8 paraan para maiwasan ang pamamanhid ng kamay at daliri

Kung ikaw ay nakararanas ng pamamanhid ng kamay at madalas mabitawan ang mga dala-dala, maaaring ikaw ay mayroong Carpal Tunnel Syndrome. Alamin dito kung ano ito!

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang Carpal Tunnel Syndrome ay nagdudulot ng pamamanhid ng kamay sanhi ng pagkaipit ng ugat na tinatawag na median nerve. Matatagpuan ang median nerve sa wrist o sa pulsuhan.

Carpal Tunnel Syndrome: Sanhi ng pamamanhid ng kamay at daliri

Larawan mula sa Freepik

Ang pamamanhid ng kamay at daliri o carpal tunnel syndrome in English ay sakit na dulot ng labis na paggamit o labis na pagod ng kamay. Kilala rin ang karamdaman na ito sa tawag na median nerve entrapment o median nerve compression.

Ano nga ba ang sanhi pamamanhid ng kamay at daliri?

Dulot ito ng compression o pagkaipit ng ugat na tinatawag na median nerve sa bahagi ng wrist o pulsuhan.

Kabilang sa mga sintomas nito ay ang pakiramdam na tila may tumutusok-tusok sa iyong palad at mga daliri, burning sensation, pangangati at pamamanhid ng palad at mga daliri sa kamay, lalo na ng hinlalaki at index finger.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Maaaring maramdaman ang mga sintomas na ito tuwing gabi o pagkagising sa umaga. Makakaramdam ng pangangailangang iwasiwas o i-shake out ang mga kamay pagkagising.

Maaari ring magising sa kalagitnaan ng pagtulog dahil sa dulot na discomfort ng pamamanhid ng kamay. Puwede ring maging dahilan ang pamamanhid ng kamay dulot ng carpal tunnel syndrome sa pagkabitaw sa mga bagay na hinahawakan o dala-dala.

Maaaring maapektuhan ng carpal tunnel syndrome ang isa o dalawang kamay. Mas pangkaraniwan ang kondisyong ito sa mga babae kaysa sa mga lalaki.

Kung hindi malalapatan ng angkop na paggamot ang pamamanhid ng kamay, maaari itong makaapekto sa kalidad ng buhay ng isang tao.

Puwedeng lumala ang damage ng median nerve na naipit. Maaari itong humantong sa permanenteng pamamanhid ng mga daliri sa kamay, at permanenteng paghina ng muscles na konektado sa nasabing ugat.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Maaaring magkaroon ng CTS dahil sa iba’t ibang rason. Pero ang pinakakaraniwang sanhi nito ay ang madalas na paggamit ng wrist motion o madalas na pwersa sa paggalaw ng pulsuhan, kapag na-expose sa vibration, o sa madalas na paggamit ng mga daliri. Halimbawa ay sa madalas na pagtipa sa computer.

Narito pa ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng pamamanhid ng kamay at daliri dulot ng CTS:

  • paulit-ulit na paggamit ng vibrating hand tools
  • dahil sa fluid retention sa pagbubuntis
  • inflammatory, degenerative, at rheumatoid arthritis
  • hypothyroidism o underactive thyroid
  • diabetes
  • physical trauma tulad ng dislocation o fracture sa bahagi ng pulso
  • lesions sa wrist
  • cyst o tumor sa carpal tunnel
  • overactive pituitary gland
  • ano mang uri ng pamamaga o inflammation sa tendons

Karaniwang naapektuhan ng sakit na ito ang mga sumusunod:

