12 sanhi ng masakit na puson kahit wala namang regla

undefined

Ang pananakit ng puson ay madalas na umaatake kapag may buwanang dalaw. Pero kapag masakit ang puson at wala namang regla, nakapag-aalala ito.

Lahat ng kababaihan ay nakakaranas ng pananakit ng puson. Ito ay madalas na umaatake kapag may buwanang dalaw. Pero kapag masakit ang puson at wala namang regla, nakapag-aalala ito.

Pero, bakit nga nakakaranas ng pananakit ng puson? Alamin ang sagot sa artikulong ito. 

Talaan ng Nilalaman

title="Bakit bigla na lang nakakaramdam ng pananakit ng puson? ">Bakit bigla na lang nakakaramdam ng pananakit ng puson?
  • Ano ang mga pinakakaraniwang sanhi ng pananakit ng puson?
  • Iba pang maaaring sanhi ng pagsakit ng puson
  • Gamot sa sakit ng puson
  • Ito ang ilan sa mga home care remedies para maibsan ang pananakit ng puson: 
  • Bakit bigla na lang nakakaramdam ng pananakit ng puson?

    Karaniwan lang ang pananakit ng puson sa mga kababaihan, at wala namang dapat ikabahala—pero hindi rin dapat na ipagsawalang bahala. Mula sa simpleng gas pain, maaaring maging hudyat din ito ng impeksiyon.

    Karaniwang sa bladder at reproductive organs nagmumula ang pananakit ng puson o lower abdominal pelvic pain.

    Ayon kay Christine Mesina, RN, mahirap ding matukoy ang mismong sanhi ng pananakit, bagamat ang mga sintomas ang makakatulong para magkaroon ng diagnosis ang doktor.

    Ano ang mga pinakakaraniwang sanhi ng pananakit ng puson?

    May apat na pangunahing dahilan ng lower abdominal pain o pananakit ng puson:

    • normal na pananakit dala ng regla
    • problema sa reproductive system – uterus, fallopian tubes at obaryo
    • urinary disorder, o problema sa bladder o bato (kidney)
    • problema sa digestive system o bituka

    Kapag may buwananang regla, nagkakaron ng “thickening at shedding” ng uterine wall, paliwanag ni Nurse Christine. Ito ay normal at karaniwang nararanasan ng mga babae.

    Kapag ang problema ay may kinalaman sa reproductive organs

    Sa kababaihan, maaaring nanggagaling din sa uterus, fallopian tubes o obaryo ang problema, kung saan nagmumula ang sakit sa gitna ng lower abdomen o tiyan, pababa sa puson.

    • Kapag ang uterus ang may problema, mas matindi ang mararamdamang pain kapag may regla. Ito ang tinatawag na dysmenorrhea.
    • Kung ang sakit ay mas matindi sa may tagiliran, maaaring sa obaryo ito nanggagaling.
    • Kung ang problema ay nasa reproductive system ng babae, makakaramdam din ng kakaibang pananakit ng puson at puwerta kapag nakikipagtalik. Dapat ipaalam ito sa iyong OB GYN.
    pananakit ng puson

    Image from Freepik

    Ilang mga kondisyon na may kinalaman sa reproductive organs ay: endometriosis, fibroids, pelvic inflammatory disease, at ovarian cysts.

    • Kung ang pananakit ng puson ay nararanasan isang linggo bago dumating ang buwanang regla, ito ay maaaring “implantation cramps,” ayon sa medical article ni Dr. Erik Fangel Poulsen, MD.

    Kapag kasi ang fertilized egg ay kumapit na sa uterus, na hudyat ng pagbubuntis, may mararamdamang kaunting pananakit na may kasamang light spotting. Kung hindi dinatnan, kailangang magpa-pregnancy test o magpatingin sa isang OB GYN.

    • Kung nagbubuntis at nakaramdam ng matinding pananakit ng puson na may kasamang pagdurugo, maaaring ito ay  hudyat ng pagkalaglag o ‘di kaya ay ectopic pregnancy.

    Kapag sanhi ng urinary infection

    • Makakaramdam ng hapdi kapag umiihi, at madalas din ang pagpunta sa banyo dahil sa pag-ihi. Posibleng kumalat ang impeksiyon nito sa kidney na tinatawag na pyelonephritis, at may kasamang mataas na lagnat at pananakit ng likod. Kapag nakakita ng dugo sa pag-ihi, kailangang magpatingin kaagad sa doktor.
    • Kung ang pain ay malubha at kumakalat mula sa likod pababa sa may singit, maaaring kidney stones ito. Sasailalim ang pasyente sa isang urine test para malaman  kung ito ang sanhi.

    Kapag ang sanhi ay problema sa digestive system

    pananakit ng puson

    Image from Freepik

    1. Kapag ang sanhi ay naka sentro sa bituka o large intestines.

    Mararamdaman ang masakit na puson at parang natatae. Hindi lang babae ang makakaranas nito. Kung ang masakit na puson at parang natatae ay nararamdaman din kapag mismong dumudumi at may kasama nang dugo ang dumi, hudyat ito ng problema sa bituka, paliwanag ni Nurse Christine.

