Kapag nagsimula nang mag-weaning ang iyong sanggol, normal na lilitaw ang maraming mga katanungan: ano ang mga pinakamaiging pagkain ng baby para sa paglaki at pag-debelop? Anong mga hindi puwedeng ipakain hanggang sa maging toddler si baby?
Unang-una, makatutulong kung tanungin mo muna ang iyong sarili kung bakit sa tingin mo ay kailangan ni baby ng isang pagkain o pampalasa at ang kaniyang diyeta. Halimbawa, ang asin ay madalas na idinadagdag para hindi maging masyadong matabang ang pagkain, lalo na kapag tila hindi siya interesado sa isang klase ng pagkain ng baby.
Madalas na idinadagdag ang asin para hindi maging masyadong matabang ang pagkain pero sa totoo lang, hindi ito mapapansin ni baby.
Pero dito madalas na nagkakamali ang mga magulang. Kadalasan, hindi masyadong ganadong kumain si baby dahil nasanay na siyang uminom ng breastmilk at hindi niya gaanong gusto ng pagkaing kakaiba sa kaniyang panlasa.
Dahil breastmilk lang ang alam na lasa ng mga sanggol hanggang marating nila ang ika-anim na buwan, hindi kailangang maglagay ng asin o asukal bilang pampalasa sa pagkain ng baby dahil hindi rin naman nila malalaman ang kaibahan.
Mga mapanganib na epekto ng pagdadagdag ng asin sa pagkain ng baby
Ang pang-araw-araw na pangangailangan sa asin ng isang sanggol ay hindi aabot sa 1 gram kada araw (0.4 g ng sodium)—na karaniwang napupunan ng formula o breastmilk. Anumang labis dito ay maaaring masyado nang marami para i-proseso ng kanilang maliliit na bato. Maaari itong magdulot ng hypertension at sakit sa bato habang lumalaki ang iyong anak.
Ang masyadong pagkain ng asin mula pagkabata ay nagdudulot din ng osteoporosis at mga sakit na cardiovascular at respiratory.1 Inirerekomenda ng SACN2 ang mga sumusunod na salt requirement para sa mga sanggol, toddler, at bata.
Maraming mga magulang ang mas gusto ang homemade na pagkain ng baby pero kung plano mong bumili ng pre-packaged na pagkain, dapat mong malaman kung paano matutukoy kung ang isang commercial na pagkain ng baby ay may ligtas na dami ng asin.
Ayon sa U.K. National Health Service (NHS), ang pagkaing naglalaman ng sodium na higit sa 0.6 g kada 100 grams ay sobra na sa asin. Makakalkula ang dami ng asin sa pamamagitan ng pag-multiply ng dami ng sodium nang 2.5 na beses.
Heto ang mga rekomendadong sagad na dami ng pagkain ng salt kada edad, ayon sa Scientific Advisory Committee on Nutrition (SACN).
0-6 na buwan
< 1 g (0.4 g ng sodium)
6-12 na buwan
< 1 g (0.4 g ng sodium)
1-3 taon
2 g (0.8 g ng sodium)
4-6 taon
3 g (1.2 g ng sodium)
7-10 taon
5 g (2 g ng sodium)
11 taon pataas
6 g (2.4 g ng sodium)
Habang ang ibang mga tao ay naniniwalang ang pagdaragdag ng isang “pinch” ng asin sa pagkain ng baby ay walang pinsalang dulot, ang panganib ay nasa katunayang ang “pinch” ay iba-iba sa mata ng mga tao.
Sa kabuuan, ang isang “pinch” ng asin ay may sukat na 1/4 gram.
Kung magdadagdag ka ng isang “pinch” ng asin ng tatlong beses sa pagkain ni baby araw-araw, magreresulta ito sa 0.75 mg ng asin—bukod pa ito sa asin na nakukuha ni baby sa breastmilk o formula.
Paano mo gagawing mas malasa ang pagkain ng baby nang hindi nagdaragdag ng asin? Maaari kang sumubok ng mga alternatibong pampalasa na nararapat sa edad, gaya ng turmeric at cinnamon.
Kadalasan, maraming mga magulang ang hindi nakauunawa na ang ibig sabihin ng walang asukal ay walang matatamis na pagkain para sa kanilang mga sanggol, at sa paggawa nito ay nakaliligtaan nilang simulan ang pagpapakain ng matatamis na prutas na mas masustansya.
Ang asukal, sa kontekstong ito, ay tumutukoy sa puti at pinong asukal at hindi natural na matatamis na prutas o pampatamis.
Bakit hindi mabuti ang asukal para sa mga sanggol na wala pang isang taon?
- Dahil ang asukal ay sumasailalim sa maraming chemical refining processes, ito ay maaaring magdulot ng panganib sa mga sanggol at bata.
- Ang labis na pagkain ng asukal ay maaaring maging sanhi ng bulok na ngipin at dental caries sa mga sanggol at bata.
- Ang mataas na dami ng pagkain ng asukal ay maaaring makapagpahina ng immune system.
- Napag-alaman din ng mga pag-aaral na ang mga batang may diyetang malakas sa asukal ay mas may tsansang magkaroon ng sakit sa puso, obesity, at diabetes sa kanilang pagtanda.
Ano ang mga maiging alternatibo sa asukal sa pagkain ng baby?
Hindi man kailangang patamisin ang lahat ng pagkain ng baby, paminsan-minsan ay puwede kang magdagdag ng mga natural na pampatamis sa kanilang mga pagkain.
Ano ang mga natural na pampatamis sa pagkain ni baby?
- Puwede kang magdagdag ng kahit anong prutas sa pagkain ng baby para patamisin ito nang natural.
- Hanggang siya ay maging walong buwang gulang, maaari kang gumamit ng syrup na galing sa dates bilang pampatamis sa kanilang pagkain.
- Pagdating nila sa kanilang unang taon, maaari mo nang simulan ang paggamit ng honey bilang natural na pampatamis.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Diona Valdez
https://sg.theasianparent.com/shouldnt-give-baby-salt-sugar-turn-year-old
Basahin din ang mga sumusunod:
Menu at recipes ng pagkain ng baby na akma sa kaniyang edad
6 na pagkain na hindi dapat ibigay sa baby, ayon sa mga eksperto
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!