Larawan mula sa Shutterstock

  • mga magbubukid lalo na kung naggagatas sa mga baka at kalabaw
  • mga manggagawang gumagamit ng air-powered hand tools
  • check-out cashiers na gumagamit ng laser scanners
  • mga hardinerong nagbubunot ng damo gamit lang ang kamay
  • ang mga nagtratrabaho sa opisina na madalas gumamit ng mouse at keyboard ng computer.
  • mga musician na gumagamit ng stringed instruments
  • stablehands, mga pintor, at karpentero
  • factory, farm, at mechanical workers na nagsusuot ng masisikip na gloves
  • mga mekanikong gumagamit ng screw drivers
  • mga pintor na madalas gumamit ng spray gun
  • poultry o meat processing workers na nagde-deboning at cutting

Subalit, hindi naman lahat ng nagtratrabaho sa mga nasabing gawain ay maaaring magkaroon ng CTS. Mas mataas ang tiyansang magkaroon nito ang mga sumusunod:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • mga babae
  • mga nasa edad 40-60 taon.
  • obese
  • buntis ngunit mawawala rin naman ito matapos manganak.
  • Mga taong may diabetes at metabolic disorders

Ano ang carpal tunnel?

Ang carpal tunnel ay ang makipot na canal o tube sa pulsuhan. Pinag-uugnay ng median nerve at tendons sa carpal tunnel ang mga kamay at forearm. Mayroong iba’t ibang bahagi ang carpal tunnel.

Mayroon itong carpal bones na siyang bumubuo sa ibaba at gilid na bahagi ng tunnel. Nakaporma ito nang semi-circle. Sa taas naman ng tunnel ay matatagpuan ang strong tissue na tinatawag na ligament. Ito ang nagho-hold sa tunnel.

Samantala, sa loob ng tunnel matatagpuan ang median nerve at tendons. Ang median nerve ang responsable sa pagbibigay ng pakiramdam sa mga daliri maliban sa hinliliit. Nagbibigay din ito ng karagdagang lakas sa base ng hinlalaki at palasinsingan.

Ang tendons naman ay rope-like structures na nagdurugtong sa muscles sa forearm patungo sa mga buto sa kamay. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa nating ibaluktok ang mga daliri.

Gamot sa pamamanhid ng kamay at daliri

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Larawan mula sa Freepik

Kung hindi naman malala ang sintomas na nararanasan, posibleng gumaling din ang pamamanhid ng kamay at daliri makalipas ang ilang buwan, lalo na kung maiiwasan ang repetitive movements na maaaring magdulot ng CTS.

Samantala, mayroong nonsteroidal anti-inflammatory drugs tulad ng aspirin at ibuprofen ang maaaring gamiting gamot sa short-term pain na dulot ng pamamanhid ng kamay.

Puwede ring irekomenda ng doktor ang corticosteroids para mabawasan ang pamamaga ng kamay. Maaari itong i-inject direkta sa wrist o pulsuhan, o kaya naman ay inumin orally.

Kung epektibo ang corticosteroids sa pasyente pero bumalik din ang sintomas makalipas ng ilang buwan, maaaring irekomenda ng doktor na mag-take ulit ng isa pang dose.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Subalit, hindi ito pwedeng gawin nang matagal na panahon dahil maaaring magkaranas ng side effects mula sa nasabing gamot.

Sa kabilang banda, para sa mga malalang kaso ng pamamanhid ng kamay, pwedeng irekomenda ng iyong doktor na sumailalim ka sa surgery. Maaaring isagawa ito kung hindi epektibo ang mga gamot at tumagal na ng anim na buwan ang mga sintomas.

Mayroong dalawang uri ng carpal tunnel surgery:

  • Open release surgery – ito ay tradisyunal na paraan ng CTS surgery. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng paghiwa sa pulsuhan at pagputol sa carpal ligament upang mapalaki ang carpal tunnel.
  • Endoscopic surgery – isinasagawa ito sa pamamagitan ng paghiwa sa wrist at palad at papasukan ng maliit na camera ang pulsuhan. Titingnan ng surgeon ang tendons at ligaments at puputulin ang carpal ligament.

