Pampakapit ng baby, ito ang madalas na inirerekumenda sa mga babaeng may mataas na tiyansang makunan sa unang trimester ng pagbubuntis. Pero maliban sa medication o gamot na pampakapit, may mga maaari ring gawin na natural na paraan ang buntis para masigurong healthy at matibay ang kapit ng kaniyang ipinagbubuntis na sanggol.
-
Ano ang pampakapit ng baby?
-
Paano ito nakakatulong ang pampakapit sa pagbubuntis?
-
Mga natural na pamamaraan para mas maging makapit sa sinapupunan ang sanggol
Pampakapit ng baby, ano ito?
People photo created by yanalya – www.freepik.com
Ayon sa mga pag-aaral, ang miscarriage o pagkalaglag ng ipinagbubuntis na sanggol ay nararanasan ng 15-20% ng pagbubuntis. May iba’t ibang dahilan kung bakit nangyayari ito. Maaaring dahil sa chromosomal abnormalities ng sanggol. O kaya naman sa health condition ng kaniyang ina na nakakaapekto para maging malusog ang pagbubuntis niya.
Tulad nalang ng diabetes, hypertension o autoimmune diseases. Anuman ang dahilan, ang mga threat na ito sa pagbubuntis, hangga’t maaari ay pinipigilang makaapekto sa pagdadalang-tao sa tulong ng iba’t ibang paraan. Isa na nga rito ang pagbibigay ng pampakapit ng baby. Lalo na sa unang trimester ng pagbubuntis na pinakamataas ang tiyansa ng miscarriage.
Ayon sa OB-Gynecologist na si Dr. Ramon Reyles, at Chairperson ng Department of OB-GY, Makati Medical Center sa oras na makaranas ng sintomas ng miscarriage ang isang buntis tulad ng cramping at bleeding sa unang trimester ng pagdadalang-tao, ang pagbibigay ng pampakapit ng baby agad ang inirerekumendang paraan para maiwasan o mapigilan ito.
“If you have cramps o parang dysmenorrhea-like pain sa puson early in pregnancy, that is considered threatened abortion o namimiligrong pagbubuntis. Lalo na kung mayroong bleeding.
‘Yong lower abdominal cramping ‘tsaka bleeding ay signs of threatened abortion. We always presume o hindi natin tinitingnan na chromosomal ito kasi all pregnancies we presume normal, so we give the woman na tinatawag na pampakapit.”
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang mga sintomas ng miscarriage sa 2nd trimester ng pagbubuntis
#AskDok: Totoo po ba na nagbabawas ng dugo kapag buntis kaya may spotting?
Paano ito nakakatulong sa pagbubuntis?
People photo created by valuavitaly – www.freepik
Pahayag ni Dr. Reyles, “Pampakapit is progesterone which is produced by the ovary. Ito ‘yong nagpapaganda ng lining ng matris para sa magandang kondisyon ng implanted pregnancies. Puwede itong ibigay oral, mayroong injectable but mostly oral.”
Dito sa Pilipinas, isa sa kilala at madalas na ibinibigay ng pampakapit ng baby sa buntis ay ang Duphaston. Ito ay isang synthetic na uri ng progesterone na inirereseta sa mga babaeng may kakulangan o mababang levels ng progesterone sa katawan.
Pero maliban sa pag-inom o pagbibigay ng mga gamot na pampakapit ng baby sa buntis, may iba pang paraan na inirerekumenda si Dr. Reyles sa mga buntis para mabawasan pa ang tiyansa ng miscarriage.
“We put the woman on bed rest. Kasi nga ayaw nating matagtag ‘yong matris at mag-contract. We advise to drink lots of water to prevent the brain from secreting oxytocin na natural na pampahilab ng matris. All of these have not been proven to prevent abortion, but ito ‘yong SOP o standard operating procedure that we use with cramping or vaginal bleeding.”
Dagdag pa niya, “Mayroon kasing tinatawag na mahina ang kapit o ‘yong lining hindi ganoon ka-receptive sa implanting pregnancy. Within the given measures like pagbibigay ng pampakapit, bed rest ‘tsaka maraming tubig na-se-save sila. Especially kung hindi naman dahil sa chromosomal abnormalities ito, walang abnormalities sa loob ng matris o walang sakit ‘yong nanay. Majority of them can be saved.”
Mga natural na paraan para mas maging makapit ang ipinagbubuntis na sanggol
Maliban sa mga nabanggit na payo ni Dr. Reyles, may iba pang paraan na maaaring gawin ang isang buntis para natural na tumibay ang kapit ng ipinagbubuntis niyang sanggol. Ayon health website na WebMD, ito ay ang sumusunod:
- Pag-inom ng at least 400 mcg ng folic acid araw-araw. Mas nagiging mabisa nga umano ito kung sisimulang inumin sa isa o dalawang buwan bago pa man magdalang-tao.
- Regular na mag-exercise ngunit iwasan ang mga strenuous exercise na maaaring makasama sa pagbubuntis.
- Umiwas sa mga sports o activities na maaring magdulot ng mataas na risk ng injury sa pagbubuntis. Tulad ng mga contact sports gaya ng football.
- Sa tuwing babiyahe ay laging mag-seatbelt.
- Kumain ng masusustansiyang pagkain.
- Panatilihin ang malusog na timbang.
- Umiwas sa stress hangga’t maaari.
- Huwag manigarilyo at umiwas sa second hand smoke.
- Iwasan din ang pag-inom ng alak at limitahan ang pag-inom ng kape o kahit anong caffeinated beverages sa isa hanggang dalawang tasa lang sa isang araw.
- Huwag gumamit ng ipinagbabawal na gamot o illegal na droga.
- Siguraduhing nakakukuha ng vaccine o immunizations na proteksyon laban sa mga sakit.
- Umiwas sa radiation at mga poisonous chemicals tulad ng arsenic, lead, formaldehyde, benzene, at ethylene oxide.
- Umiwas sa mga environmental hazards tulad ng X-ray at mga nakakahawang sakit.
- Bago uminom ng kahit anong gamot o medikasyon ay magtanong muna sa iyong doktor.
People photo created by yanalya – www.freepik.com
Mahalagang paalala
Bagama’t may mga pagkakataon na hindi natin kontrolado, may magagawa naman tayo para matulungan ang ating katawan na mas maging malakas para sa pagdadalang-tao. Isang mahalagang paalala lang ng mga eksperto na sa kahit anumang stage ng pagbubuntis, sa oras na makaranas ng pagdurugo o pananakit sa tiyan ay huwag mag-alinlangan na magpunta agad sa doktor. Ito ay upang maagapan o agad malunasan ang posibleng dahilan nito at hindi makaapekto sa iyong pagdadalang-tao.
Source: WebMD , The AsianparentPH
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.