    2. Maaaring sanhi ng pain ay ang constipation o diarrhea.

    Ang uri ng pananakit na panaka-naka, nawawala tapos ay babalik na naman ay posibleng irritable bowel syndrome (IBS). Isang tahasang sintomas nito ay ang maitim na dumi, kaya’t pagmasadan ang inilalabas kapag dumudumi, at ikunsulta kaagad sa doktor.

    3. Minsan naman ay diverticular disease o diverticulitis ang problema.

    Dagdag ni Nurse Christine, ang kondisyon na ito ay karaniwan sa mga may edad nang pasyente. Kasama sa mga sintomas ay ang bloating at pamamaga, at nakasentro sa lower left abdomen ang pain. Ibig sabihin ay may impeksiyon sa diverticula o colon, sa bituka.

    Ilan pang kondisyon ng digestive system ay celiac disease, lactose intolerance, indigestion, o simpleng gas na nasa digestive tract.

    Iba pang maaaring sanhi ng pagsakit ng puson

    1. Ang pananakit ng puson ay maaaring sintomas rin ng sexually transmitted disease tulad ng chlamydia at gonorrhea. Ayon sa CDC tinatayang nasa 2.86 milyon ang nakakaranas ng chlamydia. Habang tinatayang nasa 820,000 naman ang naaapektuhan ng impeksyon na gonorrhea. Maliban sa pananakit ng puson, maaari ring makaramdam ng hapdi o pananakit sa tuwing umiihi. Pagdurugo o bleeding sa gitna ng menstrual period at abnormal vaginal discharge. Sa oras na makaramdam ng mga nabanggit ay magpakonsulta na agad sa doktor.
    2. Ayon sa Mayo Clinic, ang pananakit ng puson ay maaaring dulot din ng mga psychological factors. Tulad ng depression, chronic stress o history ng sexual o physical abuse. Kung mas malala umano ang emotional stress na nararanasan ay mataas rin ang tiyansang mas masakit ang pananakit na puson na maramdaman.

    Gamot sa sakit ng puson

    Sakaling makaranas ng pagsakit ng puson, ano nga ba ang kailangang gawin?

    Unang-una ay mabuting magpakonsulta sa iyong doktor para malaman ang tunay mong kalagayan. Kung kinakailangan ay maaring dumaan ka sa mga test at pagsusuri. Ito ay para mabigyan ka ng lunas o gamot na nararapat sayo. Ang mga posibleng ibigay na gamot sa pananakit ng puson ay ang sumusunod:

    • Pain reliever tulad ng aspirin, ibuprofen (Advil, Motrin IB) o acetaminophen (Tylenol) para maibsan ang pananakit ng puson na nararanasan.
    • Hormone treatments kung ang pananakit ng puson ay may kaugnayan sa menstrual cycle o hormonal changes.
    • Antibiotics kung ang pananakit ng sakit ay dulot ng impeksyon.
    • Antidepressants tulad ng amitriptyline, nortriptyline (Pamelor) kung ang pananakit ng puson ay dahil sa psychological factors tulad ng depression.

    Maliban sa mga nabanggit, ang iba pang maaaring gawin para maibsan ang pananakit ng puson ay ang sumusunod:

    • Bukod sa pag-eehersisyo, kailangan din ng balanced diet para maiwasan ang pagsakit ng puson.
    • Tamang pahinga rin ang kailangan, madalas din na nakatutulong ang paghiga ng naka-fetal position.
    • Lagyan ng hot compress ang bandang puson para maibsan ang sakit.
    • Kung talagang hindi na maibsan ang sakit, maaaring uminom ng mefenamic acid.

    Mas maigi na gamot sa sakit ng puson ang pagpapahinga at pagkain ng tama. Hindi rin kasi mainam na palaging umiinom ng gamot para rito.

    Tandaan:

    Kumonsulta kaagad sa doktor kung hindi humuhupa ang pananakit, bagkus ay tumitindi pa, may kasamang lagnat, at pagsusuka o pagdumi na may dugo. Tanging ang doktor ang makakapagbigay ng karampatang lunas para sa anumang sintomas.

    Ang mga doktor ay hindi sigurado kung bakit ang ilang mga tao ay nakakaranas ng masakit na puson kahit walang regla. Ilan sa maaaring kadahilanan na nauugnay sa mas matinding sakit nito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: 

    • Maaaring magkakaroon ng mabigat na daloy ng regla.
    • Pagkakaroon ng iyong unang anak.
    • Wala pang 20 taong gulang o nagsisimula pa lang sa iyong regla.
    • Pagkakaroon ng sobrang produksyon o sensitivity sa mga prostaglandin, isang uri ng compound sa katawan na nakakaimpluwensya sa iyong sinapupunan.

