Marami sa mga lalaki ang hindi kuntento sa laki ng kanilang ari. Ito ay kadalasang pangunahing sanhi ng mababang self-esteem sa kanila. Dahil sa paghahangad na magkaroon ng mas malaking ari, marami ang sumusubok ng iba’t ibang paraan para masolusyonan ito. Subalit, babala ng mga urologist na hindi ito maganda sa katawan at maaaring magdulot ng komplikasyon.
Makikita sa kasaysayan
Ayon sa sociologist mula sa University of the Philippines-Diliman na si Nestor Castro, karaniwan ito sa mga kalalakihan. Matagal na itong nagsimula at hindi lamang bagong konsepto sa mga Pilipino. Sa katunayan, may mga pruweba nito bago pa ang pagkakatuklas ng Pilipinas. Mababasa sa mga sinaunang dokumento ang iba’t ibang paraan ng mga Pilipino para magpalaki ng ari. May ilan na naglalagay ng bakal o kaya naman ay ivory bago makipagtalik.
Ginagawa ito ng mga kalalakihan sa pag-aakala na kailangan nila ng masmalaking ari para mapasaya ang kanilang mga asawa. Subalit, karaniwan ay dulot lamang ito ng peer pressure at hindi ito ang talagang hinihiling ng kanilang mga asawa.
Itinakwil ng medical practice
Dahil sa kagustuhang magpalaki ng ari, ang ilan ay nag-iinject ng mga oil-based products sa kanilang mga ari. Sa kwento ng urologist na si Edwin Vizmonte, ito ay isang kagawian nuong 1800’s. Ginagamit ang mga oil-based products tulad ng petroleum jelly para sa mga kosmetikong layunin.
Subalit, napag-alaman nuong 1900’s na hindi ito maganda sa katawan. Ito ay maaaring magdulot ng iba’t ibang komplikasyon at ito ay itinakwil ng medical practice.
Kabilang sa mga epekto nito ay ang pagkakaroon ng pamamaga na tinatawag na granuloma formation. Ito ang pagmumuo ng laman sa paligid ng pinagturukan o lipogranuloma. Nangyayari ito dahil kinikilala ng katawan ang oil-based product bilang foreign object. Nagkakaroon ng reaksyon ang katawan na kailangan nitong protektahan ang sarili mula sa itinurok.
Bukod dito ay maaari ring magdulot ng iba pang problema ang pagturok ng pampalaki ng ari.
Pananakit at pagsisisi
Ang 31 taong gulang na si Ramer, isang security guard, ay nagturok ng baby oil sa kanyang ari sa kagustuhang mapalaki ito. Nadala siya ng pag-udyok ng mga kaibigan na marami narin ang nagsagawa ng procedure. Subalit, matapos itong isagawa ay nagsisi si Ramer. Siya ay nahihirapan sa pagiging sensitibo ng kanyang ari na minsan pa ay nagigising siya sa dahil sa biglang pagsakit nito. Nang ipasuri niya ito, nalaman niya na nabubulok na ang bahagi ng kanyang ari.
Ang katrabaho naman ni Ramer na si Rolando ay kabaliktaran pa sa kagustuhan ang nangyari. Bukod sa pananakit na hindi nawala simula nang maturukan siya, ayon kay Rolando ay bumaluktot pa at lumiit ang kanyang ari.
Iba naman ang nangyari kay Junrell na isang factory worker. Nagkaroon ng mga sugat ang kanyang ari. Lumaki nang husto ang mga sugat na ayon kay Junrell ay akala niyang magiging dahilan ng pagputol nito.
Ilan lamang ito sa mga naging halimbawa ng panganib ng pagturok ng pampalaki sa ari. Ang ilan sa kanila ay nanatili ang mga asawa dahil hindi mahalaga sa kanila ang laki ng ari. Habang ang iba naman ay iniwan ng kanilang asawa o kasintahan. Ayon sa kanila, ang mahalaga ay ang pagmamahal at commitment, hindi ang laki ng ari.
Source: GMA News Online
Basahin: Hindi pagtu-toothbrush, nakaka-apekto sa ari ng lalaki