Palengke sa Angeles City ipinasara dahil sa COVID-19. Isang tindero sa nasabing palengke nasawi ng dahil sa sakit.
Isang palengke sa Angeles City ipinasara dahil sa COVID-19
Pansamantalang isinara ang Pampang Public Market sa Angeles City simula nitong Miyerkules. Ito ay matapos mag-positibo sa sakit na COVID-19 at masawi ang isang 21-anyos na tindero mula rito.
Ayon sa mga report ang 21-anyos na tindero ay na-admit sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center matapos magpakita ng sintomas ng sakit nitong Lunes. Kinabukasan ito ay agad na nasawi na ayon sa kaniyang health report ay isa ring diabetic.
Upang matukoy kung mayroon iba pang nahawa ng sakit sa Pampang Public Market ay isinailalim na sa rapid testing ang mga stall owners at vendor ng nasabing palengke. Ang sinumang lumabas na positibo sa rapid testing ay agad na i-isolate at isasailalim sa polymerase chain reaction o PCR test. Sinimulan narin ang contact tracing sa lahat ng nakasalamuha ng nasawing tindero dahil sa COVID-19.
Magsasagawa rin ng disinfection protocol sa loob at labas ng palengke upang maasigurong malilinis ito mula sa virus.
Samantala, nitong nakaraang linggo may 29 na manggagawa rin mula sa Marikina Public Market ang lumabas na positibo sa COVID-19. Ito ang dahilan kung bakit mas pinahigpit ang health protocols sa nasabing palengke. Naging alternate narin ang pagbubukas ng mga stalls dito upang masunod ang physical distancing.
COVID-19 sa Pilipinas
Nito lamang Martes, June 23 ay naitala ang highest single-day increase ng COVID-19 cases dito sa Pilipinas. Dahil sa isang araw ay umabot sa 1,150 ang lumabas na nag-positibo sa sakit. Kahapon ay may nadagdag dito na 470 na bago pang biktima na kung saan ang kasalukuyang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay nasa 32,295 na. Nasa 1,204 naman na ang naitalang bilang ng nasawi sa sakit. Habang may 8,656 katao naman ang naka-recover at gumaling na mula rito.
Ayon sa DOH, 357 sa naitalang positibong kaso ng sakit kahapon ay mga bago o fresh cases. Habang 113 sa mga ito ay nagmula sa backlog ng DOH. Halos kalahati o 225 ng nasabing bilang ay nagmula sa Metro Manila. Karamihan sa natitirang bilang ay nagmula sa Central Visayas at iba pang rehiyon sa bansa.
COVID-19 cases sa Cebu City
Sa Central Visayas, pinakamaraming kaso ng sakit ang naitala sa Cebu City. Kaya naman dahil dito ay nailagay muli sa enhanced community quarantine o ECQ ang siyudad. Kinansela narin ang validity ng lahat ng quarantine passes sa Cebu City. Nangangahulugan ito na tanging mga frontliners lang at essential workers ang maaring lumabas sa kanilang bahay o makikita sa mga pampublikong lugar.
“Be assured that authorized persons outside residents and other exempted individuals will still be allowed to go out. The city government will still continue to help the barangays. We are continuously coordinating with them, please support your local officials.”
Ito ang pahayag Cebu City Mayor Edgar Labella ukol sa pagkansela ng validity ng quarantine passes sa siyudad.
Inatasan narin ng Pangulong Rodrigo Duterte si Environment Secretary Roy Cimatu na pangunahan ang pagsugpo o pagpigil sa pagkalat pa ng sakit sa siyudad.
Pahayag ng mga eksperto kung hindi mapapabagal ang pagkalat ng sakit sa bansa ay maaring umabot sa 40,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo.
Kaya naman patuloy parin ang paalala ng DOH sa publiko na sumunod sa alituntunin ng gobyerno. At isagawa ang mga hakbang upang maiwasan at mapigilan ang pagkalat pa ng sakit.
Paano makakaiwas sa COVID-19?
- Ugaliin ang maayos at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. O kaya naman ay sa pamamagitan ng 70% alcohol-based sanitizer.
- Lumayo ng hindi bababa sa 3 metro sa isang taong umuubo o umaatsing.
- Iwasang hawakan ang iyong mukha ng hindi pa naghuhugas ng kamay. Ito ay upang maiwasang pumasok sa iyong mata, ilong at bibig ang virus.
- Ugaliing mag-disinfect ng mga bagay at surfaces sa iyong paligid.
- Kung galing sa labas ay agad na magpalit ng damit. Huwag ng gamiting muli ang mga jeans at jackets. Dahil maaring kumapit sa mga ito ang virus.
- Magtakip ng tisyu o panyo sa tuwing uubo o babahing. O kaya naman ay itakip ang iyong braso o manggas ng damit sa tuwing uubo.
- Manatili lang sa bahay kung masama ang makiramdam.
- Agad ng magpakonsulta sa doktor kung makaranas ng sintomas ng coronavirus na ubo, lagnat at hirap sa paghinga.
- Makinig sa balita at umiwas sa mga lugar na may nailulat na kaso ng coronavirus.
- Kung hindi makakaiwas na magpunta sa matataong lugar ay mag-suot ng mask. At mag-baon ng alcohol na madaling mailalagay sa kamay sa oras na hahawak sa mga bagay o surfaces.
Source:
Inquirer, Rappler, ABS-CBN News
Basahin:
COVID-19 humihina na at maaaring mawala ng kusa, ayon sa Italian doctor
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!