Step-by-step guide sa breastfeeding at kung ilang beses dapat dumede ang sanggol. Ang lahat ng dapat malaman tungkol sa breastfeeding.
Ilang beses dapat dumede ang sanggol? Paano nga ba ang tamang pagpapasuso kay baby? Parang ang daling gawin, pero ang totoo, isa ito sa pinaka-challenging na bagay para sa isang ina lalo na kung ito ang una niyang baby.
Siyempre, dahil developing pa lang ang lahat ng aspekto sa isang baby, ang digestive system niya ay hindi pa kasing matured ng adult na tao. Dahil rito, nagkakaroon ng interval o ilang oras ang pagitan ng pagpapadede sa baby. Mayroon ding tinitiyak na tamang oras ng pagpapadede sa sanggol ang mga moms.
Ang pinakamahirap na panahon ay ang unang isang linggo hanggang sa halos isang buwan. Ayon kay Sue Cox, isang Australian IBCLC (International Board Certified Lactation Consultant) at midwife, sa kaniyang librong Breastfeeding With Confidence, ang breastfeeding ay natural na kakayahan ng isang ina.
Pero ito ay kinakailangan ng pagsasanay. Puwede kang magbasa ng kahit ilang daang libro tungkol dito, pero maiintindihan mo lang ang lahat ng tungkol dito kung aktuwal ka nang nagpapasuso ng iyong anak. Ito ay kombinasyon ng motivation, kaalaman ng mga essential skills, at pagsasanay.
Narito ang mga hakbang para sa tamang pagpapasuso sa iyong anak.
Talaan ng Nilalaman
Step-by-step guide para sa mga bagong ina
Kain, tulog, ihi, dumi, then repeat. Ito ang karaniwang highlights ng everyday life ng bagong panganak na baby.
At kapag first time mom ka, ang aspekto ng pagpapadede sa baby, at ang tamang oras ng pagitan nito ang kadalasang pinagmumulan ng maraming tanong at alalahanin.
Dagdag pa kung gaano karami at gaano kadalas ang pagpapadede sa baby. Kailangan bang gisingin si baby para padedehin? Bakit maraming beses dumede si baby?
Tama ba ang posisyon para padedehin ang baby? May mga pagkain bang kailangang kainin at iwasan habang nagbebreastfeed kay baby?
Narito ang ilang kasagutan sa step by step guide na kailangang malaman ng mga bagong breastfeeding moms.
Una: Humanap ng pinakakomportableng upuan at posisyon
Sumubok ng ilan, at kapag nakahanap na, tandaang mabuti ang bawat detalye nito para ito ang gagawing breastfeeding position. Matagal na oras ang kinakailangan para sa pagpapasuso kaya nama’y dapat na mayroong komportableng posisyon.
Ang pag-upo ng matagal sa isang hindi komportableng posisyon ay mauuwi sa sakit sa katawan particular na sa likod, balikat, at leeg. Dagdag pa rito, ang labis na paggalaw kung nasa maling posisyon ay maaaring makagambala sa baby habang siya ay sumususo.
Siguraduhing naka-relax ang sarili at ang baby.
Ikalawa: Ang tinatawag na Latch
Ang latching ang susi sa breastfeeding. Ang maling “latch” kasi ay isa sa mga pangunahing sanhi ng discomfort at labis na pananakit ng suso.
Iposisyon ang sanggol nang nakaharap sa iyo, at ang tiyan niya ay nakalapat sa tiyan mo. Maglagay ng unan sa siko mo, pati sa ilalim ng sanggol (lalo na kung maliit pa ito).
Ilapit sa kaniya ang isang suso at nipple nang dahan-dahan. Hawakan ng mabuti ang areola, habang iniaalok sa sanggol.
Igalaw ng kaunti ang likod ng ulo at batok ng bata, para ilapit sa nipple. Ilapit pa ng mabuti ang nipple sa bibig ng bata hanggang ibukas niya ang kaniyang bibig.
Gabayan ang sanggol hanggang tuluyan niyang maisubo ng buo. Dapat ay buo ang pagkasubo ng nipple, at pati 1 1/2 inches ng areola ay nakasubo.
Kapag ganito, namamasahe ng bibig ng bata ang milk glands at nailalabas ang gatas. Kung ang dulo lang ang nakasubo, walang gatas na makukuha, at labis pa ang sakit na mararamdaman ni nanay dahil masusugatan ang nipple niya.
