10 na karaniwang napapanaginipan ng mga buntis

Isang paalala: hindi pangitain ang mga panaginip!

Kung napansin mo na medyo kakaiba ang mga panaginip mo simula nang nabuntis ka, di ka nag-iisa. Normal lang ang mga malinaw at kataka-takang panaginip o minsay ay panaginip ng buntis, kaya huwag kayong mabahala!

Ayon sa isang study sa academic journal na Sleep Medicine, bagamat hindi naman mas marami ang mga panaginip ng buntis sa mga babaeng hindi nagdadalangtao, mas madalas naman bangungutin ang mga ito. Ayon kay Dr. Jessica Lara-Carrasco, ang lead author ng study na ito, nakakagambala sa pagtulog ang hormonal changes kaya nagiging mas mabagabag ang panaginip ng mga buntis.

Mas naaalala din ng mga buntis ang kanilang mga panaginip dahil mas madalas ang kanilang pag-gising sa gabi. Dahil din sa stress na nararanasan ng mga buntis, nagiging kakaiba ang mga panaginip nila.

Ang magandang balita? Hindi pangitain ang mga panaginip—kabilang na ang mga panaginip ng buntis. Nanggagaling ang mga panaginip natin sa ating mga saloobin at pagkabalisa.

Buntis sa panaginip at ang mga posibleng kahulugan nito

1. Tubig

Ang mga panaginip tungkol sa tubig ay napaka-karaniwan, lalo na sa unang trimester, kung kailan napupuno ng fluid ang amniotic sac.

“Tuwing napapanaginipan natin ang tubig, kadalasan, tungkol ito sa ating mga emosyon at damdamin,” sinabi ng psychologist na si Ian Wallace sa Fox News.

Kung madumi o madilim ang tubig, baka ang ibig sabihin nito ay hindi mo naiintindihan ang mga emosyon mo tungkol sa pagkakaroon ng isang anak. Ang panaginip na tungkol sa tsunami ay maaaring tungkol sa mga pagbabagong emosyonal.

2. Pagbubuo ng sanggol

Maaari rin na mas napapadalas ang mga panaginip mo tungkol sa pagtatalik. O puwedeng mga metapora lang ang laman ng mga panaginip mo, tulad ng pagtatanim ng buto ng prutas.

Mas madalas ang mga panaginip na ito sa unang trimester. Ang mga panaginip ng buntis tulad ng mga ito ay nakakatulong sa pagpapatatag ng pagmamahalan ng ina sa kaniyang sanggol.

3. Panganganak

Pag napapanaginipan ng buntis ang panganganak, maaari itong senyales ng pagkabalisa o pagkabahala. Ngunit puwede din ito’y isang senyales ng kagalakan. Mas madalas ang mga panaginip tungkol sa panganganak sa pangatlong trimester.

4. Panganganak ng mga hayop, kakaibang mga nilalang, o mga bagay

Huwag kayong mabahala! Ang mga panaginip tungkol sa panganganak sa mga kakaibang mga nilalang ay napaka-karaniwan, lalo na sa pangatlong trimester.

Hindi ito pangitain na may masamang mangyayari sa sanggol ninyo. Maaaring naghahanda lamang ang iyong isipan sa pagkakaroon ng anak.

5. Ang pakiramdam na nakakulong o napikot

Kapag nararamdaman mo ang pagkakulong sa panaginip mo, maaaring tungkol ito sa mawawala na kalayaan pag naging magulang ka na. Kahit masaya ka sa idea ng pagkakaroon ng anak, maaaring nababahala ka din sa pagkawala ng kalayaan at kontrol sa iyong buhay.

6. Kasarian ng sanggol

Uulitin lang namin: hindi pangitain ang mga panaginip. Dahil lang napanaginipan mo na babae ang iyong sanggol, hindi ito nangangahulugan na siya’y babae talaga. Ang kahulugan ng sanggol sa panaginip ay siguro ‘pinapakita lang ng panaginip mo ang gusto mong kasarian, kahit di mo namamalayan na may pagkiling ka pala.

7. Pagbiyahe

Ang mga panaginip tungkol sa biyahe ay maaaring tungkol sa darating na habang-buhay na paglalakbay bilang isang magulang. Pag naglalakad ka, ibig sabihin nito ay mas komportable ka sa mabagal na tulin. Kung tumatakbo ka naman sa panaginip mo, ibig sabihin nagtitiwala ka na sa mga abilidad mo bilang ina.

8. Pagkalimot sa sanggol

Kapag napanaginipan mo na nakalimutan mo ang iyong sanggol, katibayan lang ito ng mga pangkaraniwan na takot ng mga buntis. Maaaring naiisip mo na hindi ka pa handang maging magulang.

9. Pananakit sa sarili o sa sanggol

Ang mga bangungot tungkol sa pananakit sa sarili o sa sanggol ay karaniwan sa mga buntis. Ito’y dahil dumadaan ka sa isang panahon ng kawalan ng katiyakan.

10. Nangangaliwa na asawa

Ang mga panaginip tungkol sa nangangaliwa na asawa ay nakakagambala. Maaaring naging insecure ka sa iyong hitsura, at nagaalala ka na baka iwanan ka ng partner mo. Dapat tandaan mo na panaginip lang ang mga panaginip na ito—sinusubukan lang ng isip mong lutasin ang iyong mga pinakamasamang takot.

 

Sinulat ni

Cristina Morales