Habang tumatanda ang mga bata, mas nabibigyang pansin nila ang kanilang pisikal na hitsura. Isang partikular na tanong na kanilang itinatanong ay kung paano tumangkad.
Aminin man natin o hindi, mayroon talagang benepisyo ang pagiging matangkad. Dito sa Pilipinas, may mga trabaho na may “minimum height requirement” o dapat umabot sa hinihinging height ang isang tao para matanggap siya sa trabaho.
Para naman sa mga bata, nakikita nila ang kagandahan ng pagiging matangkad pagdating sa mga laro o isports na sinasalihan nila. Minsan ay nagiging paksa pa ng tuksuhan kung maliit ang isang bata kumpara sa mga batang kaedad niya.
Bilang magulang, gusto rin natin na lumaki nang maayos ang ating anak at maabot niya ang kaniyang mga pangarap nang walang pumipigil sa kaniya. Pero ano nga ba ang maitutulong natin pagdating sa pagtangkad ng isang bata?
Bago natin alamin kung anu-ano ang mga paraan na pwede nating subukan para tumangkad ang ating anak, kailangan muna nating malaman ang mga bagay na nakakaimpluwensiya sa height ng isang tao.
Mga bagay na nakakaapekto sa pagtangkad
DNA
Kung matangkad si daddy, matangkad rin ang anak | Larawan mula sa Freepik
Ang pangunahing bagay na nakakaapekto sa pagtangkad ng isang tao ay ang kaniyang DNA o genetics. Ayon sa mga pag-aaral, 80% ng height ng isang tao ay may kaugnayan sa kaniyang genetics.
Ayon sa mga scientists, mayroong mahigit 700 genes na nakakaimpluwensiya sa taas ng isang tao. Ang iba sa mga genes na ito ay nakakaapekto sa growth plates, habang ang iba naman ay tumatama sa paggawa o production ng growth hormones.
Iba-iba rin ang height range ng mga tao depende sa kanilang ethnic background. Ito ang dahilan kung bakit ang height na 6’0 ay mataas na para sa isang Pilipino o mula sa Asya, pero normal lang ito kung ikaw ay nagmula sa Amerika o Europe. Muli, ito ay naaayon sa DNA ng isang tao.
Kaya naman kapag matangkad ang mag-asawa, o matangkad ang isang tao, sinasabi na magiging matangkad din ang kaniyang mga anak.
Mayroon ding mga genetic conditions na maaaring makaapekto sa height ng isang tao gaya ng Down syndrome at Marfan syndrome.
Hormones
Gumagawa rin ang katawan ng mga hormones na nagbibigay ng senyales sa growth planes na gumawa ng mga bagong buto. Kasama rito ang:
- Growth hormones – Ginagawa ito sa pituitary gland, ito ang pinakamahalagang hormones na may kinalaman sa paglaki. Mas mga sakit na nakakaapekto sa pagdami ng growth hormones at nakakaimpluwensya sa pagtangkad. Halimbawa, ang mga batang mayroong rare genetic condition na congenital growth hormone deficiency ay mas mabagal ang paglaki kumpara sa ibang bata.
- Thyroid hormones – Ang thyroid gland ay gumagawa rin ng hormones na nakakaimpluwensya sa pagtangkad.
- Sex hormones – Mahalaga rin ang hormones na testosterone and estrogen sa panahon ng puberty kung saan napapansin ang huling paglaki ng isang bata.
Sex
Kadalasan, mas matangkad talaga ang mga lalaki kumpara sa mga babae. Mas matagal rin ang panahon na lumalaki sila, bagama’t mas nauunang tumutungtong ng puberty (ang panahon na transition mula sa pagkabata ay nagdadalaga) ang mga babae.
Ayon sa Medical News Today, ang average na lalaki ay mas mataas ng 5.5 inches sa average na babae.
Kailan natitigil ang pagtangkad?
Ang mga sanggol at mga bata ay nakakaranas ng tuluy-tuloy na pagtangkad. Ito ay dahil sa pagbabago sa growth plates ng kanilang mga buto sa braso at binti.
Kapag gumagawa ng bagong buto ang growth plates, mas humahaba ang buto at ang resulta nito, tumatangkad ang bata. Mabilis ang paglaki ng bata sa kanilang unang 9 na buwan, sa loob ng sinapupunan ng kanilang ina. Subalit bumabagal ito kapag ipinanganak na sila.
Pagdating ng 8-taong gulang, ang bata ay tatangkad ng average na 2.16 inches kada taon.
Susundan ito ng growth spurt o biglaang paglaki pagpasok nila ng puberty. Pagkatapos ng panahong ito, titigil na ang paggawa ng growth plates ng mga bagong buto at titigil na ang pagtangkad. Mauunang titigil ang paglaki ng mga kamay at paa, at susundan ito ng mga braso at binti. Huling bahagi na titigil sa paglaki ay ang spine.
Dahil sa natural na proseso ng pagtanda, umiiksi ang mga buto at nababawasan rin ang ating height.
Larawan mula sa iStock
Kailan tumitigil sa pagtangkad ang babae at lalaki?
Maagang dumadating ang puberty sa mga babae, kadalasan sa pagitan ng edad na 10 hanggang 14, kapag nagsimula na silang magkaroon ng monthly period.
Dahil dito, nagiging maaga rin ang pagkakaroon nila ng growth spurt. Kaya naman pagdating nila ng Grade 5 o Grade 6 sa paaralan, mapapansin na mas matangkad na ang karamihan ng mga babae kumpara sa mga lalaki.
Pero mas mabilis at maiksi ang panahon ng paglaki ng mga babae. Kadalasan, natatapos na ang kanilang pagtangkad sa edad na 15.
Samantala, mas mabagal namang dumating ang puberty sa mga lalaki. Kadalasan, napapansin ang growth spurt sa kanila sa edad na 14. Tumatagal naman ang puberty stage sa loob ng 2 hanggang 5 taon. Kaya naman mas mahaba ang panahon ng kanilang paglaki kumpara sa mga babae.
Kung ang mga babae ay naabot ang kanilang adult height sa edad na 15, kadalasang tumitigil naman ang mga lalaki sa pagtangkad sa edad na 16 at nagiging fully developed na ang kanilang katawan sa edad na 18.
Gayundin, may kinalaman ang obesity o laki ng timbang ng batang lalaki sa pagsisimula ng kaniyang puberty. Ayon sa mga pag-aaral, kapag overweight o obese ang isang batang lalaki, mas nahuhuli ang pagsisimula ng puberty.
Bakit mabagal ang paglaki ng aking anak?
Kung minsan, mapapansin mo na mabagal ang pagtangkad ng iyong anak kumpara sa ibang batang kaedad niya. Posibleng mayroong stunting na nagaganap.
Ayon sa World Health Organization, inilalarawan ang stunting kapag ang height ng isang bata ay kulang ng dalawang level sa inaasahang taas para sa kanilang edad. Para sa karagdagang impormasyon tungkol diyan, basahin rito.
Kadalasan, ang nagiging dahilan ng pagbagal ng paglaki ng isang bata ay kakulangan sa nutrisyon, madalas na pagkakasakit o infection, at kakulangan sa psychosocial stimulation.
Formula para malaman ang adult height ng iyong anak
Walang eksaktong paraan para malaman ang magiging height ng iyong anak sa kaniyang paglaki, pero narito ang isang paraan mula sa Mayo Clinic na maaaring magbigay s a’yo ng ideya. Sundin lang ang mga hakbang na ito:
- Alamin ang height ng nanay at height ng tatay sa inches o centimeters at i-add ito.
- Sa total height ng mag-asawa, dagdagan ng 5 inches (or 13 centimeters) kung ang inyong anak ay lalaki, at bawasan naman ng 5 inches kung ang inyong anak ay babae.
- I-divide sa dalawa ang numerong ito. ‘Yan ang tinatayang height ng inyong anak sa hinaharap.
Paano ba tumaba at tumangkad? Subukan ang ilang tips na ito
Ngayong mayroon ka nang ideya ng mga bagay na nakakaimpluwensya sa pagtangkad ng isang bata, mas madali mo nang maiintindihan kung anong dapat mong gawin bilang magulang para matulungan siyang maabot ang kaniyang maximum height potential.
Gaya nga ng nabanggit, 80 porsiyento ng pagtangkad ay naaayon sa DNA. Pero 20 naman ay maaaring maimpluwensyahan ng tamang nutrisyon at ng kaniyang kapaligiran.
Kaya narito ang ilang paalala at tips kung paano ba tumaba at tumangkad ang mga bata. Narito rin ang ilang tips sa mga magulang para masigurong tuluy-tuloy ang paglaki ng kanilang anak, at tumulong para ang isang bata ay tumangkad.
Tumulong para ang isang bata ay tumangkad sa pamamagitan ng:
Habang lumalaki ang iyong anak, mahalaga na mabigyan siya ng nutrisyon na kailangan ng kaniyang katawan para masiguro ang kaniyang paglaki.
Larawan mula sa iStock
Isama sa diet niya ang mga sumusunod:
- sariwang prutas at gulay
- Whole grains
- protein
- Dairy tulad ng gatas at iba pa
Bawasan din ang pagkaing mayaman sa:
- Asukal
- trans fats
- saturated fats
- Caffeine
Mahalaga rin ang pag-inom ng gatas para sa calcium na nagpapatibay ng buto. Ang Vitamin D ay nakakatulong din para sa malakas na buto at makaiwas sa mga sakit sa buto. Ilang magandang source ng Vitamin D ay ang itlog, gatas at tuna.
Ang pagtulog ay mahalaga para sa pisikal at mental na development ng bata. Kung nagtataka paano tumangkad sa pagtulog, ito ay dahil sa growth hormones na nade-develop sa aktibidad na ito.
Samakatuwid, kung kulang sa pahinga, hindi nabibigyan ng mga bata ang kanilang katawan ng sapat na oras para ma-develop at ma-recharge.
Ilang oras ba dapat natutulog ang isang bata para masiguro ang kaniyang tuluy-tuloy na paglaki?
-
- Para sa newborns hanggang 3 buwan, kailangan ng 14 hanggang 17 oras ng tulog sa buong araw
- Ang mga baby na edad 3 hanggang 11 na buwan ay kailangan ng 12 hanggang 17 oras
- Sa mga toddlers edad 1 hanggang 2, kailangan ng 11 hanggang 14 hours ng tulog.
- Para sa mga batang nasa 3 hanggang 5 taong gulang ay kailangan ng 11 hanggang 13 oras ng tulog gabi-gabi.
- Ang mga nasa 5 hanggang 10 taong gulang ay kailangan matulog nang nasa 10 hanggang 11 oras.
- Pagdating ng edad 10 hanggang 17 taong gulang ay kailangan lamang 8 at kalahati hanggang 9 at kalahating oras ng tulog bawat gabi.
-
Marami ring vitamin supplements sa mga pamilihan ang nagsasabing nakakatulong ito para tumangkad ang isang bata. Pero epektibo ba ang mga ito? At anu-anong vitamins ba ang kailangang inumin ng isang bata para masiguro ang kaniyang paglaki?
Ang protein ay ang pangunahing sustansya para sa magandang bone development, tissue repair at immune function.
Samantala, ang ilang micronutrients tulad ng calcium, vitamin D, magnesium, at phosphorus ay may kinalaman rin sa paglaki at pagtibay ng mga buto.
Ayon din sa mga pag-aaral, ang pag-inom ng probiotics, isang bacteriang makikita sa fermented na pagkain, ay nakakatulong din sa paglaki ng bata.
Ang pag-inom ng iron ay makakatulong para makaiwas sa sakit na iron deficiency anemia, na sinasabing nagdudulot ng growth delay sa mga bata.
Isa naman ang Vitamin B12 sa mga laging binabanggit kapag tungkol sa pagtangkad ng bata. Nakakatulong din ito para maiwasan ang sakit sa buto gaya ng osteoporosis.
Karamihan sa mga bitaminang ito ay matatagpuan sa pagkain, pero kung hindi magana kumain ang iyong anak, maaari mo siyang bigyan ng vitamin supplement para masigurong makukuha niya ang nutrisyong kailangan niya sa paglaki.
Ang mga vitamins para tumangkad ay kalimitang nasa tamang preskripsyon din ng doktor.
-
Exercise tips para tumangkad
Ang pag-eehersisyo ay nakakapagpalakas ng katawan, lumalaban sa obesity, at humihikayat sa development ng muscle. Kasabay nito, ang pisikal na aktibidad ay nagpapalakas ng development ng growth hormone at maaaring magbunga ng hindi lang malakas ngunit malalaking buto rin.
Ang stretching ay nakakatulong magpahaba ng spine at maka-ayos ng postura na nagdi-diretso at nagpapatangkad ng pagtayo.
Siguruhing mayroong physical activity ang iyong anak na hindi bababa sa isang oras kada araw. Narito ang mga pwede nilang gawin:
- strength-building exercises gaya ng pushups o situps
- flexibility exercises tulad ng yoga
- aerobic activities tulad ng habulan, jumping rope o pagbibisikleta
-
Pananatili ng magandang posture
Ang pagkakaroon ng tamang posture ay nakakaapekto rin sa pagtangkad at pagbanat ng ating mga buto.
Kapag hindi maganda ang iyong posture, nagmumukha kang maliit kahit hindi naman. At habang tumatagal, mayroon itong pangmatagalang epekto sa iyong actual height.
Ang iyong likod ay natural na kumukurba sa tatlong bahagi. Pero kung madalas kang nakayukod o naka-slouch, maaaring masanay ay iyong mga buto at magbago ang mga kurba sa iyong likod. Bukod sa mababawasan ang height, maaari pa itong magdulot ng pananakit ng leeg at likod.
Ang pagkakaroon din ng tamang posture ay nakakaapekto sa kabuuang kalusugan o well-being ng isang tao. Kaya naman mas mabuti na sa murang edad ay sanayin na ang iyong anak sa tamang paraan ng pagtayo, pag-upo, paglakad at maging pagtulog.