Kung umiiwas ang bata, at parang tumatangging isubo ang nipple, marahang hawakan at “kilitiin” ng isang daliri ang pisngi niya, hanggang humarap itong muli at isubo ang nipple.
Malalaman mong tama na ang latch kung ang dulo ng ilong at ang baba ng sanggol ay nakalapat sa suso ni nanay. Pakinggan kung may naririnig na paglunok. “Suck-swallow-breath” ang pattern, ayon sa librong What to Expect When You’re Expecting ni Heidi Murkoff.
Paalala:
Ang pagtagas ng gatas kahit na hindi nagpapasuso ay natural lamang. Huwag kabahan dahil ito’y hindi masamang bagay.
Ito ay nangyayari sa tuwing ikaw ay nakakarinig ng iyak ng baby, sa tuwing iniiisip ang sariling baby o kahit na tuwing nakakaramdam ng malakas na emosyon.
Ang leaking ay mawawala rin basta’t patuloy ang pagpapasusong ginagawa. Pansamantala, maglagay lamang ng nursing pad sa iyong bra upang ma-absorb ang tagas.
Ikatlo: Iba’t ibang paghawak habang nagpapasuso
Ang cradle o paghele ay ang posisyon kung saan ang katawang ng baby ay nasa braso ng ina, at ang ulo nito ay nasa sulok ng braso. Ang kamay ng ina ay nakasuporta din sa puwitan ng sanggol.
Ilapit ang bata ng mabuti, hanggang ang tiyan niya ay nakalapat sa tiyan ng ina, at ang tainga, balikat at balakang ng bata ay nakadiretso.
Ang football na naman na tinatawag ay mainam para sa mga inang nanganak ng Cesarean section (CS). Maglagay ng unan sa ilalim ng bata, at ilapit ang katawan sa katawan ni nanay.
Ilapat ang braso sa unan para ilapit ang bibig ng sanggol sa suso ni nanay. Nakasalo ang kamay ni nanay sa ulo ng sanggol, na parang nakahawak sa football.
Ang patigilid na posisyon naman ay mabuti din para sa mga nanganak ng CS, o para sa mga nanay na nakakaramdam ng pagod at gustong makahiga kahit sandali. Humiga ng patagilid habang nagpapasuso.
Ihiga ang ulo sa isang unan, at ilapit ng mabuti ang sanggol gamit ang braso sa pagsuporta ng puwitan ng bata. Gamitin ang kabilang kamay para ilapit ang nipple sa bibig ng baby.
Ika-apat: Ilang oras bago padedehin ang sanggol at tamang oras ng pagpapasuso sa sanggol
Karaniwang nasa 20 hanggang 30 minuto ang bawat feeding. Ilang beses dapat dumede ang sanggol? Maaaring mas maikli o mas matagal dito—ito ay depende sa sanggol at sa appetite niya.
Siguraduhing maubos ang gatas sa bawat suso sa bawat feeding. Hintayin at pakiramdaman kung tapos na si baby sa isang suso, at huwag basta tanggalin ang una para lang ilipat sa kabila.
Kapag tapos na si baby sa siya, siya rin ang mismong magtatapos at bibitaw sa pagkaka-latch. Ibigay—ngunit huwag ipilit—ang kabilng suso. Kung ayaw na niya pagkatapos sa unang suso, ibigay ang kabila sa susunod na magutom ito.
Ang mga palatandaan na gutom na si baby ay ang mga sumusunod:
- Pagtaas o pag-ikot ng kanilang ulo ng paulit-ulit
- Pagbukas at pagsara ng kanilang bibig
- Inilalabas ang kanilang dila
- Pagsipsip sa kahit anong malapit sa kanilang bibig
Karaniwang nakakatulog ang sanggol pagkatapos dumede, at magigising kapag gutom na ulit at handa na sa kabilang suso. Kung nakatulog na ito habang sumusuo, tanggalin ang pagkaka-latch sa pamamagitan ng unti-unting pagpasok ng isang daliri sa gilid ng bibig ni baby.
Ikalima: Ilang beses dapat dumede ang sanggol?
Mas mainam na pasusuhin ang sanggol sa tuwing magugutom ito, at hindi ayon sa oras na itinakda (o schedule). Sa umpisa, maaaring hindi madalas makakaramdam ng gutom ang isang sanggol.
