Posible kayang maging bully ang iyong anak? Mga magulang, narito ang mga sanhi ng bullying na dapat mong bantayan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga senyales na bully ang iyong anak
- Sanhi ng bullying sa mga bata
- Anong dapat mong gawin bilang magulang
Bilang magulang, isa sa ikinatatakot nating maranasan ng ating mga anak lalo na kapag wala sila sa ating tabi ay ang ma-bully. Walang magulang ang gustong ma-bully o mapahiya ang kanilang anak.
Subalit sa kabilang banda, paano kung ang iyong anak pala ang pasimuno ng asaran sa eskuwelahan at itinuturing palang bully ng ibang bata?
Maraming mga pag-aaral ang nagpapakita ng masasamang epekto ng bullying sa mga bata. Hindi lamang sa batang nabu-bully, kundi sa mismong bully.
Gustuhin man nating laging makita at magabayan ang ating mga anak, darating ang panahon na hihiwalay sila sa atin at hindi mo na mababantayan ang kaniyang ikinikilos. Kaya paano mo masisiguro na hindi magiging bully ang iyong anak?
Narito ang mga senyales na bully ang iyong anak
Base sa mga naunang pag-aaral, inilalarawan ng mga eksperto ang bullies bilang mga highly-aggressive na batang may problema sa kanilang self-esteem at posibleng nagmula sa isang magulong tahanan. Kaya naman ayaw tanggapin ng ilang magulang kapag may nagsasabi na bully ang kanilang anak.
“Most parents want to believe they are good parents,” ani Marie Newman, isang anti-bullying family advocate at sumulat ng librong When Your Child Is Being Bullied: Real Solutions. “If they have to admit that their child has acted inappropriately, then they feel like they have failed in some way, and most parents have a hard time with that,” dagdag niya.
Subalit upang maitama ang masamang ugali nito ng bata, dapat ay harapin ng magulang ang problema. Tingnan kung nagpapakita ba ng mga senyales ang iyong anak at alamin kung ano ang sanhi ng bullying.
Narito ang ilang bagay o kilos na posibleng indikasyon na bully ang iyong anak:
-
Hirap siyang makatulog
Ayon sa isang pag-aaral sa University of Michigan, ang mga batang mayroong sleep problems na kaugnay ng sleep-disordered breathing ay may posibilidad na nagpapakita ng bullying tendencies o iba pang problema sa kanilang pag-uugali kumpara sa mga batang nakakatulog nang mahimbing gabi-gabi.
-
Mabilis siyang magalit
Ang pagiging mainitin ang ulo, padalos-dalos sa mga bagay at mabilis mainis o ma-frustrate ay posible ring indikasyon na bully ang isang bata.
-
May problema siya sa paaralan
Ayon kay Dr. Janell Dietz, isang guidance counselor sa America at eksperto sa paksa ng bullying, kapag lagi kang pinapatawag sa ekswelahan ng iyong anak o kaya lagi siyang may nakakaaway na ibang bata, maaring ibig-sabihin nito na may problema sa kaniyang pag-uugali.
“Kids who are bullying generally become easily frustrated if they don’t get their way, lack empathy for others, and have a history of discipline problems,” aniya.
-
Bullies o may pagka-agresibo ang mga kaibigan niya
Maaring hindi mo agad mapansin ang senyales ng pagiging bully sa iyong anak, pero pansinin rin ang mga tao sa paligid ng iyong anak, lalo na ang mga kaibigan niya. Dahil kung nagpapakita ang mga ito ng masamang ugali tulad ng pambu-bully, maaring ganito rin ang iyong anak kapag wala ka sa paligid niya.
“Children who bully are more likely to have friends who bully and engage in violent behaviors,” ani Dietz.
Sanhi ng bullying sa mga bata
Kapag nakumpirma mo na bully ang iyong anak sa pamamagitan ng pag-oobserba sa kaniya, ang sunod na bagay na dapat mong alamin ay kung bakit niya ginagawa ito, o ano ang pinagmulan ng ganitong pag-uugali.
Ayon kay Dorothy Espelage, isang child-development professor mula sa University of North Carolina, may mga iba’t ibang sanhi ng bullying sa mga bata. Narito ang ilan sa kanila:
1. Hindi nabibigyan ng sapat na atensyon, pag-aaruga o pansin ng kanilang mga magulang.
Isa sa mga dahilan kung bakit nagiging bully ang isang bata ay ang kakulangan ng pag-aalaga at atensyon mula sa kaniyang mga magulang. Ang kakulangan na ito ay nakikita niyang naibibigay sa ibang bata dahilan para siya ay mainggit at pag-initan ang naturang bata sa pamamagitan ng pambubully.
Pumapasok din dito ang kakulangan ng oras ng isang magulang na disiplinahin ang maling gawi ng anak. Kaya naman ito ay kaniyang kalalakihan at makakasanayan.
2. Nakakaranas ng labis na pressure mula sa kaniyang mga magulang.
Ang ibang bata naman ay nakakaranas ng labis na pressure at demands mula sa kaniyang mga magulang. Ito ay maaring sa pamamagitan ng pagkaroon ng mataas na grades o maging achiever sa lahat ng bagay. Kaya naman ginagawa ng isang bata ang lahat para lang mapatunayan ang kaniyang sarili kahit na ba ito ay sa pamamagitan ng pananakit ng iba o pambubully.
3. Sila ay nakakaranas ng pang-aabuso o pananakit sa kanilang mga magulang o mga kapatid.
Dahil sa nararanasang pananakit o pang-aabuso sa loob ng kanilang bahay, iniisip ng isang bata na ito ay tama. Kaya naman, dahil sa pag-aakalang ito ay normal at tama ginagawa niya ito sa ibang bata.
4. Nakakaranas sila ng rejection sa bahay o sa malalapit nilang kaibigan.
Dahil sa rejection na nararanasan mula sa kaniyang pamilya at malalapit na kaibigan, iniisip ng isang batang bully na ang pagkokontrol sa iba ay nagdadagdag sa tiyansa niyang magustuhan at tanggapin ng mga tao sa paligid niya.
5. Lahat ng kanilang gusto ay ibinibigay.
Ang mga batang laki sa layaw o sunod ang luho ay mataas din ang tiyansa na maging bully. Dahil ito sa nakasanayan nilang nakukuha ang gusto nila ng walang sinusunod na rules o limitasyon. Kaya naman iniisip nila lahat ng bagay na kanilang ginagawa ay tama kahit na ba nakakasakit na sila ng kanilang kapwa.
6. Sila ay biktima rin ng bullying.
Ang mga batang bully ay minsan ring biktima ng pambubully. Kaya naman para pagtakpan ang takot na nararamdaman nila ay pinipili nilang mambully ng iba.
7. Gusto nilang mapabilang sa kanilang mga kaibigan
Mabait naman ang anak mo sa bahay, at maayos naman ang inyong relasyon. Kaya naman nagtataka ka kung bakit nasabing siya ay isang bully. Subalit maaring dahil ito sa kaniyang kagustuhang mapabilang sa popular o malakas na grupo sa kaniyang paaralan. Kaya niya nagagawa ang mga bagay na iyon ay upang makuha ang pagtanggap ng ibang bata sa paligid niya.
8. Mababa ang kanilang self-esteem
Kung minsan naman, ang pang-aasar o pagiging bossy ng isang bata ay isang paraan para mapagtakpan niya ang kaniyang insecurities. Wala siyang tiwala sa kaniyang sarili, at sa kakayahan niya kaya dinadaan niya sa pambubully o pananakot sa ibang bata sa paligid niya.
Maari ring mayroong mga ugali o bagay na mayroon ang batang kaniyang binu-bully na kinaiinggitan niya kaya naiinis siya rito.
BASAHIN:
Ito ang epekto sa bata kapag binu-bully siya ng kaniyang kapatid, ayon sa study
STUDY: Karamihan ng Pinoy students hindi magaling sa reading at math
Halimbawa ng bullying sa paaralan
Ayon sa isang survey na isinagawa ng World Bank kamakailan lang tungkol sa estado ng edukasyon sa bansa, ang Pilipinas ang isa sa mga bansang nangunguna pagdating sa mga kaso ng bullying sa paaralan.
Nakaka-alarma ang resulta ng survey na nagsabing 2 sa 5 bata na may edad na 15 ang nakakaranas ng bullying sa paaralan. At 45 porsyento ng mag-aaral sa Grade 4 ay nakakaranas ng pambubully linggo-linggo.
Narito ang ilang mga halimbawa ng bullying sa mga paaralan:
- Verbal bullying tulad ng pang-aasar, pamamahiya, pagtawag ng mga nakakasakit na bansag o salita, o kaya pinag-uusapan ang kaklase at nagkakalat ng mga tsismis o masamang biro tungkol sa isang tao.
- Physical bullying gaya ng panunulak, pangungurot, pananabunot, pananampal o iba pang uri ng pisikal na pananakit sa kaklase o kamag-aral. Kabilang rin rito ang pangunguha o paninira ng gamit ng kaklase.
- Social bullying Ilang halimbawa ang pagkakalat ng malisyosong impormasyon tungkol sa isang tao, o sa mga bata, kapag hindi niya sinasali ang bata sa kanilang laro o sa kanilang grupo.
- Cyberbullying mas laganap ito ngayon dahil sa online classes. Kabilang rito ang paggamit ng social media para takutin o ipahiya ang isang tao, at magkalat ng malisyoso o pribadong impormasyon, larawan o video ng isang tao sa pamamagitan ng text, email at iba pang platform para sirain ang reputasyon ng isang tao.
Anong dapat gawin ng magulang?
Mahirap para sa isang magulang na tanggapin na bully ang kaniyang anak. Subalit kailangang harapin ang problemang ito at maitama ang masamang pag-uugali ng bata habang maaga.
Isa sa mga unang bagay na dapat mong gawin ay kausapin ang iyong anak tungkol sa kaniyang ikinikilos. Alamin ang sanhi ng bullying at makinig ng maigi sa kaniyang paliwanag.
Bagamat hindi mo siya dapat sigawan, parusahan o ipahiya, iparating mo sa iyong anak hindi mo kinukunsinti o kukunsintihin ang ganitong pag-uugali. Ipaintindi sa kaniya kung bakit ito mali at ipaalala na dapat ay igalang at irespeto niya ang lahat ng tao sa kaniyang paligid.
Bigyan ng sapat na oras ang iyong anak. Kausapin siya ng madalas at bigyan siya ng sapat na atensyon para hindi niya isipin na kailangan pa niyang gumawa ng mali upang mapansin.
Higit sa lahat, maging mabuting halimbawa sa iyong anak sa loob at labas ng tahanan. Tandaan, kung anong nakikita niya sa matatanda, ay siya ring gagayahin ng mga bata. Kaya iwasan ang pagiging agresibo at bossy kahit pa ikaw ang nakakatanda. Itrato ang lahat ng miyembro ng pamilya ng may respeto.
Ang pagiging bully ng isang bata ay maaring maiwasan. At malaki ang papel na ginagampanan ng mga magulang pati na ang mga guro sa paaralan para ito ay maisakatuparan.
Dahil bilang mga bata ay kailangan nila ng constant love at attention mula sa mga matatanda. Ito ang nagsisilbing gabay at insipirasyon nila para lumaki ng maayos at maging katanggap-tanggap sa kanilang kapwa at lipunan.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
BBC News, Huffpost, Everyday Health