Pananakit ng puson: Sanhi, sintomas, at gamot para dito

Pananakit ng puson: Sanhi, sintomas, at gamot para dito

Ang pananakit ng puson ay madalas na umaatake kapag may buwanang dalaw. Pero kapag masakit ang puson at wala namang regla, nakapag-aalala ito.

Lahat ng kababaihan ay nakakaranas ng pananakit ng puson, na madalas ay umaatake kapag may buwanang dalaw. Pero kapag masakit ang puson at wala namang regla, nakapag-aalala ito.

Bakit bigla na lang nakakaramdam ng pananakit ng puson?

Karaniwan lang ang pananakit ng puson sa mga kababaihan, at wala namang dapat ikabahala—pero hindi rin dapat na ipagsawalang bahala. Mula sa simpleng gas pain, maaaring maging hudyat din ito ng impeksiyon.

Karaniwang sa bladder at reproductive organs nagmumula ang pananakit ng puson o lower abdominal pelvic pain.

Ayon kay Christine Mesina, RN, mahirap ding matukoy ang mismong sanhi ng pananakit, bagamat ang mga sintomas ang makakatulong para magkaro’n ng diagnosis ang doktor.

halamang gamot sa UTI, ectopic breast tissue

Ano ang mga pinaka-karaniwang sanhi ng pananakit ng puson?

May apat na pangunahing dahilan ng lower abdominal pain o pananakit ng puson:

  • normal na pananakit dala ng regla
  • problema sa reproductive system – uterus, fallopian tubes at obaryo
  • urinary disorder, o problema sa bladder o bato (kidney)
  • problema sa digestive system o bituka

Kapag may buwananang regla, nagkakaron ng “thickening at shedding” ng uterine wall, paliwanag ni Nurse Christine. Ito ay normal at karaniwang nararanasan ng mga babae.

Kapag ang problema ay may kinalaman sa reproductive organs

Sa kababaihan, maaaring nanggagaling din sa uterus, fallopian tubes o obaryo ang problema, kung saan nagmumula ang sakit sa gitna ng lower abdomen o tiyan, pababa sa puson.

  • Kapag ang uterus ang may problema, mas matindi ang mararamdamang pain kapag may regla. Ito ang tinatawag na dysmenorrhea.
  • Kung ang sakit ay mas matindi sa may tagiliran, maaaring sa obaryo ito nanggagaling.
  • Kung ang problema ay nasa reproductive system ng babae, makakaramdam din ng kakaibang pananakit ng puson at puwerta kapag nakikipagtalik. Dapat ipaalam ito sa iyong OB GYN.

Ilang mga kondisyon na may kinalaman sa reproductive organs ay: Endometriosis, Fibroids, Pelvic inflammatory disease, at Ovarian cysts.

Kung ang pananakit ng puson ay nararanasan isang linggo bago dumating ang buwanang regla, ito ay maaaring “implantation cramps,” ayon sa medical article ni Dr. Erik Fangel Poulsen, MD.

Kapag kasi ang fertilized egg ay kumapit na sa uterus, na hudyat ng pagbubuntis, may mararamdamang kaunting pananakit na may kasamang light spotting. Kapag hindi dinatnan, kailangang magpa-pregnancy test o magpatingin sa isang OB GYN.

Kung nagbubuntis at nakaramdam ng matinding pananakit ng puson na may kasamang pagdurugo, maaaring ito ay  hudyat ng pagkalaglag o di kaya ay ectopic pregnancy.

gamot sa hindi natunawan

Image from Freepik

Kapag sanhi ng urinary infection

Makakaramdam ng hapdi kapag umiihi, at madalas din ang pagpunta sa banyo dahil sa pag-ihi. Posibleng kumalat ang impeksiyon nito sa kidney na tinatawag na pyelonephritis, at may kasamang mataas na lagnat at pananakit ng likod. Kapag nakakita ng dugo sa pag-ihi, kailangang magpatingin kaagad sa doktor.

Kung ang pain ay malubha at kumakalat mula sa likod pababa sa may singit, maaaring kidney stones ito. Sasailalim ang pasyente sa isang urine test para malaman  kung ito ang sanhi.

Kapag ang sanhi ay problema sa digestive system

Kapag ang sanhi ay naka sentro sa bituka o large intestines, mararamdaman ang pananakit ng puson o bandang ibaba ng tiyan at pusod. Hindi lang babae ang makakaranas nito. Kung ang pananakit ay nararamdaman din kapag dumudumi at may kasama nang dugo ang dumi, hudyat ito ng problema sa bituka, paliwanag ni Nurse Christine.

Maaaring sanhi ng pain ay ang constipation o diarrhea. Ang uri ng pananakit na panaka-naka, nawawala tapos ay babalik na naman ay posibleng irritable bowel syndrome (IBS). Isang tahasang sintomas nito ay ang maitim na dumi, kaya’t pagmasadan ang inilalabas kapag dumudumi, at ikunsulta kaagad sa doktor.

Minsan naman ay diverticular disease o diverticulitis ang problema, dagdag ni Nurse Christine, na mas karaniwan sa mga may edad nang pasyente. Kasama sa mga sintomas ay ang bloating at pamamaga, at nakasentro sa lower left abdomen ang pain. Ibig sabihin ay may impeksiyon sa diverticula o colon, sa bituka.

Ilan pang kondisyon ng digestive system ay celiac disease, lactose intolerance, indigestion, o simpleng gas na nasa digestive tract.

Tandaan: Kumunsulta kaagad sa doktor kung hindi humuhupa ang pananakit, bagkus ay tumitindi pa, may kasamang lagnat, at pagsusuka o pagdumi na may dugo. Tanging ang doktor ang makakapagbigay ng karampatang lunas para sa anumang sintomas.

 

Sources: Christine Mesina, RN, MayoClinic, Healthline, WebMD

Alexandraki, Irene, and Gerald W. Smetana. “Acute Viral Gastroenteritis in Adults.” UpToDate. Updated Aug. 1, 2016.

Rabinowitz, S. “Abdominal Examination.” Medscape. Nov. 26, 2017.

 

Basahin: Anu-ano ba ang sanhi ng pananakit ng balakang at puson?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner