Walang may gusto na sigawan natin ang anak natin—pero minsan hindi ito naiiwasan o napipigilan. Sa bahay man o sa labas o kahit walang ibang tao na nakasaksi, kinakahiya natin ang nagawa natin.
Tumatakbo sa isip natin kung ano ang iisipin ng ibang tao at kung paano tayo hinuhusgahan bilang magulang. Ngunit paano nga ba magkaroon ng disiplina sa sarili para hindi sumigaw? Ano ang puwedeng gawin kung punung-puno na tayo at galit na galit na tayo?
Ang pagsigaw ‘di umano ay kapareha ng pamamalo. Bihira na nasusulusyunan ang problema o ang masamang ugali. Kadalasan nasasaway lamang sila ng panandalian ‘tapos balik na ulit sila sa pagiging makulit o pasaway.
Ayon kay Anna Marie Cuenca, isang primary school teacher at nanay, “Hindi nila naiintidihan ang sinasabi mo kapag isinisigaw mo ito nang malakas, nakakatakot, at pagalit.”
Stop judging
Hindi madali na maging magulang. Inaasahan ng lahat na kaya natin lahat—buhayin, pag-aralin, mahalin, aliwin, at palakihin ang mga anak natin ng tama. Hindi tayo puwedeng magkamali dahil may nakasalalay na buhay sa atin, dahil tayo dapat ang role model ng mga anak natin.
Bukod pa sa nagiging reflection sa atin at sa ating pagiging magulang natin ang kung ano man ang ugali ng anak natin. Bawat mali nila, doble ang paghusga sa atin na hindi natin naturuan ng magandang asal ang bata.
Napakadaling humusga kapag wala ka sa kalagayan ng magulang na hinuhusgahan mo. Kapag nakakakita tayo ng nanay o tatay na sumisigaw, maraming puwedeng dahilan kung bakit niya nagagawa ito—valid man o hindi para sa iba.
Ayon sa pag-aaral, karamihan ng mga magulang na sumisigaw ay hindi rin sang-ayon sa ginagawa nila kahit ang iba ay madalas itong ginagawa.
Ang iba ay nakakapagtimpi kapag kaharap ang ibang tao pero kapag nasa sariling pamamahay ay nagiging kaugalian ang pag-sigaw.
Sumisigaw ang mga magulang dahil sa iba-ibang emosyon at pressure na nararamdaman nila—galit, frustration, pagkawala ng pasensya, at kadalasan dahil takot sila na lumaking suwail ang anak nila.
Hindi ka masamang magulang
Pahayag ni Amanda—isang mental health counselor, nanay at blogger ng Messy Motherhood—kadalasan na ang mga iniisip nating mga “truths” tungkol sa pagsigaw ay actually “big myths.”
“Hindi ibig sabihin na nasigawan mo ang anak mo, e, masama ka ng magulang,” aniya.
Ang masama ay kung hindi ka nagi-guilty sa ginawa mo pagkatapos. Lahat tayo ay may rason kung bakit tayo bigla na lang sumasabog, ngunit ang rason kung bakit natin ito nagawa at kung ano ang ginagawa natin pagkatapos, ‘yon ang nagiging basehan sa pagiging mabuting magulang.
Masama ba ang sumigaw?
Alam na siguro nating lahat ang kasagutan. Ang pagsigaw sa bata, mas lalo na kung gumagamit ng masasakit na salita, ay hindi nakakabuti para dito.
Bata man o matanda, hindi maganda sa pakiramdam ang nasisigawan. Nakakapanliit kapag nangyayari ito. Nakakaramdam tayo na wala tayong kwenta. Paano pa kaya sa isang bata na kulang pa ang pang-unawa?
‘Pag hindi sila nakikinig, sa tingin ba natin na mas makikinig sila kung sinasabi natin ang gusto nating sabihin ng pasigaw at pagalit?
“Kapag sumisigaw tayo, mas lalo nila tayong hindi naiintindihan,” saad ni Anna Marie. “Kapag mas mataas at malakas ang boses, mas hindi nila ito pumapasok sa isip nila.” Matapos ang unang pasigaw na salita na binitawan, tila wala na silang naririnig kaya kung ano man ang gusto mong aral na matutunan niya ay hindi na niya na-absorb.
Nangyari na ang nangyari. Sumigaw ka, na-guilty ka. Patawarin mo ang iyong sarili at gumawa ng paraan para mag-bago. Ngunit hindi pa huli ang lahat.
Ang pag gawa ng positibong interaksyon ang makakapag-balanse sa negatibong nagawa. Marami tayong puwedeng gawin upang magkaroon ng disiplina sa sarili upang malampasan ang nakaugalian na pag-sigaw at matutunan na pahupain ang galit o frustration.
Talaan ng Nilalaman
Ayon sa pagsasaliksik tungkol sa pag-sigaw
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga batang sinisigawan ay kalaunan nagiging insecure at agresibo, mapasalita man o pisikal. Ang pag-sigaw ay naturingan na ngang masama ngunit mas masama kung ang isinisigaw ay mga pang-iinsulto o masakit na mga salita, ayon sa librong Positive Discipline: The Classic Guide to Helping Children Develop Self-Discipline, Responsibility, Cooperation, and Problem-Solving Skills ni Jane Nelsen, Ed.D.
May kasabihan nga na: ang ginagawang mali ng matanda ay nagiging tama sa mata ng bata. Tandaan na pagiging agresibo ay isang klase ng bullying.
Kung nakikita tayo ng mga anak natin na bully dahil sa pag-sigaw, malamang magiging ganoon din siya sa kapwa niya. O mas malala, maging biktima siya ng bullying dahil lalaki siya na normal para sa kanya na sinisigawan.
“Kapag sumisigaw ka, hindi naiintindihan ng bata ang gusto mong sabihin,” ani Anna Marie. “Either natatakot, naghihinanakit o hindi ka nalang pinapansin ng bata.”
Sa isang artikulo ni Justin Coulson, PhD, isang eksperto sa parenting sa Australia, nilathala nito ang isang pag-aaral ng University of Pittsburgh at ng University of Michigan kung paano nakakaapekto ang labis na pag-sigaw sa mga bata at kung paano ito nakaka-apekto sa kapakanan ng bata.
Ayon sa pag-aaral, nagkakaroon ng isyu sa pag-uugali ang mga teenagers at tweens na parating nasisigawan. Kabilang na dito ang karahasan, vandalism, at depresyon.
Dagdag pa rito, ayon sa Healthline, ang pagsigaw sa bata ay maaaring makakaapekto sa kaniyang self-esteem. Kapag mababa ang kaniyang self-esteem maaaring maapektuhan nito ang kaniyang kakayahan para mag-participate sa mga activities sa school. Maaari rin naman maging mahiyain siya at hindi ipakita ang kaniyang full potential.
Kagaya nga ng sinasabi kanina, maaaring magkaroon ito ng long term effect na madadala niya hanggang siya’y tumanda. Maaari itong anxiety, o labis na pag-aalala o pagkabalisa, na maaaring makaapekto sa kaniyang pang araw-araw na buhay.
Bawasan ang pag-sigaw
Ngunit paano nga ba tayo papakinggan ng bata nang hindi sumisigaw? Posibleng mabawasan ang pag-sigaw at tuluyan na itong mawala sa sistema natin?
Ayon kay Sarah Cadiz, isang teacher na may apat na anak, natutunan na raw niyang maging kalma kapag nasasaid na siya. May mga iba-ibang paraang siyang sinubukan over the years para hindi siya maging beast mode kapag dinidisiplina niya ang kaniyang mga chikiting.
Ito ang ilan sa mga puwede mong subukan:
1. Subukang kumalma at huminga.
Bigyan ng “timeout” ang bata para magkaroon ka rin ng ilang minuto para kumalma. Huwag agad sumugod sa giyera nang walang plano.
Huminga muna ng malalim para makapag-isip ng tama at ng hindi galit. Balikan ang bata kapag handa ka nang makipag-usap ng maayos upang matugunan ang problema gamit ang iyong “mommy voice” imbis na nakakatakot na paninigaw.
2. Gumamit ng consequence imbis na parusa at pagbabanta.
Ayon kay Dr. Nelsen, malaki ang pagkakaiba ng consequence sa parusa. Ang consequence ay direktang resulta ng masamang nagawa. Sinasamahan dapat ito ng pagbabala at eksplenasyon.
Halimbawa, kung ginagamit ng bata ang laruan para saktan ang kapwa, kunin ang laruan at pagsabihan siyang kinukuha mo ito dahil ginagamit niya ito bilang pananakit sa kalaro.
Ito ang gawin imbis na, kunyari, paluhurin siya sa asin, na wala namang kinalaman sa nagawa niyang mali. Tinuturuan mo lamang namatakot ang bata imbis na maintindihan ang kaniyang maling nagawa.
Dagdag pa niya, ang pagbabanta at parusa ay nagtatanim ng pagiging agresibo, pagka-aligaga, at pagpapahiya na hindi nakakabuti sa pagpapalaki ng masaya at malusog na bata.
3. Itigil habang maaga pa.
Kadalasan nagiging makulit ang bata dahil gutom, inaantok, o naghahanap siya ng atensyon. Mahirap malaman kung alin dito ang dahilan kung bakit nagiging matigas ang ulo ng bata ngunit ang unang hakbang ay mabigyan tuon ang mga pangangailangan niya.
Mainam din na magkaroon ng schedule at routine na puwede niyang sundin para maiwasan ang pagiging maligalig. Hindi man ito madalian solusyon ngunit magkakaroon naman ito ng positibong kahihinatnan pag lumaon.
4. Kapag nawawala sa sarili at napapasigaw, huwag mahiyang humingi ng tawad sa anak at iparating sa kaniya ang iyong pagmamahal.
Minsan hindi talaga maiiwasan na sumabog ka. Kapag nangyari ito, matutong magpakumbaba at aminin ang pagkakamali. Kausapin ang bata at humingi ng paumanhin.
I-explain kung bakit hindi mo napigilang sumigaw at ipaalala na hindi ito dapat ginagawa ng bata man o matanda. Tinuturuan nito ang bata na tumanggap ng pagkakamali at magpatawad sa mga humihingi ng tawad.
May mga tao na problema talaga ang pag-sigaw at maaaring sintomas na ito ng mas malaking problema sa anger management o anxiety problems.
Kung nakakaramdam ka ng matinding galit nang dahil sa maliit na bagay, mas mainam na humingi ng tulong para dito. May mga espesyalista na tumutugon sa ganitong mga problema.
Tandaan: kung maaari, kausapin ang bata ng mahinahom at kalmado. Iparating sa kaniya kung gaano mo siya kamahal. Iwasan na kausapin siya galing sa ibang kuwarto o ibang parte ng bahay para maiwasang sumigaw.
Isinaling mula sa wikang Ingles ni Candice Venturanza
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote