemon Juice
Ang luya ay nagtataglay ng enzyme na tumutunaw ng protein at nagpapaimpis sa pamamaga. Nire-relax din nito ang bituka at binabawasan ang pamamaga nito upang mas dumaloy ng maayos ang pagkain. Pinapaganda rin nito ang metabolism at binabawasan ang kabag.
5. Whole-grain sandwiches
Siksik sa fiber ang tinapay na whole grain bread kaya magandang gumawa ng sandwiches tulad tuna with lettuce para lalo pang mapaganda ang metabolism mo. Pinapaayos din nito ang blood sugar mo, para hindi ka magutom agad.
6. Cinnamon
Mahilig ka ba sa matamis? Bakit hindi mo na lang lagyan ng konting cinnamon ang iyong oatmeal o low calorie snack. Nakakatulong raw kasi ang spice na ito para mapigilan ang iyong sugar cravings at napapataas ang pagkonsumo ng mga pagkaing magbibigay sa’yo ng mataas na energy.
7. Itlog
Rekomendasyon ni Windas, dagdagan ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa protein, para tumagal ang pakiramdam na busog ka. Isang magandang halimbawa ng mga protein-rich na pagkain ay ang itlog.
Bukod sa protein, ang itlog ay mayroon ring taglay na luceine, isang amino acid na tumutulong sa weight loss sa pamamagitan ng pagkontrol sa blood sugar levels at tinutulungan ang katawan na tumunaw ng fats.
Gaya ng nabanggit, ang pagkakaroon ng tamang diet ay isa lang sa mga importanteng factors na kailangan para mabawasan ang timbang at taba sa tiyan o puson. Kailangan mo ring sabayan ito ng pag-eehersisyo, sapat na tulog at pahinga, pag-iwas sa bisyo at stress.
Laging tatandaan mga mommy, ang unang goal dapat para magpapayat o magbawas ng timbang ay ang iyong kalusugan at hindi ang opinyon ng ibang tao. Mahirap man ang mga paraan para magawa ito, siguradong magiging mas masaya at mas malusog ka naman pagkatapos.
Kung mayroon kang katangunan tungkol sa pagbabawas ng timbang o taba sa katawan. Huwag mahiyang kumonsulta sa doktor o sa nutritionist para matulungan ka sa iyong weight loss at nutrition plan.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
ABS-CBN, Marie Claire, Healthline, Harvard Health