Kaya kakailanganing pakainin ito ayon sa tingin ni nanay ay dapat na oras ng feeding, hangang sa makaramdam na si baby ng sariling pagka-gutom.
Karaniwang nasa 12 beses ang feeding ng isang bagong panganak, o tuwing dalawa hanggang tatlong oras sa isang araw at sa gabi. Lahat ng ito ay pakikiramdaman ni nanay sa paglipas ng araw, habang lumalaki di si baby.
May mga batang mas magana kumain, at mayroong paiba-iba rin. Tandaan na ang milk production n isang ina at “by demand” o lumalakas habang madalas ang pagpapasuso.
Kaya ang ibang ina ay pinipiling mag-express o mag-pump para patuloy na mag-produce kahit hindi pa gutom si baby. Lahat ng na-pump ay nilalagay sa freezer o fridge para hindi masira.
Habang lumalaki ang supply ng gatas ni nanay, at lumalaki si baby, mas lumalaki ang pagitan ng feedings feedings o pagpapasuso, o mas madalang na kaysa nung una.
Ika-anim: Paano malalaman na sapat ang gatas na nakukuha ni baby?
Ito ang pinakakaraniwang takot ng maraming nanay. Dahil nakasalalay sa isang ina ang nutrisyon at pagpapakain sa anak, matindi ang pressure na makapagbigay ng sapat na gatas. Ito ang ilan sa mga indicators na sapat o kulang ang gatas na nakukuha ng bata:
Disposisyon ng bata. Kung masayahin, mahilig humagikgik, makipaglaro at “makipag-usap”, malamang ay malusog at nakakakain ng sapat ang sanggol. Kung palaging umiiyak o aburido, at palaging sinisipsip ang daliri, baka gutom pa ito, o maaari ding may colic ito.
Tingnan ang pagdumi. Oo, kailangang bilangin kung ilang beses na ba umihi at dumumi si baby, para malaman kung sapat ang nakukuhang gatas.
Nasa 8 hanggang 12 beses ang regular na pag-ihi at 5 beses ang pagdumi sa loob ng 24 na oras sa simula. Ilista ito kung nag-aalala, para masabi sa pediatrician sa susunod na check-up.
Timbang. Sa loob ng unang buwan pagkapanganak, ang isang sanggol ay karaniwang dapat na bumibigat ng mula 4 hanggang 7 ounces ang timbang sa bawat linggo.
Mahalaga ang well-baby check-up lalo na sa unang taon, upang mapayuhan kaagad ng doktor kung may dapat ipag-alala sa timbang ng bata.
Ika-pito: Pag-aalaga sa balat habang nagpapasuso
Ang balat ng ng suso ay maselan. Sa mga nagpapasuso,ang balat ay maaaring maging dry, irritable, at magkaroon din ng crack kung minsan. Ito ay nauuwi sa masakit na pagpapasuso.
Narito ang mga hakbang sa kung papaano maiiwasan ang ganitong sitwasyon:
- Huwag sobrahan ang paliligo. Isa o dalawang paligo sa isang araw gamit ang banayad na cleanser ay sapat na.
- Pagkatapos magpadede ay dampian lamang ang suso ng tuyo at malambot na tela. Maaaring ring gumamit ng mga produkto na makapagpapagaling sa sakit pagkatapos magpasuso tulad ng balm o moisturizer.
- Ugaliing huwag magsuot palagi ng masisikip na damit upang makahinga an suso para maiwasan din ang pagkairita nito. Kahit na madalas ang pagpapasuso, may mga oras pa rin na makakaranas ng pamamaga ng suso at dahil dito, mahihirapan ang baby na dumede. Ito ang mga tips para maiwasan ang pamamaga.
- Paglalagay ng malamig sa dibdib particular na ng ice pack para maibsan ang sakit.
- Maligo sa mainit o maligamgam na tubig sapagkat ang init ay makakapagpadaloy ng ng mabuti ng gatas.
- Subukang magpalabas o gumamit ng pump hanggang sa lumambot at bumalik ito sa natural na lagay.
