Hindi madali ang buhay para kay Joceline Pineda. Dahil matapos pumanaw ng kaniyang asawa noong 2015, ngayon naman ay nakikipaglaban sa malubhang karamdaman ang kaniyang anak na si Ben. Sa kabila ng mga pagsubok na ito, nananatiling matatag si Joceline, at hindi pa rin nawawala sa kanya ang pagmamahal ng isang ina.
Ang pagmamahal ng isang ina ay walang katulad
Biglaan ang nangyari sa anak ni Joceline na si Ben. Base sa kuha sa CCTV, siya ay nasa kalsada kasama ang kaniyang mga kaibigan, nang biglang mawalan na lang siya ng malay.
Dali-dali siyang dinala sa ospital, kung saan siya ay dineklarang dead on arrival. Sa awa ng Diyos, na-revive si Ben matapos ang 26 minuto. Ngunit dahil dito, nagkaroon si Ben ng tinatawag na Hypoxic-Ischemic Encephalopathy, o ang kawalan ng oxygen sa kaniyang utak.
Ang kondisyong ito ay kadalasang nangyayari sa mga inaatake sa puso, nagkaroon ng trauma sa ulo, o ang pagkukulang ng oxygen sa dugo na dumadaloy sa utak.
Dahil sa kanyang kondisyon, hindi na makagalaw si Ben, at ngayon ay inaalagaan na lamang siya ng kaniyang ina. Hanggang ngayon, umaasa pa rin si Joceline na balang araw, gagaling din ang kanyang anak.
Hindi madali ang kanilang kalagayan
Dahil na rin sa kakulangan sa pera, napilitan si Joceline na iuwi na si Ben sa kanilang tahanan upang doon alagaan. Araw-araw ay walang sawang pinapaliguan ni Joceline ang kanyang anak, pinapakain, at binibigyan ng gamot.
Hindi madali ang kanilang sitwasyon, pero hindi nawawalan si Joceline ng pag-asa. Ang importante sa kanya ay maipakita at maiparamdam ang kanyang pagmamahal sa anak, at ang magdasal na gumaling na ito. Mahirap, pero pursigido pa din si Joceline na gawin ang lahat para lang sa pinakamamahal na anak.
Sa mga nais magbigay ng donasyon o tulong, maaring tumawag sa numerong 0919-2209279.
Source: gmanetwork.com
Photos screencapped from: Facebook.com
READ: Ohtahara Syndrome: Mga dapat malaman tungkol sa sakit na ito
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!