Pampahaba ng buhay ng mga lalaki? Ang pagkakaroon ng anak na babae. Ito ang natuklasan ng isang pag-aaral na isinagawa ng Jagiellonian University.
Pampahaba ng buhay ng mga magulang
Maliban sa sayang idinudulot sa ating mga magulang, ang pagkakaroon ng anak ay malaki nga talaga ang nagiging impact sa ating buhay. Patunay nga rito ang natuklasan ng isang pag-aaral na isinagawa ng Karolinska Institute sa Stockholm, Sweden.
Ayon sa pag-aaral, ang mga babae at lalaking may anak ay mas mahaba ang buhay kaysa sa mga ka-edaran nilang walang anak. Ito ay natuklasan matapos i-analyzed ang data ng 1.4 million na lalaki at babae. Lahat ay mula sa Sweden na isinilang sa pagitan ng taong 1911 at 1925.
Natuklasan ngang ang mga lalaking may anak ay nabubuhay pa ng 20.2 years matapos umabot ng edad na 60. Habang ang walang anak naman ay nabubuhay lang ng dagdag na 18.4 years matapos umabot sa edad na 60.
Ang mga babaeng may anak naman, matapos umabot ng edad na 60 ay kaya pang mabuhay ng dagdag na 24.6 na taon. Malayo ito sa dagdag na 1.5 years lang na buhay sa mga babaeng walang anak makalipas ang edad na 60.
Epekto ng pagkakaroon ng anak sa mga babae
Taliwas ito sa findings ng pag-aaral na isinagawa ng American Journal of Human Biology. Ayon sa kanilang pag-aaral, ang pagkakaroon ng anak mapa-babae man o lalaki ay may negatibong epekto sa buhay ng isang ina. Mas pinapaikli nga raw nito ang kanilang buhay at mas naaapektuhan ng pagkakaroon ng anak ang kanilang kalusugan.
Ayon naman sa London School of Economics behavioral science professor na si Paul Dolan ay mas masaya nga daw at successful ang mga babaeng walang anak. Ito ay kung ikukumpara sa mga babaeng may anak. Dahil mas naalagaan at nakakapag-concentrate sila sa kanilang sarili. Mas nakakaipon at mas nagagawa nila ang mga bagay na gusto nilang gawin.
Epekto ng anak na babae sa mga lalaki
Pero tila pagdating sa mga lalaki ay may positibong epekto ang pagkakaroon ng anak lalo na kung ito ay babae.
Ito ay ayon sa isang bagong pag-aaral na partikular na natukoy na pagdating sa pampahaba ng buhay ay malaki ang ginagawang epekto ng mga anak na babae sa kanilang ama.
Ang findings ay base sa isang pag-aaral na isinagawa ng Jagiellonian University. Ito ay matapos pag-aral ang data ng 4,310 na katao. Na kung saan 2,147 sa mga ito ay nanay at 2,163 sa mga ito ay tatay.
Lumabas nga sa resulta ng pag-aaral na ang bilang ng anak na lalaki ay walang epekto sa buhay ng kanilang ama. Ngunit ang pagkakaroon ng anak na babae ay kaya umanong pahabain ang buhay ng kanilang ama ng dagdag na 74 weeks. At ang dagdag na 74 weeks na ito ay katumbas ng isang anak na babae. Mas maraming anak na babae, mas mahaba umano ang naidagdag sa lifespan ng isang amang lalaki.
Positibong impact ng mga anak na babae sa kanilang ama
Isang paliwanag nga rito ay maaring dahil sa positibong impact ng mga anak na babae sa kanilang ama. Ito ay ayon sa pag-aaral na isinagawa ng mga researchers na sina Shafer at Malhotra noong 2011.
Ayon sa kanilang pag-aaral, ang pagkakaroon ng anak na babae umano ng mga lalaki ay binabago ang kanilang attitude at behavior sa buhay. Mas natutunan nilang maging sympathetic lalo na sa mga babae dahil sa kanilang anak. Kaya naman ang resulta nito ay mas nagiging disiplinado sila sa buhay na may magandang epekto sa kanilang kalusugan at kabuuang katauhan.
Iba-iba man ang ating pananaw sa pagkakaroon ng anak, dapat parin natin silang alagaan at pahalagahan. Dahil sila ay bigay ng Diyos sa atin, hindi lang upang palakihin natin ng puno ng pagmamahal. Kung hindi para turuan silang lumaking responsable sa kanilang sarili.
Source: Times of India, NCBI, The Guardian, Independent UK Psychology Today
Photo: Freepik
Basahin: 11 rason kung bakit magandang magkaroon ng kapatid ang iyong anak
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!