    Kabilang sa iba pang mga kadahilanan ay ang mga sumusunod: 

    • mga paglaki sa iyong matris
    • endometriosis (abnormal na paglaki ng tisyu ng matris)
    • paggamit ng birth control

    Para sa banayad hanggang pansamantalang sensayong nararamdaman ng pananakit ng puson, ang ilang mga remedyo sa bahay ay maaaring makatulong sa pagbibigay ng lunas. Maaari nitong mbabawasan ang pananakit ang magbigay ng kaginhawaan sa pakiramdam.

    pananakit ng puson

    Image from Freepik

    Ito ang ilan sa mga home care remedies para maibsan ang pananakit ng puson: 

    • Pagmamasahe na mayroong gamit na essential oils. 

    Ang 20 minuto na massage therapy ay makatutulong sa pagkawala ng nararamdamang pananakit ng puson. Maaari mong imasahe ang paligid ng iyong tiyan, tagiliran at likod.

    Ang paglalagay ng essential oil sa pagmamasahe ay maaaring makapagbigay ng dagdag na benepisyo. Ilan sa mga pwedeng gamitin ay ang lavender oil, peppermint oil, rose, at fennel. Mainam na ihalo ang essential oil sa isang carrier oil bago ito gamitin, tulad ng vegetable or nut oils.

    • Pag-inom ng ilang bitamina at halamang gamot tulad ng vitamins B1, fish oil, luya, zataria at zinc sulfate.

    • Gumamit ng hot water compress sa puson.

    • Maglakad-lakad para ikaw ay ma-relax, ganoon din para sa iyong pelvic muscles.

    • Pag-iwas sa ilang mga pagkain.

     Ang pag-iwas sa carbonated drinks, kape, maaasim, maaalat at fatty foods ay makatutulong upang mapagaan ang pananakit ng puson at mabawasan ang tension.

    Nasasala ng ating katawan ang lahat ng asin mula sa mga kinakain na siyang bumabara sa mga bato, kaya’y mas mainam na subukang uminom ng luya o mint tea o lemon water bilang kahalili.

    • Uminom ng tsaang-gubat upang hindi lumalala ang pananakit ng puson.

    • Pagligo ng may mainit na tubig.

    Ang pagligo ng maligamgam o mayroong mainit na tubig ay makapagbabawas ng pananakit at matutulungang irelax ang iyong pelvic muscles.

    • Pagkakaroon ng magandang diyeta

    Ang pagbibigay-priyoridad o pagsasaalang-alang sa diyeta na mayaman sa fiber at mababa sa mga oil at refined sugars ay maaaring makatulong na mapabuti ang panunaw at bawasan ang kakulangan sa ginhawa o discomfort sa tiyan at puson.

    Dagdag pa rito, ang pagkain ng balanseng diyeta na mayaman sa omega-3 fatty acid, prutas, gulay, mani, lean protein, at whole grains ay nakakatulong sa katawan na manatiling malusog at malayo sa anumang karamdaman. 

    • Iwasan ang stress at ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig.

    Maaari ring makaramdam ng pananakit ng puson kahit na walang regla kung mainit ang panahon at kulang ang liquid intake ng iyong katawan.

    Sa ganitong lagay, maaaring mangati ang dingding ng iyong pantog dahil s pag-ipon ng maraming asido sa katawan at ito ang magiging dahilan ng pananakit kahit walang regla.

    • Ang pagpapahinga nang maayos at pagkuha ng sapat na tulog ang pinakamainam na paraan upang maibsan ang sakit.

    • Pagkain ng mga water-based foods.

    Ang pagkain ng lettuce, celery, cucumbers, watermelon at mga berries (strawberries, blueberries at raspberries).

    Kung ang mga natural na remedyo sa bahay ay hindi nakakapagpaginhawa ng sakit, maaaring subukan ng isang tao ang paggamit ng over-the-counter na pain reliever o medications, tulad ng aspirin o ibuprofen.

    Ang mga gamot na ito ay maaaring mapawi ang pamamaga at pananakit. Mahalagang sundin ang mga direksyon ng dosis sa bote at makipag-usap sa isang doktor kung ang inirerekomendang dosis ay hindi sapat upang maibsan ang pananakit ng puson.

    Ilan lamang ito sa mga maaaring subukan kung nakararanas ng pananakit ng puson kahit walang regla, na siyang nagiging dahilan nang hindi maayos na pag-focus sa ating mga ginagawa at nagbibigay ng mabigat na dalahin sa pakiramdam.

    Ngunit kung ang pananakit ay hindi nawawala sa loob ng ilang araw at mas lalo lamang ito lumalala at nagbibigay discomfort, agarang pumunta at ikonsulta ito sa iyong doktor upang malaman ang sanhi sa likod ng pananakit.

     

    Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo

    Christine Mesina, RN, Mayo Clinic, Healthline, WebMD, Alexandraki, Irene, and Gerald W. Smetana. “Acute Viral Gastroenteritis in Adults.” UpToDate. Updated Aug. 1, 2016, Rabinowitz, S. “Abdominal Examination.” Medscape. Nov. 26, 2017, Mayo Clinic

    Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

    Got a parenting concern? Read articles or ask away and get instant answers on our app. Download theAsianparent Community on iOS or Android now!