Marami sa parents ang nag-aabot ng goal na patabain ang kanilang kids. Kapag mataba ba ang iyong anak, masasabi mo na ba agad na malusog siya? Alamin rito kung ano ang malnutrisyon at epekto nito, at mga senyales na malnourished ang isang bata.
“Ang taba naman ni baby, ang lusog-lusog!” “Maganda ang katawan ni baby ang taba, healthy na healthy!” “Sana laging mataba ang baby mo para malusog lang siya!”
Madalas nating marinig o masabi iyan sa tuwing nakakakita tayo ng bata na bilugan at malaman ang pangangatawan. Tama nga ba ang mga katagang ito?
Kadalasan ay naiuugnay ang pagiging malaman o mataba ng bata sa kaniyang pagiging malusog. Samantala, ang mga batang payat naman ay laging nasasabihan na “lampayatot” at walang sapat na sustansya sa katawan. Sa madaling salita, malnourished.
Subalit paano mo nga ba masasabing malnourished ang isang bata? Nababase lang ba ito sa kaniyang timbang at anyo?
Ano ang malnutrisyon?
Mahalagang malaman natin kung ano nga ba ang malnutrisyon. Sa pagbibigay ng kahulugan ng World Health Organization (WHO), ang malnutrisyon daw ay ang kakulangan, sobra, o hindi balanseng dami ng enerhiya at sustansya sa katawan ng isang tao,
“Malnutrition refers to deficiencies or excesses in nutrient intake, imbalance of essential nutrients or impaired nutrient utilization. The double burden of malnutrition consists of both undernutrition and overweight and obesity, as well as diet-related noncommunicable diseases.”
Malalang usapin din ang malnutrisyon sa Pilipinas. Sa datos ng WHO, nasa 95 na bata ang namamatay sa bansa dahil sa malnutrisyon kada araw. Habang nasa 27 sa kada 1,000 Filipino na bata naman ang hindi na nakakalagpas sa kanilang pang-limang taong gulang na kaarawan dahil sa kundisyong ito.
Karamihan din sa mga malnourished na bata sa bansa ay nagiging maliit para sa kanilang edad. Maaari itong maging permanent na hanggang sa kanilang pagtanda.
Gaya ng nabanggit, ang pagiging mataba o obese ay isang uri ng malnutrisyon. Kaya hindi totoo na kapag mataba ang isang bata ay malusog na ito.
“It’s common if you’re consuming too many calories but not eating enough or the right amount of nutrients, that can cause malnutrition,” ani Heather A. Eicher-Miller, isang associate professor sa Department of Nutrition Science sa Purdue University.
Sanhi ng malnutrisyon
Para sa mga bata, ang pangunahin namang nagiging sanhi ng malnutrisyon sa kanila ay kakulangan sa bitamina at sustansya sa kanialng kinakain. Sa ilang pagkakataon, maaari rin itong sanhi ng ilang mental o development disorders. Kapag ganito, hindi na naabsorb ng katawan nila ang mga nutrients na nagmumula sa pagkain.
Maaari ring maging dahilan ay ang kulang na nutrisyon ng ina noon ipinagbubuntis pa lang niya ang bata.
4 na uri ng malnutrisyon
Narito naman ang apat broad-forms ng malnutrisyon ayons a WHO:
- Wasting – Pagkakaroon ng mababang timbang para sa kanyang height. Madalas na makikita ito sa mga taong may severe weight loss. Nangyayari ito sa tuwing ang bata ay walang sapat na pagkain. Maaari ring kung mayroon silang may sakit na matagal nang iniinda. Mas mataas ang chance ng pagkamatay nito sa mga bata kung hindi maaagapan.
- Stunting – Dito naman, masasabing mayroong malnutrisyon ang abta kung mayroon siyang mababang height para sa kanyang edad. Nangyayari ito dahil sa presensya ng undernutrition na dulot ng poor maternal health, kahirapan, pagkakaroon palagi ng sakit, at kawalan ng tamang pag-aalaga nooong sanggol pa lamang.
- Underweight – Makikita naman ang malnutrisyon sa batang mayroong mababang timbang para sa kanyang edad.
- Micronutrient deficiencies – Nangyayari naman ito sa tuwing mayroong pagkukulang sa vitamins at minerals na kailangan ng katawan. Malaking tulong kasi ito sa paggawa ng enzymes hormones at iba pang substances na kailangan para sa growth and development ng bata.
Ano ang malnutrisyon at bakit kailangan itong bigyan ng pansin ng parents? | Larawan kuha mula sa Pexels
Epekto ng malnutrisyon
Mahalgang nabibigyang pansin ang timbang at health ng bata. Maaari kasing malnourished na siya nang hindi namamalayan ng parents.
Paano ba nakakaapekto ang malnutrisyon sa araw-araw na pamumuhay ng isang bata? Narito ang ilang epekto:
- Pagkakaroon ng short at long term na problema para sa kanyang kalusugan na maaaring maging kumplikasyon.
- Magiging mabagal na ang kanilang maka-recover mula sa mga sugat o sakit.
- Magkakaroon ng mas mataas na risk para makakuha ng impeksyon.
- Magiging mahirap na sa kanilang magkaroon ng focus sa pag-aaral o anumang gawain.
- Kung siya naman ay may kakulangan sa Vitamin A, maaari ring lumabo ang kanyang paningin.
- Kung ang bata naman ay kulang ng Vitamin C, maaari silang magkaroon ng sakit na scurvy o o magkaroon ng mahinang immune system.
5 halimbawa at senyales ng malnutrisyon sa mga bata
Subalit paano mo nga ba masasabi na malnourished ang iyong anak? Kung kumakain naman siya ng mabuti at magana siyang kumain ng junk food, pwede mo bang masabing mayroong malnutrisyon?
Gaya ng nabanggit, ang pagiging malnourished ay hindi basta nasusukat sa timbang o hugis ng katawan ng isang tao. Narito ang ilang sintomas na maari mong mapansin sa iyong anak na posibleng senyales ng malnutrisyon:
1. Mabagal ang kaniyang pagtangkad at mahina siyang kumain
Bawat bata ay magkakaiba sa kanilang growth at development. Mapapansin mo naman ang paglaki ng iyong anak. Kung parang hindi siya tumatangkad at hindi niya nakakaliitan ang mga luma niyang damit, maaring senyales ito ng malnutrisyon.
Obserbahan mo rin ang iyong anak kapag kumakain. Kapag kaunting kagat lang at ayaw na niyang kumain, o kaya naman ay malakas lang siyang kumain ng mga tsitsirya subalit wala nang gana pagdating ng tanghalian o hapunan, may posibilidad na malnourished ang iyong anak. Kailangang maging mas mapagmatyag tayo pagdating sa kanilang pagkain.
2. Madalas makaranas ng pananakit ng tiyan
Kapag nakakaranas ang iyong anak ng pananakit ng tiyan, maaring mahirapan silang kumain. Dalhin agad ang iyong anak sa kaniyang pediatrician kapag sinabi niyang hindi siya makakain dahil sa sama ng pakiramdam, o kapag nagiging madalas ang pananakit ng kaniyang tiyan at kawalan ng gana.
3. Nagiging matamlay at iritable o kaya naman madalas ay nahihirapan sa eskwela
Likas sa bata ang pagiging makulit at aktibo. Kailangan niya ng maraming enerhiya para matustusan ang kaniyang mga pisikal na gawain gaya ng paglalaro. Kaya kung ang iyong anak ay biglang naging matamlay, laging pagod at bugnutin, maaring hindi sapat ang sustansyang nakukuha niya kaya wala siyang enerhiya para maging aktibo.
Ang pagiging iritable at malungkutin ay isa ring senyales ng malnutrisyon sa mga bata.
Kapag wala ring sapat na nutrients na nakukuha ang iyong katawan, mahihirapang gumana ng maayos ang ating utak. Kaya mas nagiging mahirap para sa mga malnourished na bata ang matuto at magbigay ng atensyon sa isang bagay.
Dagdag pa ni Bergman, sa mga batang edad 2 pababa, lubhang delikado ang malnutrisyon dahil maari nitong maapektuhan ang kanilang brain development.
“If your brain never fully developed to its capacity, then you’re not going to get as much out of your education,” aniya.
