Breastfeeding: Isang step-by-step guide para sa mga bagong ina

Napakaraming benepisyo ng breastfeeding para sa ina at anak. Pero paano nga ba ang tamang paraan? Narito ang lahat ng dapat malaman tungkol sa pagpapasuso sa iyong sanggol, lalo na sa unang buwan

Paano nga ba ang tamang pagpapasuso kay baby? Parang ang daling gawin, pero ang totoo, isa ito sa pinaka-challenging na bagay para sa isang ina lalo na kung ito ang una niyang baby. Ang pinakamahirap na panahon ay ang unang isang linggo hanggang sa halos isang buwan. Ayon kay Sue Cox, isang Australian IBCLC (International Board Certified Lactation Consultant) at midwife, sa kaniyang librong Breastfeeding With Confidence, ang breastfeeding ay natural na kakayahan ng isang ina, pero ito ay kinakailangan ng pagsasanay. Pwede kang magbasa ng kahit ilang daang libro tungkol dito, pero maiintindihan mo lang ang lahat ng tungkol dito kung aktuwal ka nang nagpapasuso ng iyong anak. Ito ay kombinasyon ng motivation, kaalaman ng mga essential skills, at pagsasanay o praktis.

Iniyakan ko din nuon ang pagpapasuso, lalo na sa unang linggo. May pakiramdam pa na mali ang ginagawa ko, o di kaya’y may frustration at takot na baka hindi sapat ang naibibigay kong gatas dahil hindi bumibigat ang timbang ng baby ko. Pero sa paglipas ng mga araw, at habang pareho kaming nasasanay sa ritwal naming mag-ina, kasabay nawala ng pananakit at pamamaga ang takot at kaba. Basta’t patuloy lang ang pagpapasuso at laging nasa isip ang mga dapat gawin para sa kalusugan (at kalinisan) ng iyong katawan, malalagpasan mo din ang lahat ng takot at hirap, pati na sakit ng katawan. Kailangan lang talaga ay alam mo ang iyong dapat gawin. Tandaan na ang lahat ay trial and error. Makikita mo rin na ang breastfeeding ay isa sa pinaka-rewarding  na responsibildad ng isang ina.

Paano nga ba ito sisimulan? Paano magiging komportable sa pagpapasuso? Paano masisiguro na sapat nga ang nakukuhang nutrisyon ni baby?

Narito ang mga hakbang para sa tamang pagpapasuso sa iyong anak.

Una:

Humanap ng pinaka-komportableng upuan at posisyon bago simulan ang pagpapasuso.

Sumubok ng ilan, at kapag nakahanap na, tandaang mabuti ang bawat detalye nito para ito ang gagawing breastfeeding position.

Ikalawa:

Ang tinatawag na Latch

Ang latching ang susi sa breastfeeding. Ang maling “latch” kasi ay isa sa mga pangunahing sanhi ng discomfort at labis na pananakit ng suso. I-posisyon ang sanggol nang nakaharap sa iyo, at ang tiyan niya ay nakalapat sa tiyan mo. Maglagay ng unan sa siko mo, pati sa ilalim ng sanggol (lalo na kung maliit pa ito). Ilapit sa kaniya ang isang suso at nipple nang dahan dahan. Hawakan ng mabuti ang areola, habang iniaalok sa sanggol.

Igalaw ng kaunti ang likod ng ulo o batok ng bata, para ilapit sa nipple. Ilapit pa ng mabuti ang nipple sa bibig ng bata hanggang ibukas niya ang kaniyang bibig. Gabayan ang sanggol hanggang tuluyan niyang maisubo ang buong nipple. Hawakan din ang panga ng bata para maisubo niya ang nipple ng buo. Dapat ay buo ang pagkasubo ng nipple, at pati 1 1/2 inches ng areola ay nakasubo. Kapag ganito, namamasahe ng bibig ng bata ang milk glands at nailalabas ang gatas. Kung ang dulo lang ang nakasubo, walang gatas na makukuha, at labis pa ang sakit na mararamdaman ni nanay dahil masusugatan ang nipple niya.

Kung umiiwas ang bata, at parang tumatangging isubo ang nipple, marahang hawakan at “kilitiin” ng isang daliri ang pisngi niya, hanggang humarap itong muli at isubo ang nipple.

Malalaman mong tama na ang latch kung ang dulo ng ilong at ang baba ng sanggol ay nakalapat sa suso ni nanay. Pakinggan kung may naririnig na paglunok. “Suck-swallow-breath” ang pattern, ayon sa librong What to Expect When You’re Expecting ni Heidi Murkoff.

Ikatlo:

Iba’t ibang paghawak habang nagpapasuso

Ang cradle o paghele ay ang posisyon kung saan ang katawang ng baby ay nasa braso ng ina, at ang ulo nito ay nasa sulok ng braso. Ang kamay ng ina ay nakasuporta din sa puwitan ng sanggol. Ilapit ang bata ng mabuti, hanggang ang tiyan niya ay nakalapat sa tiyan ng ina, at ang tainga, balikat at balakang ng bata ay nakadiretso.

