Biyaya ang pagkakaroon ng anak ngunit para sa ilan, isa itong mabigat na responsibilidad na hindi nila kayang alagaan. Kaya naman may ilan na naiisip ang pagpapalaglag bilang solusyon dito.
Ngunit kaakibat ng pagpapalaglag ay ang ilang komplikasyong idudulot nito sa kalusugan ng ina. Isang kaso nito ay ang isang babae mula sa China na nagkaroon ng problema sa matris matapos magpalaglag ng 17 beses sa loob ng anim na taon.
Ano ang epekto sa matris ng pagpapalaglag ng 17 beses?
Isang dalaga mula sa Hubei, China ang hindi na kailanman puwedeng magkaanak pa matapos na maging kasing nipis ng papel ang lining ng kanyang sa matris mula sa 17 beses na pagpapalaglag sa loob ng anim na taon.
Ang 27-taong gulang na pasyenteng itinago sa alyas na Xiao Ju ay may nobyo ng anim na taon at sa loob ng anim na taong relasyon nila ay hindi sila gumagamit ng anumang contraceptives.
Ayon kay Xiao Ju, hindi pa umano siya handa na magpakasal at magkaroon ng anak kaya nagawa niya ang pagpapalaglag ng 17 beses.
Ang mga sanggol na ipinanganak mula sa dalawang tao na hindi kasal sa bansang China ay hindi binibigyan ng mga benepisyo at karapatan na makapag-aral ng kanilang gobyerno.
Sa kanyang huling pagpunta sa Shiyan Maternity and Child Health Care Hospital, hinimok ng head ng gynecology na si Dr. Zhao Qin si Xiao Ju na huwag nang magpalaglag sa ika-17 pagkakataon dahil maaaring ito na ang huling beses na puwede siyang magbuntis.
“If you don’t have to have this abortion, then keep this baby, because it may be very, very difficult for you to get pregnant again.” sabi ni Dr. Qin kay Xiao Ju.
Ipinaliwanag din ni Dr. Qin na masyadong napinsala ang matris ni Xiao Ju dahil sa dami ng pagpapalaglag ipinagawa nito sa loob ng anim na taon at hindi pa nakakarecover ang kanyang matris sa lahat ng procedure.
“I found her uterus lining to be critically thin, like a piece of paper, due to the repeated abortions she had had. Her uterus was also badly scarred.” sabi ni Dr. Qin.
Ngunit buo na ang pasya ni Xiao Ju na magpalaglag muli sa ika-17 pagkakataon kaya wala ng nagawa ang mga doktor kung hindi gawin ito.
Epekto ng pagpapalaglag sa kalusugan ng ina
Bagaman hindi nakakaapekto ang pagpapalaglag sa tiyansa ng pagdadalantao ng isang babae, maaari namang magdulot ng panganib ito sa susunod na pagdadalantao niya sakali mang mapagpasyahan ng babae na ipagpatuloy ito.
Illegal ang pagpapalaglag sa ating bansa at itinuturing itong isang krimen. Maaaring makulong at mawalan ng lisensya ang sinumang doktor, nurse o ospital na magsasagawa nito.
Ngunit marami pa rin ang nagpapalaglag at lumalapit sa mga hindi lisensyadong tao para gawin ang procedure na ito. Dahil dito, nalalagay sa panganib ang buhay ng mga sumasailalim sa illegal na pagpapalaglag.
Maraming epekto ang aborsyon. Mula sa karaniwan, tulad ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka, diarrhea, hanggang sa mas seryosong komplikasyon. Narito ang 5 bagay na posibleng maranasan mula 2 hanggang 4 na linggo pagkatapos ng procedure.
1. Patuloy na pagdurugo, mula spotting hanggang sa maging malakas. Ito ang pinakakaraniwang problema pagkatapos ng isang aborsyon, kasabay ng uterine cramps. Para kasi mapigil ng uterine ang pagdurugo, kailangang ipitin, o daanin sa contraction, para mapilit na sumara ang blood vessels.
Kapag may labis na pagdurugo, maaaring may naiwang piraso ng fetus o placenta sa loob ng uterus, na labis na delikado sa kalagayan ng nagbubuntis. Ito ang tinatawag na incomplete abortion. Madalas, kapag natanggal ang mga natirang piraso, tumitigil ang pagdurugo.
2. Impeksiyon o sepsis, na maaaring makaapekto sa kakayahang magbuntis pang muli. Karaniwang naiimpeksiyon ang uterus, o di kaya ay ang dugo dahil sa mga bacteria galing sa ari o sa puwit, na nakapasok sa bukas na cervix, papunta sa uterus, o kaya ay sa dugo. Dahil na rin ito sa maduming gamit o medical tools, o sa hindi steril na kapaligiran o klinika.
Sintomas ng impeksiyon ay ang mabahong vaginal discharge. Nakamamatay din ang sepsis. Kung niresetahan ng doktor ng antibiotics, importanteng inumin ito ayon sa direksiyon para makaiwas sa impeksiyon.
3. Permanenteng damage sa cervix at pagkasugat ng uterine lining at uterus. Dahil nga sa maselang procedure, may posibilidad na masugatan ang cervix at uterus—at maging permanente ang pagkasira nito. Patuloy ang paglabas ng dugo sa ari kapag napunit ang cervix, dala ng pagkaskas ng instrumento o pilit na pagbuka nito habang ginagawa ang aborsyon. Kailangan itong tahiin para mapigil ang pagdurugo.
Kapag hindi naagapan, maaaring hindi na magsara nang maayos ang cervix, at hindi na posible ang pagbubuntis pang muli, o di kaya ay maging sanhi ng palaging pagkalaglag ng bata (miscarriage) o kaya ay pagiging premature nito.
Kapag naman nasugatan o nagasgas ang uterine wall o uterus, posibleng mahirapan na ang implantation ng fertilized egg dito. Kapag malala ang pagkakasugat, maaaring maging dahilan ito ng pagtanggal ng uterus (o hysterectomy).
4. Ectopic pregnancies. Ayon sa mga pagsasaliksik, ang panganib ng pagkakaron ng ectopic pregnancy o implantation ng fertilized egg sa labas ng uterus ay mas mataas ng 30% sa mga kababaihang nagkaron na ng isa man lang na aborsyon. Ang pagkakaro’n ng ectopic pregnancy ay nagiging sanihi ng pagkabaog o hindi na pagbubuntis pang muli.
5. Kamatayan. May mga kababaihang hindi nakakaiwas sa pinakamalalang epekto ng aborsyon—ang pagkasawi.
Kapag nakaramdam ng mas malalang mga sintomas, tulad ng mga sumusunod, dapat nang magpadala sa ospital at magpatingin sa doktor:
- Labis na pananakit ng abdomen at likod, na hindi ka na makatayo o makaupo ng maayos
- Labis na pagdurugo, na mas malakas kaysa sa karaniwang menstrual period. Hindi na kaya ng uterus na pigilin ang maisara ang blood vessels, kaya tuloy ang pagdurugo. Maaaring malalang kaso ng incomplete abortion ito.
- Vaginal discharge na may mabahong amoy
- Lagnat na higit sa 37.8°C
- Patuloy na sintomas ng pagbubuntis
May mga pagkakataon na aborsyon ang procedure na ginagawa, dahil lingid sa kaalaman ng doktor na ectopic pregnancy pala ang kondisyon, o di kaya ay nalaglag na ang bata, o patay na ito sa loob ng sinapupunan—kaya lalong nalagay sa panganib ang nagbubuntis.
Importanteng magkaroon ng sapat na kaalaman ukol sa sex education nang sa gayon ay maiwasan ang paghantong sa mga desisyong maaaring pagsisihan sa huli. Sagrado ang buhay ng tao kaya hindi ito dapat gawing option.
Source: Daily Mail
Images: Shutterstock, The Washington Post
BASAHIN: 5 side effects ng abortion sa kalusugan ng babae
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!