Pamamanas ng paa ng buntis: 14 na natural na solusyon para mawala ito
Buntis at namamanas ang paa? May mga paraan na maaring gawin upang malunasan ito na hindi kailangang bilhin at maaring gawin kahit nasa bahay lang!
Mga buntis, narito ang mga natural na paraan o gamot sa pamamanas ng paa.
Napakaraming pagbabago ang nangyayari sa katawan ng isang babae kapag nagbubuntis. Habang tumatagal, mas kapansin-pansin ang dalas ng pag-ihi, pagbabago ng lakad, at para sa iba, pagmamanas ng paa.
Ang pamamanas ng paa ay isa sa epekto ng pagbubuntis na kadalasang idinadaing ng mga buntis. Subalit bakit nga ba ito nangyayari, at kailan dapat maalarma kapag nangyari ito?
Talaan ng Nilalaman
Sanhi ng pamamanas ng paa ng buntis
Ang pagtaas ng hormones na progesterone sa ating katawan ang pangunahing dahilan ng pamamanas sa unang trimester ng pagbubuntis.
Pinapabagal kasi nito ang digestion kaya parang nagiging bloated ang hitsura natin at napapansin na lumalaki ang ilang parte ng katawan gaya ng mga kamay, paa at mukha.
Pagdating naman ng ikalawang trimester, nagiging mas kapansin-pansin na ang pamamanas ng paa lalo na sa ika-5 buwan ng pagbubuntis.
Ito ay dahil sa pagdami ng dugo at fluids sa katawan ng babae. Ayon sa mga pag-aaral, dumarami ng halos 50 porsiyento ang dugo ng isang babae habang siya ay nagbubuntis.
Gayundin, mas matagal ang fluid retention sa ating katawan dahil pa rin sa hormones. Pero hindi naman ito masyadong masama dahil ang pamamanas ay senyales din na lumalambot ang ating katawan at naghahanda para sa panganganak.
Halatang-halata na ang pamamanas ng paa ng buntis pagdating ng huling trimester dahil sa pagbaba ng uterus kaya mas nahihirapang dumaloy ang dugo mula sa puso papunta sa mga paa.
Narito pa ang ilang posibleng sanhi ng pamamanas sa paa:
- mainit na panahon
- hindi balanseng diet (maaring sobra sa sodium o kulang sa potassium)
- pag-inom ng caffeine
- kakulangan sa pag-inom ng tubig
- pagtayo ng matagal
Pamamanas sa paa ng buntis – kailan dapat mag-alala?
Bagama’t ang pamamanas ay karaniwan sa mga buntis, mayroon namang mga pagkakaton na sintomas na pala ito ng mas malalang kondisyon o komplikasyon.
Isa sa mga kondisyong ito ang pre-eclampsia. Ito ay ang pagkakaroon ng mataas na blood pressure habang nagbubuntis na maaaring magdulot ng komplikasyon sa mag-ina.
Kaya naman kumonsulta kaagad sa iyong doktor kapag ang pamamanas ng iyong paa ay sinasamahan ng mga sumusunod na sintomas:
- biglaang pamamaga ng iyong mga kamay, paa, mukha at paligid ng mata
- matinding pamamaga ng mga paa
- pagkahilo at paglabo ng paningin
- matinding sakit ng ulo
- pagkalito o wala sa sarili
- hirap sa paghinga
Kung napapansin mo naman na isang binti mo lang ang namamaga at nakakaranas ka ng panankit, pamumula o init sa bahaging ito ng katawan, maaring mayroon kang deep vein thrombosis, o DVT.
Ito ay ang blood clot sa mga veins ng iyong mga binti. Mahalagang kumonsulta ka agad sa iyong OB-GYN kapag napansin ang mga ganitong sintomas dahil mas mataas ang posibilidad ng mga buntis na magkaroon ng DVT.
Kung hindi ka sigurado kung normal lang ba ang nakikitang maga sa iyong paa, mas mabuting tanungin ang iyong doktor upang masuri ito at mabigyan ka ng tamang gamot para sa pamamanas ng paa.
Mga natural na paraan at gamot sa pamamanas ng paa ng buntis
1. Bawasan ang iyong sodium intake.
Isa sa mga paraan upang maibsan ang pamamanas o pamamaga ng paa ay sa pamamagitan ng paglilimita ng pagkaing maaalat. Tulad ng mga canned o processed foods na may mataas na sodium content.
Iwasan din ang paglalagay ng dagdag na asin sa mga pagkain para magkalasa. Sa halip ay gumamit ng mga savory herbs tulad ng rosemary, thyme at oregano.
2. Dagdagan ang potassium intake.
Ang kakulangan sa potassium ng katawan ay isa ring dahilan kung bakit nararanasan ang pamamaga o pamamanas. Dahil sa ang potassium ay nakakatulong upang mabalanse ng katawan ang fluid na mayroon ito.
Sa mga buntis ang pagdadagdag ng potassium intake ay magagawa sa tulong ng mga prenatal vitamins na may taglay nito. O kaya naman ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa potassium tulad ng patatas, kamote, saging, spinach at yogurt.
