6 na pagkain na dapat iwasan kainin ng bata kung nais siyang tumangkad
Naghahanap ka ba ng pampatangkad na pagkain para sa iyong anak. Siguraduhing huwag silang sumosobra sa pagkain ng mga ito.
Gusto mo bang maging 6-footer ang iyong anak? Alamin rito kung ano ang mga pampatangkad na pagkain pati na rin ang mga pagkaing dapat iwasan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano tumangkad? May kinalaman ba ang nutrisyon rito?
- Mga pagkaing dapat iwasan kung gustong tumangkad
- Mga pampatangkad na pagkain at bitamina
Naalala mo pa ba noong bata ka pa at sinasabi ng nanay mo na hindi ka tatangkad kung umiinom ka ng kape? Naisip mo ba kung mayroong katotohanan ang paniniwalang ito?
Hindi maikakaila na mayroon talagang benepisyo ang pagiging matangkad. Dito sa Pilipinas, may mga trabaho na may “minimum height requirement” o dapat umabot sa hinihinging height ang isang tao para matanggap siya sa trabaho. Gayundin, mas kapansin-pansin sa sports ang mga batang matangkad.
Pero paano nga ba tumangkad? Ano ba ang mga bagay na nakaka-impluwensiya rito?
Paano tumangkad?
May iba’t ibang bagay na maaring maka-apekto sa height ng isang tao, subalit ang nangunguna rito ay ang kaniyang DNA o genetics. Ayon sa mga pag-aaral, 80% ng height ng isang tao ay may kaugnayan sa kaniyang genetics.
Kaugnay nito, pwede ring maka-apekto ang ethnic backgroung ng isang tao. Ito ang dahilan kung bakit matangkad na ang height na 6’0 para sa isang Pilipino o mula sa Asya, habang normal lang ito kung ikaw ay nagmula sa Amerika o Europe. Muli, ito ay naaayon sa DNA ng isang tao.
Kaya naman masasabing kapag matangkad ang mag-asawa, o matangkad ang isang tao, mas malaki ang posibilidad na magiging matangkad din ang kaniyang mga anak.
Kung ganoon, may papel pa rin ba ang nutrisyon sa pagtangkad ng isang bata? OO. Ito ay dahil kailangan ang tamang nutrisyon upang maabot ng iyong anak ang kaniyang maximum height potential.
Kung minsan, mapapansin mo na mabagal ang pagtangkad ng iyong anak kumpara sa ibang batang kaedad niya. Posibleng mayroong stunting na nagaganap.
Ayon sa World Health Organization, inilalarawan ang stunting kapag ang height ng isang bata ay kulang ng dalawang level sa inaasahang taas para sa kanilang edad. Para sa karagdagang impormasyon tungkol diyan, basahin rito.
Kadalasan, ang nagiging dahilan ng pagbagal ng paglaki ng isang bata ay kakulangan sa nutrisyon, madalas na pagkakasakit o infection, at kakulangan sa psychosocial stimulation.
Sa katunayan, tinatayang 159 milyong kabataan ang nakakaranas ng stunting dahil sa malnutrisyon. At tandaan na ang malnutrisyon ay hindi lang dulot ng kakulangan sa pagkain, kundi kakulangan sa mga nutrients o sustansiya na kailangan ng katawan upang lumaki at magkaroon ng proper development.
Pagdating naman sa puberty stage ng ating mga anak, maari ring maka-apekto ang kaniyang pagkain sa kaniyang paglaki. Ayon sa mga pag-aaral, kapag overweight o obese ang isang batang lalaki, mas nahuhuli ang pagsisimula ng puberty kaya bumabagal ang kaniyang pagtangkad.
Iwasan ang mga pagkaing ito kung gusto mong tumangkad ang iyong ana
Bukod sa kakulangan ng mga nutrients na nakukuha sa masusustansyang pagkain, mayroon ring mga pagkain na nakakabagal sa pagtangkad, kung sobra-sobra nito ang kakainin. Narito ang isang listahan ng mga pagkain na dapat iwasan kung gusto mong maabot ng anak mo ang maximum height potential niya.
