Hindi madaling pakainin ng gulay ang mga bata. Sa katotohanan, marami ngang mga matatanda ang hindi pa rin mahilig kumain ng gulay. Ngunit pagdating sa kalusugan, mahalaga ang pagkain ng gulay kaya’t importanteng matutong kumain nito ang mga bata.
Madalas ay kung anu-ano pang mga technique ang sinusubukan ng mga magulang para lang kumain ng gulay ang kanilang mga anak. Ngunit ayon sa isang bagong pag-aaral, ang pagkain raw ng gulay habang nagbubuntis ay nakakatulong para masanay sa pagkain ng gulay ang mga bata.
Pagkain ng gulay, importanteng gawin habang nagbubuntis
Ayon sa pag-aaral, mas nasasanay raw na kumain ng gulay ang mga bata, kapag nagbubuntis pa lang ay mahilig na sa gulay ang mga ina. Ito ay dahil kahit nasa sinapupunan pa lamang ay nakakabisado na raw ng mga bata ang amoy ng mga gulay.
Naipapasa raw ang mga amoy na ito sa placenta ng ina, at pati na rin raw sa breast milk kapag nagpapasuso. Dahil dito, mas nasasanay ang mga bata sa amoy ng gulay, at mas madali sa kanilang kainin ito.
Kaya’t kapag panahon na para kumain ng gulay ang mga bata, hindi na sila nabibigla rito. Ito ang kadalasang nagiging problema ng mga magulang, dahil mayroong mga gulay na kakaiba ang lasa. Dahil dito, hindi nagugustuhan ng mga bata ang pagkain ng gulay, at nadadala nito hanggang sa paglaki nila.
Kaya’t para sa mga ina, siguraduhing kumakain kayo ng gulay. Nakakatulong ito hindi lang para sa inyong kalusugan, ngunit pati na rin sa kalusugan ng iyong anak.
Paano sasanayin sa pagkain ng gulay si baby?
Para naman sa mga inang nahihirapan pa rin na pakainin ng gulay ang kanilang anak, heto ang ilang mga tips!
- Maging creative. Hiwain ang mga pagkain sa magkakaibang hugis at hayaan ang inyong anak na maging pamilyar sa iba’t ibang uri ng pagkain sa pamamagitan ng paghawak sa mga ito. Maigi rin kung mukhang masarap ang pagkain kaysa sa tunay na lasa nito para makumbinsi ang inyong anak.
- Ihalo sa ibang pagkain ang mga hindi nila gusto. Isang halimbawa ay paghalo ng iba’t ibang uri ng gulay sa patties at meatballs na paborito ng inyong anak. Kung may ayaw kainin ang inyong anak, mag-isip ng ibang paraan kung paano ito lulutuin.
- Isama ang inyong anak sa paghahanda ng pagkain. Ang pagtatanim ng mga sangkap na gagamitin at pagluluto ng mga ito ay nagbibigay ng kakaibang satisfaction. Ipakita sa inyong anak kung paano magtanim ng mga gulay para magustuhan niya ito.
- Maging matiyaga at huwag pilitin ang bata. Ipakita sa bata ang iba’t ibang uri ng pagkain nang hindi sila pinipilit. Subukan ding maghain ng iba’t ibang uri ng pagkain kasama ng mga gusto ng inyong anak para makita kung kakainin din niya ito—huwag silang pipilitin na kainin ang mga ito.
- Kausapin ang inyong anak upang ipaliwanag ang iba pang aspeto ng pagkain, maliban sa lasa nito. Hikayatin ang inyong anak sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng kulay, hugis, at tekstura ng pagkain—kahit hindi ito masarap. Ang pagbibigay ng atensyon sa mga ito, maaaring maisip ng bata na malinamnam ang pagkain.
Source: Daily Mail
Basahin: Paano mapakain ng gulay ang batang pihikan sa pagkain?