- Regular na magpasuso upang maiwasan ang pamamaga
Ika-walo: Alagaan ang sariling kalusugan
Ang regular na pag-inom ng tubig ay nakakabuti sapagkat napapalitan nito ang nawawala sa katawan habang nagpapasuso. Sa bawat pagtapos ng isang feeding ay dapat na uminom ng kahit isang baso ng tubig. Sa pamamagitan nito, masisiguradong makakagawa ang iyong katawan ng sapat na gatas at malakas ang katawan.
Panatilihin ang pagkain ng maayos at masustansyang pagkain. Kumain ng tatlong beses sa isang araw at mga masusustansyang snacks sa pagitan. Paalala lamang na huwag kumain ng sobra at dapat ito ay well-balance.
Ang pagpapasuso ay isang nakasisindak lalo na sa mga unang beses na ina na gagawa nito. Sa pamamagitan ng pagsunod ng mga gawain na nakalista sa taas ay makakatulong sa iyong pagpapa-breastfeed.
Huwag mahiya o matakot na magtanong sa mga tao na kilala o mga doktor. Tandaan na walang mali sa pagtatanong lalo na kung ito’y para sa ikabubuti ng iyong sanggol.
Tamang oras ng pagpapadede sa sanggol
Sa pagsasaliksik ng Healthline.com, sinabi ng La Leche League International, na isang oras pagkatapos ipanaganak ang tamang oras ng pagpapadede sa sanggol. Maliban pa dito, kailagan ding padedehin ang baby ng 8 hanggang 12 beses araw-araw sa unang week ng kanyang buhay.
Isa pang mahalagang tandaan ay huwag hayaang hindi dumedede si baby higit sa 4 na oras. Kailangang gisingin si baby sa pagkakatulog para padedehin. Maaari namang mabago ang ganitong routine kapag na-establish na sa kanya ang breastfeeding at reciprocal ang pag gain niya ng timbang.
Ilang oras ang pagitan ng pagpapadede sa baby?
Kaysa sa ilang oras ang tanong sa pagitang ng pagpapadede sa baby, kapag breastfed ay mas inaalam kung ilang beses ang pagpapadede.
Habang lumalaki si baby at mas dumadami ang iyong milk supply, mas makakayanan na ni baby na dumede ng mas marami sa mas maikling oras. Dito, mas ma-oobserve mo na may pattern kung ilang oras o ilang beses ang pagitang ng pagpapadede sa baby.
- 1 to 3 months: dedede si baby ng 7 hanggang 9 na beses sa 24 hours.
- 3 months: maaaring dumede si baby ng 6 hanggang 8 beses sa isang araw.
- 6 months: posibleng dumede si baby ng 6 na beses sa loob ng 24 na oras. Pwede na rin masimulan dito ng paunti-unti ang pagkain ng solid food ni baby.
- 12 months: pwedeng bumaba kung ilang oras o beses ang pagitan ng pagpapadede sa baby ng 4 na beses.
Ilang oras ang pagitan ng pagpapadede sa baby kapag formula milk?
Tulad ng breastfed babies, may tamang bilang kung ilang oras ang pagitan ng pagpapadede sa baby na formula fed. Sa average na interval o oras ng pagitan, karaniwan ito ay 2 hanggang 3 oras.
Narito ang tipikal na schedule na may bilang kung ilang oras ang pagitan ng pagpapadede sa baby kapag formula milk:
- Bagong panganak: kada 2 hanggang 3 oras
- sa ika 2 months: kada 3 hanggang 4 na oras
- kapag si baby ay nasa ika 4 hanggang 6 months: kada 4 hanggang 5 oras na pagitan
- sa pagtungtong ng 6 months pataas: kada 4 hanggang 5 oras
Tamang pagpapadede sa sanggol sa bote
Narito naman ang ilang hakbang na dapat malaman ng first time moms sa tamang pagpapadede sa sanggol sa bote:
- I-posisyon ang bote sa partikular na angle kaysa tuwid itong itutok sa bibig ni baby para lalabas lamang ang gatas sa bote kapag sinipsip lamang
- Hayaang mag-take ng break si baby sa pagpapadede sa bote kung parang nagugustuhan niya pang dumede
- Obserbahan ang cues ng iyong baby, lalo na kung busog na siya. Tigilan ang pagpapadede sa sanggol sa bote kahit na hindi pa ito ubos kung busog na siya.
Maaari rin kayong makapagbasa ng mga tips mula sa mga veteran moms sa aming community page at maki-sali sa usapang moms!
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.