Pagpapatuli ng bata, bakit nga ba mahalagang isagawa?
Ang pagpapatuli ng bata ay isa sa sinasabing palatandaan ng ganap na pagbibinata para sa ating mga Pilipino. Madalas itong ginagawa tuwing bakasyon o walang klase. Upang mabigyan ng sapat ng oras ang sugat na dulot nito na maghilom.
Pero bakit nga ba kailangang tuliin ang isang batang lalaki? Isa nga lang ba itong palatandaan ng ganap na pagiging binata? O may mga mahalaga rin itong ginagampanan sa pagpapanatili ng maayos na kalusugan?
Pagpapatuli ng bata
Ang pagpapatuli o circumcision ay ang surgical procedure na ginagawa upang tanggalin ang sobrang balat o excessive foreskin sa ari ng lalaki. Bagamat sa ibang bansa ay ginagawa ito sa mga bagong panganak na batang lalaki, dito sa Pilipinas ay ginagawa ito sa mga batang lalaki na malapit ng magbinata. Ngunit, ayon sa isang neurologist na si Joseph Lee walang pinipiling edad ang pagpapatuli. Maari na umano itong simulan kapag nakikita ng na-reretract o naibabalik ng patalikod ang foreskin ng ari ng lalaki.
Kahalagahan ng pagpapatuli ng bata
Hindi lang din daw basta palatandaan ng pagbibinata ang pagpapatuli ng bata ayon parin kay Lee. Dahil ito daw ay may health benefits sa mga lalaki. Isa nga sa mga benefits nito ay ang pagbaba ng tiyansa ng pagkakaroon ng penile cancer.
Ayon parin kay Lee ang hindi natanggal na excess foreskin sa ari ng lalaki ay maaring pamahayan o pag-ipunan ng mga bakterya o libag na maaring mauwi sa kanser kung pababayaan.
“Kung matagal na nagtatago sa area na naka-expose ang glans penis, may tendency na maaaring magdulot siya ng penile cancer, maaaring maipon ang bacteria … kasi puwede ‘yan maging medium for growth.”
Ito ang pahayag ni Lee sa isang panayam.
Hindi lang basta paghahanda sa pagiging ganap na lalaki
Ayon naman kay Dr. Lulu Marquez isang sexual wellness expert at radio anchor, ang pagpapatuli ng bata ay mahalagang preparasyon sa kaniyang pagiging ganap na lalaki. Dahil ang hindi pagpapatuli ay maaring magdulot ng komplikasyon sa pagtatalik.
Isa nga sa komplikasyon na maaring maranasan ng mga hindi natuling lalaki ay ang kondisyon na kung tawagin ay phimosis.
“‘Phimosis’ means hindi mo ma-retract ‘yong foreskin o ‘yong extra balat from the head of the penis… dapat kasi kapag nagtatalik, ‘yong head ng penis ang importante for a good penetration, walang istorbo, dapat wala ‘yong foreskin.”
Ito ang paliwanag ni Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programa sa radyo.
Maliban rito ay maari ring makaranas ng “balanitis” ang isang hindi tuling lalaki. Ito ay ang pamamaga ng glans sa ulo ng penis o ulo ng ari ng lalaki. Sa ating mga pinoy ay inilalarawan natin ang kondisyon na ito na “pangangamatis.”
Dagdag pa ni Dr. Marquez, isa pa sa mga sakit na mataas ang tiyansang makuha ng hindi natuling lalaki ay ang HIV o human immunodeficiency virus. Ito ay dahil sa pagkakaipon ng bakterya sa sobrang balat na maaring maihawa o mailipat ng lalaki sa kaniyang partner.
“Ang danger po na hindi tuli, love po siya ng HIV at HPV… circumcision will decrease the incidents of HPV, both sa lalaki at sa babae.”
Ito ang dagdag na pahayag ni Dr. Marquez.
Maliban sa mga sakit may pag-aaral ding nakapagsabi na ang hindi pagpapatuli ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng premature ejaculation at erectile dysfunction sa mga lalaki.
Paalala sa mga magulang
Huling paalala ni Dr. Marquez sa mga magulang na may anak na lalaki. Ipatuli ang kanilang anak sa doktor at huwag sa mga de-pukpok o ang tradisyonal na paraan na atin ng nakasanayan. Huwag ding paliliguin ang mga bata sa mga ilog o dagat matapos matuli. Dahil maaring makakuha sila dito ng bakterya na makakapagdulot pa ng impeksyon sa kanilang sugat.
Habang ang mga hindi pa tuli ay dapat ugaliing linisin ng maayos ang kanilang ari. Upang ito ay hindi pamahayan ng mga bakterya at magdulot ng sakit sa kanila.
Sources: WebMD, Mayo Clinic, ABS-CBN News, ABS-CBN News
Photo: Brigada News FM
Basahin: Pagpapatuli, nakakatulong raw para makaiwas sa cancer
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!