1. Chichirya o Junk Food
Maraming rason kung bakit dapat hindi hayaang mahilig sa junk food ang iyong anak. Marahil ang isang pinaka-importante ay dahil kakaunti lamang ang nutritional value ng mga ito. Oo, masarap at pansamantalang nakakabusog ito, ngunit pinapataas nito ang risk ni diabetes at obesity.
Gayundin, sa isang bagong pag-aaral, natuklansan na ang pagkonsumo ng “ultra-processed foods” ay nakakapagpahina ng buto ng mga bata, at nahahadlangan ang tamang bone development. Para sa mga doktor, ito ay nakakaalarma dahil halos 70 porsyento ng diet ng isang bata ay ultra-processed foods.
Kaya naman kung gusto mong tumangkad ang iyong anak, siguruhing paminsan-minsan lang ang pagkonsumo niya ng mga chips at chichirya.
2. Softdrinks o Soda
Ang mga carbonated drinks ay hinahaluan ng mineral na phosphorus. Hindi naman ito nakakasama pero kapag ito’y madalas na naiinom o nakakain, maaaring makaapekto ito sa calcium sa katawan.
Ayon sa mga eksperto, ang phosphorus ay maaaring magpababa ng bone density ng mga bata. Kapag madalas kumain ng junk food o uminom ng softrinks ang bata, mas kakaunti ang pagkakataon nilang makakuha ng sapat na sustansiya.
3. Kanin
Hindi naman masama ang kanin, paborito nga natin itong mga Pilipino. Ngunit ang diet na sobra sa carbohydrates at mababa sa protein ay maaaring magpabagal sa pagtangkad ng iyong anak. Ang importante ay balanse ang diet ng iyong anak, may carbohydrates at protein, para lubusan silang tumangkad.
Bukod dito, kapag hindi nai-store nang maayos ang kanin at nanatili sa mga kulob na lugar, maari itong magkaroon ng molds o klase ng amag na tinatawag na aflatoxins. Ang kemikal na ito ay nakakagambala ng pagtangkad ng mga bata. Ang aflatoxins ay makikita rin kapag hindi nai-store nang maayos ang mga pagkain gaya ng mais, nuts at beans.
4. Soy
Mayaman sa protein ang soy, na natatagpuan sa soy milk, yogurt, at tokwa. Nakakatulong ito sa diet ng kabataan, subalit kapag sobra, nakakabagal daw ito ng pagtangkad dahil pinapahina nito ang calcium absorption. Ang calcium ay importante para sa bone development, ang pag-consume ng sobrang unfermented soy ay maaaring maging balakid din sa pagtangkad ng iyong anak.
5. Asukal
Ang mga batang mahilig sa matatamis ay karaniwang mas maliit kaysa sa mga batang hindi masyado kumakain ng matatamis ng pagkain. Tulad ng carbohydrates, pinapataas ng sugar ang insulin sa katawan, na nakakapagpatumal ng pagtangkad.
Gaya ng nabanggit, kapag overweight o obese ang isang bata, nagiging huli ang kaniyang development sa puberty, kaya bumabagal ang kaniyang pagtangkad.
Siyempre hindi naman puwedeng alisin ang sugar sa diet ng iyong anak dahil may benefits pa rin naman ito, tulad ng pagbibigay ng energy at brain health. Pero importanteng limitahan ito upang hindi sumobra sa sugar ang iyong anak.
6. Processed food
Gaya ng junk foods, ang mga processed food gaya ng hotdog, instant noodles at mga de-lata ay kabilang sa ultra-processed foods na nakakapagpabagal ng pagtangkad ng isang bata. Gayundin, ang mga processed food ay mayaman sa hydrogenated oils na nagdudulot ng obesity at sobrang timbang.
