Mayroon bang tamang oras ng pagpapaligo sa sanggol? Alamin yan rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Tamang oras ng pagpapaligo sa sanggol – mayroon ba?
- Pwede bang maligo si baby araw-araw?
- 9 tips sa pagpapaligo kay baby
Isa sa mga pinakanakakatakot na gawin bilang isang bagong magulang ay ang pagpapaligo sa sanggol. Iniisip mo kasi kung magiging komportable ba siya sa tubig, at baka magkamali siya kapag hindi mo ito nagawa nang tama.
May mga nagsasabi rin na bawal paliguan ang sanggol sa gabi. Pero paano kung mainit ang panahon at iritable si baby? Anong oras ba siya dapat paliguan?
Para malaman ang sagot sa tanong na ito, kumonsulta kami kay Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center upang linawin kung mayroon ba talagang tamang oras ng pagpapaligo kay baby.
Talaan ng Nilalaman
Tamang oras ng pagpapaligo sa sanggol
Ang unang ligo ni baby ay marahil mangyayari bago siya lumabas ng ospital, at ang kaniyang nurse ang magsasagawa nito. Mas mabuti kung mapapanood ito ng mga magulang para hindi na kayo matakot kapag papaliguan na si baby sa bahay.
Ayon sa mga eksperto, hindi kailangang araw-araw paliguan ang sanggol. Sabi sa Healthline, mas maigi na punasan lang muna si baby gamit ang washcloth habang hindi pa natatanggal ang kaniyang umbilical stump. Kapag natanggal na ito, maaari nang basain ang buong katawan ng iyong newborn.
Pero kung pwede mo nang paliguan si baby, ano ang pinakamagandang oras para gawin ito?
Ayon kay Dr. Tiglao, maaari namang paliguan si baby anumang oras mo gusto.
“Actually wala namang tamang oras ng pagpapaligo sa baby pero majority kasi would do that in the morning. Siyempre kasi una mas malamig daw sa gabi.
Siguro iyong iba gusto kaya umaga para before you feed, bago dumede, bago kumain at least ready na siya clean na siya. Pero sa’kin, in my opinion, ang pagpapaligo ng bata anytime puwede naman.”
Dagdag pa ng doktora, hindi naman ang oras ng pagpapaligo ang dapat nating alalahanin kundi ang pagbabago ng temperatura ng katawan ng sanggol.
Kaya naman kung paliliguan mo ang iyong baby, siguruhin na tuyuin agad ang kaniyang katawan at bihisan pagkatapos maligo.
“It is not the water. It’s how fast you’re going to do the bathing of your baby and at the same time, dapat bibiihisan agad.
Kasi iyong sudden shift of temperature doon puwedeng magkaroon ng problem ang baby sa kaniyang nervous system.
Masama sa bata iyong from mainit biglang malamig tapos hindi ninyo pa binihisan, doon siya magkakasakit.” paliwanag ni Dr. Tiglao.
Ibig sabihin ba nito ay puwedeng paliguan si baby nang dalawang beses sa isang araw?
“Puwede. Kung feel ninyo sobrang init at gusto ninyong paliguan ang baby ninyo kasi iyong baby nagkaka-rashes talaga, nangangati, you can give them a bath.
Just make sure na warm bath at the same time milder soap. Kasi nakakadry din ng balat ng baby iyong panay ang sabon at panay ang tubig. So puwede namang maligo ang bata twice a day.”
9 tips sa pagpapaligo kay baby
Gawing masaya ang pagpapaligo sa iyong anak. Paano? Narito ang ilang bagay na dapat mong tandaan.
1. Hindi kailangang mag-isa
Maaaring gusto mong gawin ito ng ikaw lang dahil gusto mong patunayan na kaya mo. Pero para sa kaligtasan ng iyong anak, huwag mo nang isipin ang sasabihin ng ibang tao.
Ang isipin mo ay maraming kamag-anak at kaibigan na handang tumulong sa iyo, kahit man lang sa mga unang araw o unang linggo. Gawin ito kasama si Tatay, Lolo o Lola, o kahit sinong maaaring makasama mo. Kapag sanay ka nang paliguan si baby, magagawa mo na ito nang mag-isa.
2. Pumili ng oras, at gawin itong regular na oras ng paliligo
Gaya nga ng sinabi ni Dr. Tigla, walang tamang oras ng pagpapaligo sa sanggol. Karaniwan, sa umaga pinapaliguan ang isang bagong panganak na sanggol. May iba naman na sa gabi ito ginagawa.
Lahat ito ay depende sa routine na ikaw ang magbubuo para sa inyo ni baby. Basta’t nakapahinga ang sanggol at hindi gutom at hindi rin pagkakasuso pa lamang dahil baka naman magsuka ito.
Kung ano man ang mapili mong oras, ito na ang gawing oras ng paliligo ni baby araw-araw. Ito na ang bahagi ng routine o schedule ninyo ng anak kaya’t bawas stress dahil alam mo at alam niya na ito ang mangyayari sa tuwing darating ang ganitong oras.
3. Ihanda na ang lahat nang gagamitin
Paalala: kapag nailagay niyo na si baby sa kaniyang tub o sa mesa para paliguan, huwag siyang pababayaang mag-isa at huwag siyang iiwanan para kumuha ng isang bagay.
Kaya naman bago simulan ang bath ritual ninyo, siguruhing kumpleto lahat ng gagamitin mo at nakalagay na sa isang basket o lalagyan.
Tandaan na mabilisan ang pagpapaligo kay baby dahil ayaw mong malamigan siya at sipunin. Lahat ng gamit ay dapat abot-kamay mo, at hindi iyong pabalik-balik ka pa dahil may nakalimutan ka.
4. Anong toiletries ang kailangan ni baby?
Ilista kung ano ang mga gamit na kailangan sa pagpapaligo kay baby at pumili ng mga produktong baby-friendly. Ayon nga kay Dr. Tiglao,
“You can give them a bath just make sure na warm bath at the same time milder soap. Kasi nakakadry din ng balat ng baby iyong panay ang sabon at panay ang tubig.”
Ano ang pangunahing kailangan? Sabon o baby wash, shampoo, pulbos, baby oil at cream. Gumamit din ng sponge, bimpo at tuwalya. Hindi naman kailangang organic ang mga produktong kukunin mo, basta siguruhing banayad ito para sa balat ni baby.
May mga tradisyon na nagpapatak ng kalamansi sa tubig panligo ng sanggol. Pero siguruhing hindi ito maiinom ni baby o kaya mapupunta sa kaniyang mata.
Ihanda na rin ang lampin o disposable diaper at damit na isusuot pagkaligo para mabihisan agad ang anak, at hindi ginawin. Huwag kalimutan ang mga simpleng laruan para aliwin ang anak. Maganda ring magpatugtog ng musikang makakapag-relax sa inyong mag-ina.
5. Punas-punas muna…
…at konting basa sa ulo at katawan, kung ang sanggol ay may umbilical cord stump pa. Hangga’t hindi pa natatanggal ang umbilical stump, huwag munang ilublob ang katawan ni baby sa tubig. Gumamit lang ng maliit na plastic basin at bimpo o sponge.
Ang pangunahing atensiyon mo ay nasa ulo, leeg, kili-kili at lahat ng singit singit na pinapawisan. Nakabalot ang buong katawan ni baby ng tuwalya, at nakalabas lamang ang ulo dahil iyon ang unang huhugasan at pupunasan ng mabilis.
Sa unang linggo, huwag munang gumamit ng shampoo. Sabon lang ay tama na. Pagkatapos ng ulo, balutin ito at dampian naman ang katawan.
Maligamgam na tubig ang kailangan at huwag gagamit ng malamig na tubig.
6. Ihanda ang “bathtime gear”
Kapag lagpas na ng ilang linggo at malaki-laki na si baby, maaari nang gumamit ng portable bath tub na sadyang pang-baby. May mga bath mats na mabibili para sa sanggol na hindi pa nakakaupo ng mag-isa. May mga naglalagay rin ng tuwalya para mapigil ang pagkadulas.
Kung gagamit ng baby tub, ilagay ito sa sahig ng banyo at huwag sa mesa para maiwasan ang mga aksidente.
7. Siguraduhin ang tamang temperatura
Hindi kailangang maghanda ng maraming tubig dahil maliit pa lamang ang iyong sanggol. Sensitibo ang pakiramdam ni baby kaya’t siguraduhing hindi malamig ang tubig na gagamitin.
Maaari din kasing maligamgam ang tubig bago kayo magsimula, pero dahil sa malamig ang kuwarto (lalo kung may air-conditioning), ay mabilis na lumamig ang tubig na inihanda.
Maaari ring ang katamtaman sa iyo ay masyadong malamig o mainit sa iyong baby. Pakiramdaman ang tubig bago gamitin. Kung gumagamit ng baby-bath thermometer, dapat ay 90 degrees (Farenheit) o mas mababa ang tubig.
8. Iwasang makainom ng tubig panligo si baby
Ayon kay Dr. Tiglao, isa pa sa mga bagay na nagiging problema ng mga magulang sa pagligo ng sanggol ay kapag nakakainom ito ng tubig.
“Kapag madalas na naliligo, nagkaka-diarrhea sila o amoebiasis kasi naiinom nila iyong tubig sa sobrang dalas nilang maghilamos.
Kaya iwasan nalang na makainom ng tubig ang bata kung mahilig siya maligo.” paalala ng doktora.
Iwasang buhusan ng tubig ang ulo ng sanggol kapag siya ay umiiyak at nakabuka ang kaniyang bibig.
9. Asahan ang pag-iyak ng anak
Lalo na sa unang ligo, asahan mo nang iiyak ang iyong sanggol dahil hindi pa niya nararanasan ito, kaya’t maaaring magulat siya. Ang mga unang paliligo ni baby ay dapat mabilis at hindi magtagal. Kaya nga’t handa na lahat sa iyong tabi, pati ang damit na isusuot niya.
Gamitin ang laruan na inihanda rin sa iyong tabi para aliwin si baby. Kantahan at isayaw ng malumanay, at siguraduhing mararamdaman niya ang mainit na haplos ni Nanay upang makatulong na pakalmahin siya.
Tandaan na sa umpisa lang ang pag-iyak na ito. Kapag nasanay na siya sa routine ninyong dalawa, ma-eenjoy na rin niya ang karanasang ito hanggang sa paglaki. Lahat ng iyak ay mapapalitan ng tawa at hagikgik ng sanggol.
Source:
Healthy Children Org, Healthline, RaisingChildren