Alamin kung ano nga ba ang iba’t ibang halimbawa ng malnutrisyon sa mga bata. | Larawan mula sa Pexels
4. Mas madalas magkasakit
Bakit may mga batang matataba at mukhang malusog pero madalas magkasakit?
Kapag ang bata ay parang laging may sipon o viral infection, maaring mahina ang kanilang immune system na resulta ng malnutrisyon.
“Especially for children under two, the effects of chronic malnutrition can be lifelong. Those who survive may have reduced resistance to disease and infection later in life,” sabi ni Cathy Bergman, director of health nutrition and food systems ng Mercy Corp, isang non-government organization sa Amerika.
Madalas bang magkaroon ng singaw ang iyong anak at parang nanunuyo ang mga labi? Maari itong senyales ng malnutrisyon. Ani Julie Cunningham, isang registered dietitian at certified diabetes educator sa North Carolina,
“Cracks that will not heal at the corners of a child’s mouth (or an adult’s) can indicate an iron or B vitamin deficiency (riboflavin).”
Ano ang malnutrisyon?: Anong dapat gawin kung malnourished ang aking anak?
Agad nang kumonsulta sa doktor kung nararanasan na ng anak ang ma senyales na ito. | Larawan mula sa Pexels
Kung napapansin ang mga senyales na ito sa iyong anak, mabagal ang pagbigat ng kaniyang timbang o kaya naman ay bumaba ang kaniyang timbang sa huling 3 buwan, dapat ay ipakonsulta na siya agad sa kaniyang pediatrician upang masuri at makumpirma kung siya nga ba ay malnourished.
Kapag natukoy ang malnutrisyon sa iyong anak, aalamin kung ano ang sanhi nito at maaring gumawa ng treatment plan ang kaniyang doktor. Pwede rin niyang ipayo na kumonsulta kayo sa isang nutritionist para magkaroon ng tamang diet plan ang bata.
Mga paraan para makaiwas sa malnutrisyon ang bata
Marami naman ding paraan para maiwasan ang malnutrisyon. Kadalasan, ang advise na ibinibigay sa mga batang malnourished ay kumain ng “fortified” na pagkaing mataas sa calories at protein, magdagdag ng snacks sa pagitan ng kaniyang 3 meals, at uminom ng mga drinks na mataas rin sa calories. Para sa ilan pang tips, maaaring subukan ang mga sumusunod:
1. Ang pinakamabisang paraan para labanan ang malnutrisyon ay ang pagkakaroon ng balanced diet
Maaaring isama sa meal ng mga anak ninyo ang mga nakalista sa ibaba:
- maraming prutas at gulay lalo na iyong mga mayayaman sa vitamins
- starchy foods tulad ng tinapay, kanin, patatas, pasta
- gatas at dairy products, pati na rin non-dairy alternatives gaya ng yogurt
- mga pagkaing mayaman sa protein gaya ng karne, isda, itlog at beans
Para mapagpatuloy niya ang pagkakaroon ng malusog na katawan, ituro sa kaniya ang kahalagahan ng pagkain nang tama. Iwasan ding pakainin siya ng mga junk foods at sweetened drinks. Ang mga pagkaing ito ay walang dulot na sustansya sa katawan at maaari lamang magdulot pa ng ibang sakit sa bata.
2. Ugaliin ring painumin ng maraming tubig ang bata araw-araw
Marami talagang tulong ang kayang maibigay ng tubig, kasama na diyan ang pag-iwas na magkaroon ng malnutrition ang bata.
3. Sanayin ang anak na mag-eherisyo
Ang pag-eehersisyo ay hindi lamang healthy para sa adult, helpful din ito para sa kids. Mahalagang nabibigyan siya ng oras para maging aktibo. Kabilang na diyan ang paglalaro at iba pang physical activities.
4. Pagkakaroon ng sapat na pahinga
Siguraduhin ding mayroong sapat na tulog at pahinga ang bata para makapagrestore siya ng enerhiya.
5. Magkaroon ng good hygiene sa bahay
Malaking tulong din ang pagkakaroon ng malinis na kapaligiran para makaiwas sa malnutrition. Ituro sa inyong tahanan kung paano nga ba ang good hygiene.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa malnutrisyon at kalusugan ng iyong anak, huwag mahiyang kumonsulta sa inyong doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!