BASAHIN:
Gustong tumangkad ang anak? 5 ways na makakatulong na tumaas ang kaniyang height
Dating maliit, 6-footer na ngayon! Ito ang secret ng 15-year-old kung paano siya tumangkad
Pampatangkad na pagkain para sa iyong anak
Bukod sa mga pagkaing dapat iwasan o bawasan, syempre mayroon ring mga pagkaing siksik sa sustansiyang nakakatulong sa pagtangkad ng iyong anak.
Anong bitamina ang kailangan para tumangkad?
Para masulong ang pagtangkad, kailangan ng iyong anak ng macronutriens at micronutrients sa kaniyang diet. Ang macronutrients ay fats, carbs, at protein na nagbibigay ng enerhiya sa katawan. Samantala, ang micronutrients naman ay mga importanteng vitamins and minerals na kailangan sa mas maliliit na halaga.
Ayon sa mga pag-aaral, napakahalaga ng mga minerals na protein at zinc para mapalakas ang buto ng bata, na importante sa kaniyang pagtangkad. Sa katunayan, ang kakulangan raw ng mga ito ang madalas na nagdudulot ng stunting sa isang bata.
Mahalaga rin ang calcium at Vitamin D upang makaiwas sa mga sakit sa buto na makaka-apekto sa pag-abot ng maximum height potential na isang bata.
Idagdag na sa diet ng iyong anak ang mga pampatangkad na pagkain na ito:
-
Gatas at dairy products
Mayaman ang gatas sa protein, na siyang building blocks ng ating katawan. Ang isang tasa ng gatas ay may 7.7 grams ng protein. Samantla, ang greek yogurt at cottage cheese ay halimbawa rin ng mga pagkaing mayaman sa protein. Bukod dito, mayroon rin silang calcium at vitamin D.
-
Itlog
Ang isang pirasong itlog ay naglalaman ng 6 hanggang 7 grams ng protein. Bukod sa hitik sa protein, ang mga itlog ay isa ring magandang source ng vitamins at phosphorus.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa bansang Ecuador, ang isang pirasong itlog kada araw ay nakatulong sa mga bata na tumangkad.
-
Whole grains
Ang whole grain foods gaya ng oatmeal, wheat bread at brown rice ay mayaman sa B vitamins, magnesium, calcium, selenium, zinc at iron.
Sinasabing ang zinc at iron ay importante para lumakas ang ating buto, at ayon sa mga pag-aaral, ang magnesium ay nagpapaganda ng ating bone density. Ang kakulangan raw nito ay maaring maka-apekto sa pagproseso ng katawan sa calcium.
-
Beans
Ang beans ay maganda sa katawan dahil mababa ang fat content nito subalit mataas ang halaga ng protein, calcium, magnesium at fiber. Mayaman rin ito sa antioxidants na lumalaban sa cell-damaging free radicals.
-
Isda
Makakatulong ang pagkain ng isda sa pagtangkad dahil mayaman ito sa omega-3 fatty acids, gayundin sa iron, calcium, phosphorus, at selenium.
-
Mga prutas at gulay
Hindi mabubuo ang listahan ng pampatangkad na pagkain kung wala ang mga prutas at gulay. Ang mga ito ay siksik sa mga sustansiyang kailangan ng katawan, lalo na ang Vitamin C na kailangan para mapataas ang ating bone density.
Pampatangkad na gamot
Tanong rin ng maraming magulang, “Kailangan ba ng anak ko ng mga vitamins na pampatangkad?”
Ayon sa mga eksperto, ang pagkakaroon ng balanced diet ang importante para masigurong makukuha ng iyong anak ang lahat ng sustansyang kailangan niya para maabot ang kaniyang maximum height potential.
Subalit kung kulang ang mga mahahalagang nutrients sa diet ng iyong anak, at kung mayroon siyang kondisyon na maaring maka-apekto sa kaniyang growth hormones, kumonsulta sa kaniyang pediatrician kung anong vitamin supplements ang pwede niyang irekomenda.
Isinalin mula sa orihinal na Ingles na article na mababasa dito.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio