Ibinahagi ng mommy na si Nicole Johnson Goddard sa Facebook ang matinding pinagdaanan ng kaniyang anak na si Nash, matapos itong magkaroon ng pneumonia dahil lamang sa pagkain ng popcorn.
Dahil sa nangyaring insidente, mas maingat na si Nicole sa mga pinapakain sa kaniyang anak, at gustong ipaalam sa ibang mga magulang na umiwas sa pagbibigay ng popcorn sa mga batang 5-taong gulang pababa.
Ano ang epekto ng pagkain ng popcorn sa toddlers?
Ayon kay Nicole, na nakatira sa USA, masaya raw silang mag-asawa na nanonood ng movie at kumakain ng popcorn kasama ang kanilang mga anak. Madalas raw nila itong gawin kapag weekends, ngunit sa pagkakataong ito ay bigla na lang raw bumara sa lalamunan ng anak niyang si Nash ang popcorn.
Hindi naman daw naging malala ang pangyayari, at mabilis raw na naging maayos ang kondisyon ng kaniyang anak. Ang tanging napansin lang raw nila ay nagkaroon ng ubo si Nash pagkatapos.
Matapos ang ilang araw, nagkaroon na ng hinala si Nicole na may problema ang kaniyang anak, dahil kakaiba raw ang tunog ng kaniyang ubo. Bukod dito, nagsimula raw lagnatin si Nash, at tila ay nahihirapang huminga.
Dahil dito, dinala agad nila si Nash sa doktor, at nalaman nilang kinakailangan raw niyang sumailalim sa bronchoscopy. Isa itong procedure kung saan sinisilip ng doktor kung may problema ba sa lungs ng isang tao.
Pumasok raw ang popcorn sa lungs ng kaniyang anak
Kinailangan pang lumipad ni Nash patungo sa ibang state upang isagawa ang procedure, kaya’t naghanda ang asawa ni Nicole para samahan ang kanilang anak. Nang maisagawa na ang bronchoscopy ay nakita ng doktor na mayroon palang ilang piraso ng popcorn na pumasok sa loob ng lungs ni Nash.
Ayon sa doktor, nagkaroon raw ng popcorn ang lungs ni Nash noong mag-choke siya dito. Nang pumasok ang popcorn sa lungs niya ay nag-react ang katawan ni Nash at nagkaroon ito ng pus pockets, na naging dahilan para magkaroon siya ng pneumonia.
Matapos ang procedure, ay mayroon pa ring nararanasan na inflammation si Nash, kaya’t hindi muna siya pinaalis ng ospital. Kinailangan raw ulitin ang procedure ng 2 beses upang masiguradong natanggal ang popcorn. Sa kabutihang palad, natanggal na ng doktor ang lahat ng piraso ng popcorn at ligtas na ulit si Nash.
Dahil sa nangyaring ito, napagsabihan raw si Nicole at ang kaniyang asawa na hindi dapat bigyan ng popcorn ang mga batang 5-anyos pababa. Inuudyok rin ni Nicole ang mga magulang na huwag bigyan ng popcorn ang kanilang mga anak na maliliit pa, dahil isa itong choking hazard sa kanila.
Natutunan na raw nila ang kanilang leksyon dahil sa nangyari sa kanilang anak.
Heto ang kaniyang post sa Facebook:
Food safety tips para sa mga bata
Bagama’t masarap ang pagkain ng popcorn, kasama ito sa mga pagkain na hindi dapat ibinibigay sa mga bata. Ito ay dahil posible itong maging choking hazard, o bumara sa lalamunan ng mga bata, tulad ng nangyari kay Nash. Marami ring ibang mga pagkain ang hindi dapat ibinibigay sa mga bata, at dapat maging maingat ang mga magulang pagdating sa mga pinapakain nila sa kanilang mga anak.
Heto ang ilang mga tips:
- Siguraduhing malambot ang pagkain, at dapat maliliit ang mga piraso nito. Hiwain o himayin ang karne, gulay, atbp bago ibigay sa iyong anak upang masiguradong hindi sila mabubulunan dito.
- Palaging bantayan ang iyong anak kapag kumakain. Mahilig sumubo ng kung anu-ano ang mga bata kaya dapat tutukan ng mga magulang ang nilulunok ng mga bata.
- Kapag nabulunan ang iyong anak, puwedeng gawin ang tinatawang na heimlich maneuver. Kung hindi pa rin mailuwa ng iyong anak ang kanilang nalunok, dalhin agad sa ospital.
- Ilayo sa kanila ang kahit anong maliliit na bagay na puwede nilang malunok. Mga holen, battery, maliliit na screw, barya, atbp.
- Ilayo din ang mga masasamang kemikal tulad ng drain cleaner, bleach, at gamot sa mga bata. Hindi alam ng mga bata kung ano ang laman ng mga lalagyan nito, kaya posibleng akalain nila na ito ay candy o juice, at kanilang inumin.
Basahin: Nalunok na buto ng manok, naging sanhi ng pagkamatay ng sanggol