3. Limitahan o bawasan ang caffeine intake.
Ang pag-inom ng labis na kape o inuming nagtataglay ng caffeine ay masama sa pagdadalang-tao. Ito ay nagdudulot din ng pamamanas. Sapagkat ang caffeine ay isang diuretic na nagiging dahilan upang mas madalas na maihi ang isang tao at mag-retain ng tubig ang katawan.
Kaya naman kung maaari ay dapat muna itong iwasan ng isang buntis. Sa halip ay uminom ng decaf coffee na may gatas o herbal tea bilang alternatibo.
4. Uminom ng mas maraming tubig.
Ang dehydration ay isang dahilan din upang mag-retain ng tubig ang katawan. Kaya naman para maiwasan ito, ugaliing uminom ng mas maraming tubig.
Rekomendasyon ng mga health expert, subukang uminom ng hanggang sa 10 baso ng tubig sa isang araw upang mailabas ang mga dumi sa katawan at manatiling hydrated.
5. I-elevate o itaas ang iyong paa sa tuwing nagpapahinga.
Para ma-drain ang mga fluid na naipon sa iyong paa sa buong maghapon, itaas o i-elevate ito sa tuwing mauupo o magpapahinga. Pero hindi nangangahulugan ito na dapat lang maupo palagi. Dapat ay naglalakad-lakad din o nanatiling active para maihanda ang iyong katawan sa pagdating ni baby.
6. Magsuot ng maluluwag at komportableng damit pang ibaba.
Ang pagsusuot ng masisikip na damit pang ibaba tulad ng tight-fitting jeans ay maaaring makadagdag sa pamamaga o pamamanas ng iyong paa.
Kaya naman mabuting iwasan ito at magsuot ng mga damit na magpapanatili ng maayos na pagdaloy ng dugo tulad ng mga maluluwag ngunit komportable damit gaya ng maxi maternity dress para sa mga buntis.
7. Panatilihing cool ang pakiramdam o katawan.
Ang init ng panahon at katawan ay maaari ring makapagdagdag sa pamamaga o pamamanas. Kaya naman dapat ay panatiliing presko lang ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga maiinit na lugar at pagsasagawa ng vigorous na exercise.
8. Magsuot ng high-waist compression socks o stockings.
Ang mga compression socks o stockings ay nakakatulong upang bahagyang mapiga ang iyong binti na nagiging dahilan upang mapanatili ang pagsi-circulate ng tubig o dugo rito. Sa ganitong paraan ay mas naiiwasan ang pamamaga o pamamanas ng paa.
Ngunit dapat ang susuoting compression socks o stockings ay high-waist at hindi lagpas lang sa iyong tuhod. Dahil kung knee-high lang ang stockings ay masikip ito sa isang bahagi ng binti na maaaring mas magpalala pa ng pamamaga.
9. Maglakad-lakad.
Ang paglalakad-lakad ang pinakaligtas na uri ng exercise sa mga buntis. Ito rin ay nakakatulong para ma-improve ang blood circulation ng katawan.
Sa mga buntis, ang 5-10 minuto ng paglalakad-lakad dalawang beses sa isang araw ay malaking bagay na.
10. Magsuot ng komportableng sapatos.
Maliban sa mas ligtas ang pagsusuot ng komportableng sapatos kumpara sa high heels kapag buntis ay mayroon din itong maidudulot na benepisyo.
Dahil sa ang komportable at well-fitting shoes ay nakakatulong rin upang maiwasan ang pamamaga o pamamanas ng paa kapag nagdadalang-tao.
11. Paglangoy o pagbabad sa tubig.
Maraming buntis ang nagsasabing naiibsan ang pamamanas ng kanilang paa sa tuwing sila ay nasa pool. Nakakatulong rdin ito para gumaan ang pakiramdam at ma-exercise.
Ang kailangan lang ay siguruhing nakalubog sa tubig ng hanggang sa iyong leeg upang maiwasan ang labis na pressure sa iyong tiyan.
12. Magpamasahe.
Ang pagmamasahe ng paa ay isang paraan din upang mag-circulate ang fluids o dugo rito. Kung may oras ang iyong asawa ay mainam na paraan din ito upang makapag-bonding kayo at mas maging involve sa iyong pagdadalang-tao.
13. Pagtulog sa iyong left side.
Ayon sa mga health expert, ang pagtulog ng nakatagilid paharap sa kaliwa ay nakapag-improve ng blood flow. Kaya naman isang ligtas at natural na gamot sa pamamanas ng paa rin ito sa mga buntis.
14. Pagbabad sa iyong paa sa Epsom salt.
Ang pagbabad o paglulubog sa iyong paa sa maligamgam na tubig na may Epsom salt ay isang paraan din upang maibsan ang pamamanas.
Para magawa ito ay kumuha ng palanggana na kakasya ang iyong paa. Lagyan ito ng maligamgam na tubig na mayroong ½ cup ng Epsom salt. Ibabad dito ang iyong mga paa sa loob ng 15 minuto. Sa ganitong paraan ay magiginhawaan ang paa mo at maiibsan ang pananakit at pamamanas nito.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- Gamot sa pamamanas ng paa habang buntis na dapat mong malaman
- Pamamaga ng paa: Sanhi, gamot, at home remedy para dito
- Maja Salvador sa nalalapit na pagpapakasal: “I'm scared.”
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."