Ang football na naman na tinatawag ay mainam para sa mga inang nanganak ng Cesarean section (CS). Maglagay ng unan sa ilalim ng bata, at ilapit ang katawan sa katawan ni nanay. Ilapat ang braso sa unan para ilapit ang bibig ng sanggol sa suso ni nanay. Nakasalo ang kamay ni nanay sa ulo ng sanggol, na parang nakahawak sa football.

Ang patigilid na posisyon naman ay mabuti din para sa mga nanganak ng CS, o para sa mga nanay na nakakaramdam ng pagod at gustong makahiga kahit sandali. Humiga ng patagilid habang nagpapasuso. Ihiga ang ulo sa isang unan, at ilapit ng mabuti ang sanggol gamit ang braso sa pagsuporta ng puwitan ng bata. Ganmitin ang kabilang kamay para ilapit ang nipple sa bibig ng baby.

Ikaapat:

Tingnan at tandaan ang oras ng bawat feeding

Karaniwang nasa 20 hanggang 30 minuto ang bawat feeding. Maaaring mas maikli o mas matagal dito—ito ay depende sa sanggol at sa appetite niya. Siguraduhing maubos ang gatas sa bawat suso sa bawat feeding. Hintayin at pakiramdaman kung tapos na si baby sa isang suso, at huwag basta tanggalin ang una para lang ilipat sa kabila. Kapag tapos na siya, siya rin ang mismong magtatapos at bibitiw sa pagkaka-latch. Ibigay—ngunit huwag ipilit—ang kabilang suso. Kung ayaw na niya pagkatapos sa unang suso, ibigay ang kabila sa susunod na magutom ito.

Karaniwang nakakatulog ang sanggol pagkatapos dumede, at magigising kapag gutom na ulit at handa na sa kabilang suso. Kung nakatulog na ito habang sumusuo, tanggalin ang pagkaka-latch sa pamamagitan ng unti-unting pagpasok ng isang daliri sa gilid ng bibig ni baby.

Ikalima:

Gaano kadalas ang feeding?

Mas mainam na pasusuhin ang sanggol sa tuwing magugutom ito, at hindi ayon sa oras na itinakda (o schedule). Sa umpisa, maaaring hindi madalas makakaramdam ng gutom ang isang sanggol, kaya’t kakailanganing pakainin ito ng ayon sa tingin ni nanay ay dapat na oras ng feeding, hanggang sa makaramdam na si baby ng sariling pagka-gutom.

Karaniwang nasa 12 beses ang feeding ng isang bagong panganak, o tuwing  dalawa hanggang tatlong oras sa isang araw at sa gabi. Lahat ng ito ay pakikiramdaman ni nanay sa paglipas ng araw, habang lumalaki din si baby. May mga batang mas magana kumain, at mayrong paiba-iba din. Tandaan na ang milk production ng isang ina at “by demand” o lumalakas habang madalas ang pagpapasuso. Kaya’t ang ibang ina ay pinipiling mag-express o mag-pump para patuloy na mag-produce kahit hindi pa gutom si baby. Lahat ng na-pump ay nilalagay sa freezer o fridge para hindi masira.

Habang lumalaki ang supply ng gatas ni nanay, at lumalaki sa baby, mas lumalaki ang pagitan ng feedings o pagpapasuso, o mas madalang na kaysa nung una.

Paano malalaman na sapat ang gatas na nakukuha ni baby?

Ito ang pinaka-karaniwang takot ng maraming nanay. Dahil nakasalalay sa isang ina ang nutrisyon at pagpapakain sa anak, matindi ang pressure na makapagbigay ng sapat na gatas. Ito ang ilan sa mga indicators na sapat o kulang ang gatas na nakukuha ng bata:

Disposisyon ng bata. Kung masayahin, mahilig humagikgik, makipaglaro at “makipag-usap”, malamang ay malusog at nakakakain ng sapat ang sanggol. Kung palaging umiiyak o aburido, at palaging sinisipsip ang daliri, baka gutom pa ito, o maaari ding may colic ito.

Tingnan ang pagdumi. Oo, kailangang bilangin kung ilang beses na ba umihi at dumumi si baby, para malaman kung sapat ang nakukuhang gatas. Nasa 8 hanggang 12 beses ang regular na pag-ihi at 5 beses ang pagdumi sa loob ng 24 na oras sa simula. Ilista ito kung nag-aalala, para masabi sa pediatrician sa susunod na check-up.

Timbang. Sa loob ng unang buwan pagkapanganak, ang isang sanggol ay karaniwang  dapat na bumibigat ng mula 4 hanggang 7 ounces ang timbang sa bawat linggo. Mahalaga ang well-baby check-up lalo na sa unang taon, upang mapayuhan kaagad ng doktor kung may dapat ipag-alala sa timbang ng bata.

READ: A comprehensive list of breastfeeding stations in malls in Metro Manila