Kung ikaw ay isang ina na nagpapasuso, importanteng masiguro na sapat ang natatanggap na gatas ng iyong anak. Upang makinabang nang husto ang iyong sanggol, tandaan ang mga bagay na ito kung paano malalaman na epektibo ang iyong pagpapasuso.
6 na bagay na dapat tandaan sa pagpapasuso
1. I-check ang timbang ni baby.
Kung ikaw ay breast-feeding, ang pinakamabisang paraan upang malaman na natatanggap ni baby ang nutrisyon mula sa iyong gatas ay kung nadaragdagan ang timbang nito.
Pagkapanganak, kadalasan ay nababawasan ang timbang ng mga sanggol, ngunit ito ay naibabalik naman sa loob ng isa o dalawang linggo. I-track kung steady ang weight gain ni baby sa bawat check-up sa kanyang doktor.
Kung sa tingin mo ay hindi sapat ang timbang ni baby, kumonsulta sa kanyang pediatrician upang mas ma-monitor ito.
2. I-monitor ang dalas at dami ng pagdede ni baby.
Kadalasan, ang mga bagong panganak na sanggol ay dumedede ng walo hanggang 12 beses sa loob ng isang araw, kada dalawa o tatlong oras. Sa panahon ng growth spurts ni baby, maaaring mas madalas kang magpapasuso at mas marami ang gustong gatas ng iyong anak.
Pakiramdaman ang kapasidad ng iyong katawan na makasabay sa increased demand ni baby para sa breast milk. Kung mas madalas dumede si baby, mas maraming gatas din ang iyong mailalabas.
Habang lumalaki si baby, mas marami siyang madede at hahaba ang intervals ng iyong pagpapasuso.
3. Siguraduhing nakalulunok ang iyong baby.
Pansinin at pakinggang maigi kung lumulunok si baby tuwing ikaw ay nagpapasuso. Kung susuriin, kadalasan ay lumulunok ang mga sanggol matapos ang ilang beses na pagsipsip sa iyong nipple. Maaari kang makarinig ng mahinang tunog na “k”at makakita ng alon-alon sa baba at lowe jaw ng iyong anak. Kung wala namang tunog ang paglunok niya, pakiramdaman kung may bahagyang paghinto o pause sa kanyang paghinga.
4. Obserbahan ang pakiramdam ng iyong mga suso.
Kung tama ang pagka-latch ni baby sa iyong nipple, dapat ay makaranas ka ng parang may bahagyang humihila dito, imbis na parang may kumukurot o kumakagat. Bago ang oras ng pagpapasuso, maaaring maging siksik at puno ang pakiramdam ng iyong mga suso, at mas malambot at walang laman naman pagkatapos. Kung madalas ay nasasaktan ka habang nagbi-breast feed, kumonsulta sa iyong doktor o sa isang lactation consultant upang makahingi ng tulong.
5. Bilangin ang dami at tingnan laman ng diaper ni baby.
Sa ilang unang araw matapos kang manganak, ang bilang ng magagamit na diapers ay kadalasang tumataas sa pagdaan ng mga araw. Pagsapit ng ikalima o ikaanim na araw, asahang may anim na basang diapers si baby kada araw at mayroong tatlo hanggang apat na bowel movements sa isang araw.
Ang dumi ng sanggol ay dapat dark at sticky sa unang dalawang araw, saka magiging loose at golden yellow sa mga sumunod.
6. Obserbahan kung mukhang malusog ang iyong anak.
Kung sapat ang gatas na nakukuha sa iyo ni baby, kadalasan ay masisiyahan ito pagkatapos ng pagpapasuso, at alert and active naman sa ibang mga oras.
Ikaw ang mas nakakakilala sa iyong baby. Kung pakiramdam mo ay may hindi tama sa iyong sanggol, ikonsulta ito sa kanyang doktor. Maging alerto rin kung si baby ay:
- hindi nadaragdagan ang timbang
- kulang sa anim na diapers ang nagagamit sa isang araw
- hindi regular ang pagdumi
- may kulay orange o deep yellow na ihi
- palaging hindi mapakali o mapatahan matapos ang pagpapasuso
- laging inaantok
- may naninilaw na balat at mata (jaundice)
- puwersahang nadudura, o marami ang dura
Tandaan, iba-iba ang bawat baby pati na rin ang kanilang feeding patterns. Kung may nais linawin ukol sa growth at development ng iyong sanggol, kumonsulta sa doktor.
Source: Mayo Clinic
Basahin: 4 breastfeeding positions para sa tamang pagpapasuso kay baby