Para sa maraming nagbibinatang Pilipino, bahagi na ng kanilang paglaki ang pagpapatuli. Madalas ay ginagawa ito dahil ito ang nakasanayan, o kaya para masabi na sila ay tunay nang “binata.”
Ngunit alam niyo ba na may epekto rin pala ito sa kalusugan?
Pagpapatuli nakatutulong upang makaiwas sa mga sakit
Ayon kay Dr. Joseph Lee, isang urologist, nakatutulong raw ang circumcision, o tuli upang makaiwas sa ilang mga karamdaman, at kabilang na rito ang cancer.
Aniya, posible raw kasi magkaroon ng build-up ng smegma o dumi sa foreskin ng ari ng lalaki. Kapag hindi natulian, posible itong maipon at magdulot ng iba’t-ibang sakit.
“Kung matagal na nagtatago sa area na naka-expose ang glans penis, may tendency na maaaring magdulot siya ng penile cancer, maaaring maipon ang bacteria … kasi puwede ‘yan maging medium for growth,” dagdag pa niya.
Posible rin daw maging breeding ground sa bacteria ang foreskin ng lalaki. Kaya mahalaga raw na matanggal ang balat na ito upang makaiwas sa iba’t-ibang sakit.
Hindi naman raw mahalaga ang edad ng pagpapatuli, ayon kay Dr. Lee. Ngunit mahalaga raw na naire-retract o naibabalik nang patalikod ang foreskin bago magpatuli.
Ano ang mga benepisyo ng pagpapatuli?
Nakakatulong ang circumcision o tuli upang makaiwas sa mga sumusunod na sakit:
- Penile cancer
- Phimosis
- UTI o urinary tract infection
- Mas mababang panganib ng STD
- Balanitis
- Mas madali ring mapanatiling malinis ang ari
Importante na bago magpatuli ay kausapin ng mga magulang ang kanilang anak. Dapat malaman ng bata kung ano ang gagawin na procedure, para saan ito, at kung paano nila lilinisin ang kanilang ari matapos magpatuli.
Mas mainam kung magpatuli ang bata sa doktor o sa clinic, dahil mas malinis at safe ang ganitong paraan ng pagtuli kumpara sa “pukpok” na ginagawa sa ilang mga probinsya.
Source: ABS-CBN News
Image: Kiambainfo
Basahin: Is your son ready to get circumcised? Here are some useful “tuli” tips!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!