Makatutulong ang surgery para bumuti ang pakiramdam ng kamay na apektado ng CTS. Subalit ilang buwan ang dapat hintayin bago tuluyang gumaling at makarecover. Pwede ring tumagal ng ilang buwan bago bumalik sa normal ang lakas ng iyong kamay at kakayahan nitong kumapit.

Maaari ring makaranas ng mga pangkaraniwang side effects ng surgery tulad ng: impeksyon, nerve damage, at pananakit sa paligid ng sugat o pilat. Mahalagang kumonsulta agad sa doktor kapag nakaranas ng side effects lalo na kung ito ay impeksyon matapos ang surgery.

Paano nada-diagnose ang CTS?

Bago malapatan ng tamang paggamot sa pamamanhid ng kamay at daliri, mahalagang magpakonsulta sa doktor. Ipaalam sa iyong health care provider ang mga sintomas na nararanasan pati na rin ang iyong medical history.

Pagkatapos itong malaman ng doktor, maaaring irekomenda nito ang pagsailalim mo sa mga eksaminasyon para matiyak kung CTS nga ang dahilan ng pamamanhid ng kamay at mga daliri.

Ilan sa mga test na maaaring gawin:

X-ray

Kapag nakitaan ng senyales ng arthritis o trauma ang iyong pulsuhan o wrist puwedeng i-order ng doktor na magpa x-ray ka sa pulsuhan. Gayundin naman kung nahihirapan kang igalaw ang pulsuhan.

Tinel’s sign

Tatapikin ng doktor ang iyong median nerve upang malaman kung nagpro-produce ng tingling sensation sa mga daliri ang paggalaw sa nerve.

Electromyography (EMG)

Uri ito ng nerve conduction studies kung saan ay titingnan kung nagfufunction ban ang maayos ang median nerve. Susuriin kung gaano ito kabisa sa pagkontrol sa muscle movement.

Phalen test

Tinatawag din itong wrist flexion test. Uutusan ng doktor ang pasyente na ilapag sa mesa ang mga siko at braso habang hahayaang nakalupaypay ang pulsuhan at mga kamay. Kung mayroong carpal tunnel syndrome ang pasyente, makararamdam ito ng pamamanhid at pakiramdam na tila may tumutusok-tusok sa mga daliri sa loob lamang ng 60 minuto. Kung gaano kabilis na naramdaman ang sintomas ay ganoon din kalala ang CTS na dinaranas.

Mga home remedy sa pamamanhid ng kamay

Larawan mula sa Pexels kuha ni Kindel Media

Maaari rin namang makatulong ang mga sumusunod na hakbang para maibsan ang pananakit at pamamanhid ng kamay at mga daliri. Narito ang mga home remedy na maaari mong subukan:

  • Ipahinga ang mga kamay at pulsuhan
  • Apply cold compress. Lagyan ng ice pack ang iyong wrist, makatutulong ito para maibsan ang pamamanhid at ang pakiramdam na tila may tumutusok-tusok. Tandaan lang na huwag direktang ilagay ang yelo sa iyong balat.
  • I-manage ang triggers. Kung ang ugat ng pamamanhid ng kamay ay ang repetitive hand movements, kailangang ipahinga muna ang mga kamay at bigyan ng panahong makarecover.
  • Occupational therapy. Pwede kang turuan ng therapist kung paano gawin ang isang repetitive task sa ibang paraan na hindi magdudulot ng damage sa carpal tunnel.
  • Pagsusuot ng wrist splints. Makatutulong ito para mapanatili ang wrist sa isang posisyon at maiwasan na ito ay ma-bend. Pwede itong suotin habang natutulog, maaari din namang gamitin tuwing waking hours hangga’t hindi nakakaabala sa mga pang araw-araw na gawain. Nakabibili ng wrist splints sa over-the-counter sa mga pharmacy.
  • Iwasan ang mga activity na nagrerequire ng extreme na pagbaluktot ng pulsuhan. Hangga’t maaari ay panatiling neutral ang posisyon ng iyong wrist.
  • Makatutulong ang pagsusuot ng fingerless gloves at paggamit ng hand warmers. Ang maligamgam na temperatura ay makatutulong para maibsan ang pamamaga at pananakit.
  • I-elevate ang iyong mga braso at pulsuhan ano mang oras na maaari itong gawin. Makakatulong ito lalo na kung pregnancy, fractures, o iba pang isyu sa fluid retention ang sanhi ng carpal tunnel syndrome mo.

