Isang pamilyang naninirahan sa kweba nang mahigit isang dekada ang inalok ng relocation ng pamunuan ng Batangas City.
Pamilyang naninirahan sa kweba inalok ng relocation
Sa report ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, ibinahagi ni Paul Hernandez na ang isang pamilya sa Batangas ay nagsimulang manirahan sa kweba noong 2012.
Tumira sa kweba ang ama na si Rufino matapos niyang magdesisyong bumukod na sa mga anak sa naunang asawa. Nilagyan niya ng mga furniture at pininturahan ang ilang bahagi ng kweba na nagsilbing dingding ng kanilang tahanan. Sa kaniyang paninirahan sa kweba na niya nakilala ang bagong partner at doon na sila nakabuo ng pamilya.
Larawan mula sa Shutterstock
12 taon na sina Mang Rufino at ang kaniyang pamilyang naninirahan sa kweba. Nais man niyang mabigyan ng mas maayos na tirahan ang kaniyang pamilya ay wala naman daw siyang pera.
“Wala naman akong maiuupa eh. Dahil may pamilya ako, gusto ko ‘yung aking anak, maialis ko rito. Mabigyan ako ng sasabihing bahay na kwan. Masaya na ako na ang anak ko’y maililipat ko,” ani Mang Rufino.
Sa interview ng GMA News sa city engineer na si Dwight Arellano, ipinaliwanag nito na dapat umanong livable ang lugar upang masiguro ang kaligtasan ng pamilya.
“Dapat po livable siya. Ibig sabihin may bintana, may pintuan, may supply ng facilities ng tubig, malinis na tubig, may kuryente po. Hindi natin sigurado ang bato o lupa na pumapaloob doon sa area na ‘yun.”
Larawan mula sa Shutterstock
Nang malaman ng city government ng Batangas City ang kalagayan ng pamilyang nakatira sa kweba, nag-alok ito ng housing project upang ma-relocate ang pamilya.
Ngunit nakadepende pa rin naman daw ito sa pamilyang irerelocate. Dahil ayon kay Batangas City Social and Welfare Development Office Head Hiyasmin Candava, dapat pa ring alam ng mga taong ililipat kung okay ba sa kanila ang gagawing relocation.
Saad ni Candava, mayroon na silang ini-reserbang unit para sa pamilya ni Mang Rufino. Hinihintay na lang nila ang desisyon ng mga ito para masimulan na ang pagsasaayos ng relocation.
Kaya lamang, umaasa si Mang Rufino na baka sakaling mayroong housing project na malapit lamang sa kanilang kasalukuyang tirahan. Para umano hindi mapalayo ang kaniyang mga anak kung saan nag-aaral ang mga ito.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!