Mommy, paano ba sisimulan ang paghahanap o pagpili ng iyong doktor? Siya kasi ang tutulong mangalaga sa kalusugan o wellness ng isang babae, hanggang sa pagbubuntis, at hanggang sa pagiging ina. Matagal na relasyon ang hanap ng bawat babae sa kaniyang OB GYN, para mas mapangalagaan ng husto at tama ang reproductive health at kabuuang kalusugan niya.
Mga mommies at kapwa babae, narito ang ilang katangian dapat hanapin sa pagpili ng iyong doktor:
Anu ano ba ang katangian na mahalaga sa pagpili ng iyong doktor?
1. Isang propesyonal, na may maraming taon ng karanasan sa propesyong medikal.
Kaya naman naipapaliwanag ng malinaw at maayos ang lahat ng bagay tungkol sa kalagayan ng pasyente. Tandaan na kalusugan at buhay ng pasyente ang nakasalalay sa mga kamay ng doktor, at totoong emergencies ang maaaring harapin ninyo, kaya’t dapat ay maalam siya at may ekspertong pananaw tungkol sa obstetrics. Sila din ang dapat na may kaalaman sa pagpapaliwanag ng usaping medikal sa pasyente.
2. Tunay na nagmamalasakit sa pasyente.
Itinatanong niya kung may mabuti pa siyang magagawa o maitutulong sa pasyente. Dito papasok ang malalim na pagpapaliwanag niya tungkol sa mga bagay na mahalaga at susi sa kalusugan ng isang babae, tulad ng kaalaman tungkol sa childbirth education classes, breastfeeding, optional pain medications, pati ang postpartum care. Maalam din dapat siya sa iba’t ibang uri ng birth control, at sapat siyang kaalaman sa birth control at contraceptives para mapayuhan ka ng babagay sa iyo at makakahiyang mo.
3. Makakatuwang mo hanggang menopause at pamilyar sa mga hormone replacement therapy at bio-identical hormones.
Maraming dapat malaman tungkol sa isyu ng paggamot sa mga sintomas ng menopause, hormone replacement therapy at bio-identical hormones, lalo na’t nagbabago ang mga ito sa paglipas ng panahon, at ito ay maituturing na kontrobersiyal na usapan. Mas mainam kung maalam ang OB GYN na may malawak na kaalaman sa usaping ito para makatulong sa pag-alam ng mga options at makahana ng treatment para dito.
4. Tunay na nakikinig at nagbibigay ng oras para makinig at makipag-konsulta sa pasyente.
Maaaring siya ay abala, bilang isang doktor, pero hindi niya ito ipaparamdam at hindi mamadaliin ang pasyente anumang oras na may konsultasyon. Makikita mong nakikinig at pinag-iisipan ang mga sagot sa tanong ng pasyente, at nagbibigay ng maraming opsyon na pagpipilian. Ito na siguro ang isang katangian na pinakamahirap mahanap, kaya’t siguraduhing taglay ito ng iyong doktor.
5. Mahusay sa pagpapaliwanag at mahaba ang pasensiya.
Hindi niya rin binabalewala ang mga pag-aalinlangan at pag-aalala ng pasyente, kahit na ito ay mababaw lang para sa iba. Isang importanteng katangian ang dunong sa pagpapaliwanag ng isyung medikal sa mga salita o wika na naiintindihan ng iba’t ibang uri ng pasyente. Hindi masyadong teknikal, pero kumpleto at maliwanag ang punto. HIndi lang nagrereseta ng gamot, kundi pinapaliwanag kung para saan ito at nagbibigay ng optiong generic o mas mura. Hindi lang nagdidkta ng treatment, kundi nagpapaliwanag ng bawat hakbang sa pagpapatupad nito para maintindihan ng pasyente pagdadaanan niya at makapag-desisyon ng mabuti.
6. Pati ang staff o assistant niya ay malugod na nakikipag-usap sa pasyente at nagbibigay ng sapat na atensiyon kapag nasa waiting room ka pa lang.
Sa telepono pa nga lang ay mararamdaman mo na kung mabait at maayos makitungo ang assistant o sekretarya ng doktor. May mga nakikipagkaibigan pa at sinsero sa pagtatanong kung kumusta ang pasyente.
7. Nakapagpaanak na.
Kung ikaw ay nagpaplanong magbuntis, o kasalukuyang buntis, mas gugustuhin mo ang isang OB GYN na hindi lang titingin sa iyo para sa prenatal wellness, kundi siguradong nakapagpaanak na. May mga doktor ng obstetrics na hindi na nagpapaanak, pero patuloy pa ring tumitingin sa kalusugan o nagbibigay ngwell-woman exams at iba pang procedure. Importanteng itanong kung nagpapaanak siya.
Mag-isip ng mga itatanong sa OB GYN, at ihanda ito bago pa ang unang pagkikita para maitanong sa doktor. Sa ganon ay wala kang makakaligtaan, at para din makita mo kung siya na nga ang doktor para sa iyo, na makakasundo mo.
Ang pagpili ng OB/GYN ay susi sa kalusugan ng isang babae, may anak o wala, bata man o matanda. Maraming medikal at emosyonal na isyu na kailangang malaman at mapag-usapan, at ikunsulta sa doktor, kaya’t mainam kung susuriing mabuti ang makakatuwang sa iyong kalusugan.
READ: 6 Importanteng tanong para sa magiging doktor ng iyong anak