Paano maiiwasan ang pamamanhid ng kamay

Larawan mula sa Pexels kuha ni Towfiqu Barbhuiya

Narito ang mga dapat tandaan para maiwasan na magkaroon ng carpal tunnel syndrome:

  1. Iwasang ma-overbend ang wrist
  2. Iwasan ang mahigpit na pagkakahawak sa mga tools kung gagawa ng manual tasks
  3. Ituwid ang mga pulsuhan tuwing nagtratrabaho at natutulog
  4. Panatilihin ang tamang postura upang maiwasan ang hindi kinakailangang pressure sa pulsuhan at mga kamay
  5. Magpahinga o magkaroon ng breaks tuwing gumagawa ng routine tasks o mga gawaing paulit-ulit
  6. Ayusin ang workstation upang maiwasan ang hindi natural na wrist position
  7. Iwasan ang paulit-ulit na pag-flex at pagbanat ng wrists.
  8. Gamutin ang underlying conditions. Halimbawa ay magkaroon ng good glucose management upang maiwasan ang komplikasyon dulot ng diabetes.

Maaari ring mag-yoga o magsagawa ng hand movement exercise at massages. Subalit walang sapat na pag-aaral na nagpapatunay na epektibo ito para maibsan ang pamamanhid ng mga kamay.

Bitamina para sa pamamanhid ng kamay

Makatutulong ang pag-inom ng bitamina tulad ng vitamin B complex para maibsan at maiwasan ang pamamanhid ng kamay. Mahalagang magpakonsulta sa iyong doktor para malaman kung anong bitamina ang mairerekomenda nito para sa pamamanhid ng kamay.

Iba pang kondisyon na maaaring magdulot ng pamamanhid ng kamay at daliri

Hindi lang carpal tunnel syndrome ang kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit at pamamanhid ng kamay. Mayroong iba pang medical condition na ‘di gaanong pangkaraniwan.

Kaya naman, mahalagang magpatingin sa doktor kung nakararanas ng pananakit at pamamanhid ng kamay at daliri. Sa pamamagitan nito, mas makakatitiyak na tama ang paggamot na gagawin sa karamdaman.

Narito ang ilan pa sa mga posibleng sakit na sanhi ng pamamanhid ng kamay:

Arthritis

General term ito na tumutukoy sa mga kondisyon na nagdudulot ng pamamanhid at pamamaga ng mga kasukasuhan o joints. Maaari itong makaapekto sa lahat ng joints sa katawan kabilang na nga ang pulsuhan at mga daliri. Nagdudulot ito ng hindi magandang pakiramdam sa at puwedeng humantong sa pagbreakdown ng mga joints.

De Quervains tendinosis

Kondisyon naman ito kung saan ay nakararanas ng pamamaga ng pulsuhan at base ng hinlalaki. Nagdudulot ito ng masakit na pakiramdam tuwing kinukuyom ang mga kamay. O kaya naman kapag nakikipagkamay o handshake.

Trigger finger

Mararamdaman naman ang pananakit sa base ng mga daliri lalo na sa hinlalaki. Maaari ding makaranas pamamanhid sa isang daliri. 

Tandaang kapag madalas na ang pamamanhid ng kamay at paulit-ulit na itong nangyayari mas maiging magpatingin sa isang doktor. Sa gayon, malaman ang dahilan ng pamamahid ng iyong mga kamay o daliri at mabigyang solusyon ito. 

 

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Jobelle Macayan