Larawan mula sa Freepik
Tandaan, kapag narating mo na ang iyong maximum height potential ay hindi ka na maaaring tumangkad pa.
Mas angat ang matangkad, paniniwala ng iba. Kaya mas mabuti na habang maaga ay gawin na natin ang ating makakaya para maging tuluy-tuloy ang paglaki ng ating mga anak.
Kung napapansin mong mabagal ang paglaki ng iyong anak, o mayroon kang katanungan tungkol sa kaniyang pagtangkad, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Totoo bang dapat magpatuli upang tumangkad agad?
Isa ang pagpapatuli bilang myth sa mga kalalakihang Pilipino. Lagi itong iniuugnay sa pagtangkad ng mabilis ng mga lalaki. Batay sa mga doktor, ang pagpapatuli ay walang kinalaman medically para tumangkad ng mabilis ang lalaki.
Paano tumangkad ng mabilis?
Kalimitan sa mga kabataan, babae man o lalake, ay nais malaman kung pano tumangkad ng mabilis. Kaakibat ng mabilisang pagtangkad ay ang pagbabago ng hormones at dahil sa genes na tinataglay ng isang bata.
Nangangamba rin ang mga bata na hindi na sila tumangkad at maabutan na ng “panahon”. May ilang mga tips kung pano tumangkad ng mabilis ang babae at lalake. Pero posible nga ba na mabilis na tumangkad ang isang bata?
Maaari natin itong subukan! Narito ang 4 na tips kung pano tumangkad ng mabilis ang babae at lalake.
1. Pagtangkilik sa HGH (human growth hormone) supplements
Bilang magulang, nais mong tumulong para ang isang bata ay tumangkad ng mabilis. Maaaring HGH supplements na ang iyong sagot. Mabibili at available ito sa mga supermarket. Hindi rin ito delikado para sa kalusugan ng iyong anak.
Ang tamang dosage ng HGH supplement ay makakatulong sa pagdaragdag ng vitality at pag-improve ng focus ng iyong anak maliban sa pagpapatangkad.
2. Balanseng pagkain
Lagi itong hindi mawawala sa mga tips at payo para sa tamang paglaki at kung pano tumangkad ng mabilis at malusog. Nakakatulong din ito para sa mga mommies na namomroblema kung paano ba tumaba dapat ang kanilang anak.
Kumain ng mga masusustansiyang pagkain na naglalaman ng nutrisyon at vitamins para tumangkad at maging malusog ang pangangatawan. Ilan sa mga pagkaing ito ay gulay, prutas, mga pagkaing siksik sa protina, at iba pa.
Mga pagkain na dapat subukan para tumangkad:
- mga beans – bilang magandang source ng protina sa katawan
- manok
- almonds
- mabeberdeng dahong gulay
- yogurt
- sweet potato at kamote
- itlog
- mga isda tulad ng tuna at salmon – bilang source naman ng Vitamin D at calcium na kailangan sa pagpapalaki ng buto
3. Pagtulog ng mabuti
Ang pagtulog ng mabuti ay hindi lamang haka-haka ng mga magulang at disiplina. Ito ay isang malaking contributor para mabilis na tumaba at tumangkad ang babae at lalakeng anak nila.
Sa pagtulog ng mahimbing, nagre-release ang ating utak ng tinatawag na HGH (human growth hormone). Dahil sa HGH kaya maaaring tumangkad ng mabilis ang bata.
Payo ng karamihan sa mga doktor, matulog na kaagad pagkatapos magpahinga pagkakain ng hapunan. Mas mainam at sapat ang 8 oras ng pagtulog sa pag-induce ng HGH sa utak.
4. Pagbibisikleta para tumangkad
Kung sa tingin mo ay nakakapagod ang pagbibisikleta, ngayon hindi na. Gugustuhin mo ng gawin ang exercise na ito para tumangkad ka ng mabilis.
Ang pagbibisikleta, bilang aerial exercise, ay nakakatulong sa pag-burn ng sobrang calories sa katawan, nagpapa-improve ng ating metabolism, at pwede rin itong maging stretching exercise.
Batay sa ilang anecdotal notes sa maliitang saliksik, nakakatulong din ito sa vertical growth o pagtangkad ng isang tao.
Payo sa pagbibisikleta, na dapat ay nakalapat ang talampakan sa pedal. Dagdag pa, naka-straight din dapat ang iyong likod, at nakaupo na naka-stretch ang binti. Ito ang tamang posisyon ng pagkakaupo sa isang bike.
Kung may mga nais pang malaman kung paano tumangkad ng mabilis ang babae at lalakeng anak, laging kumonsulta sa doktor para sa mas akma at tamang procedure ng pagpapalaki.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Camille Luzande
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!