Ano ang mga sintomas ng stress?
Isang imaheng may kaugnayan diumano sa pananaliksik tungkol sa stress ang kumalat sa social media. Ayon sa caption ng viral na imahe na ito, ang paggalaw o movement daw ng imahe sa unang tingin ng makakakita rito ay maaring tumukoy kung gaano ka-stressed ang isang tao.
Ayon sa pananaliksik tungkol sa stress, kung hindi daw gumagalaw sa paningin mo ang imahe, ito daw ay nangangahulugan na ikaw ay kalmado. Kung ito daw ay gumagalaw ng kaonti, ikaw daw ay stressed. At kung ito daw ay gumagalaw ng mabilis tulad ng isang carousel, ikaw daw ay sobrang stressed.
Maraming netizens nga ang sumubok tumingin sa imahe upang malaman kung gaano sila ka-stressed na inihayag ang kanilang concern sa pamamagitan ng pagpopost tungkol dito.
Ayon parin sa caption ng naturang imahe, ito daw ay dinesign ng isang Japanese neurologist na si Yamamoto Hashima na pinabulaanan naman ng Ukrainian illustrator na si Yurii Perepadia na siyang tunay na gumawa sa imahe. Ayon sa kaniyang Instagram post, sinabi ni Yurii na ang illusory image o optical illusion na ito ay base sa obra ni Akioshi Kitaoka.
Dagdag pa niya ang Japanese psychotherapist na si Yamamoto Hashima ay walang kinalaman dito at hindi naman daw talaga nag-e-exist.
Marami nga ang natuwa at natawa sa post na ito ni Yurii na unang nag-alala na sila ay stressed ayon sa sinasabi ng caption ng kumalat na imahe sa social media. Ngunit, dahil nga sa ito ay optical illusion, ito daw talaga ay ginawa ni Yurii upang magmukhang gumagalaw ang focus of vision ng tumitingin rito.
Samakatuwid, ang paggalaw ng imahe ay walang kinalaman o hindi maaring magtukoy kung gaano ka-stressed ang isang taong tumitingin rito.
Ngunit paano nga ba talaga nalalaman, kung gaano ka-stressed ang isang tao?
Mga pananaliksik tungkol sa stress at sintomas
Ayon sa isang pananaliksik tungkol sa stress, 33% ng mga adults ang nakakaranas ng mataas na level ng stress na may kaugnayan sa iba’t-ibang pisikal at mental na sintomas. Ilan nga daw sa mga sintomas na ito ay ang mga sumusunod:
11 na sintomas ng stress
1. Acne
Ayon sa mga pag-aaral ang pagkakaroon ng acne ay may kaugnayan sa mataas na level na stress. Dahil daw ito sa madalas na paghawak sa mukha ng mga taong nakakaramdam ng stress na nagpapakalat ng bacteria sa mukha at nagdudulot ng pagkakaroon ng acne.
Isang pag-aaral nga ang sumukat sa acne severity ng 22 na katao bago at habang nag-eexam. Lumabas sa resulta ng pag-aaral na habang mas tumataas ang level ng stress ng taong kumukuha ng exam ay mas lumalala rin ang acne severity nito.
Isa pang pag-aaral na ginawa sa 94 teenagers ang nagsabing ang malalang acne ay may kaugnayan sa mataas na level ng stress lalo na sa mga lalaki,
Maliban sa stress ang ilan pang dahilan ng pagkakaroon ng acne ay hormonal shifts, bacteria, excess oil production at blocked pores.
2. Sakit ng ulo
Sa isang pag-aaral na ginawa sa 267 taong may chronic headache, lumabas na 45% sa mga ito ay nararanasan ang naturang kondisyon dahil sa isang stressful event sa kanilang buhay.
Lumabas din sa isang survey na ginawa sa 150 military service members na nasa isang headache clinic na 67% sa mga ito ang sumasakit ang ulo dahil sa stress.
Dahil dito naging pangalawa sa pinaka-common na headache trigger ang stress na sinundan naman ng lack of sleep, alcohol consumption at dehydration.
3. Chronic Pain
Sa isang pag-aaral na tumingin sa kalagayan ng 37 na teenagers na may sickle cell disease lumabas na ang mataas na level ng stress ang mas nagpapataas ng level ng sakit na kanilang nararanasan araw-araw.
Ilang pag-aarral din ang nagsabing ang mataas na level ng stress hormone na cortisol ang may kaugnayan sa chronic pain. Gaya ng resulta ng isang pag-aaral rin na nagpakita na ang mga taong nakakaranas ng chronic pain ay may mataas na level ng cortisol sa buhok na indikasyon ng prolonged stress.
Maliban sa stress ilan pang tinuturong dahilan ng chronic pain sa isang tao ay aging, injuries, poor posture at nerve damage.
4. Frequent sickness
Ang madalas na pagkakasakit din ay iniuugnay sa stress dahil sa epekto nito sa ating immune system.
Isang halimbawa nito ay ang resulta ng isang pag-aaral sa 61 older adults na tinurukan ng flu vaccine. Lumabas sa resulta ng pag-aaral na mas mababa ang response ng flu vaccine sa mga matatandang nakakaranas ng chronic stress. Isang indikasyon na ang stress ay may kaugnayan sa decreased immunity.
Kaugnay parin nito, isang pag-aaral din sa 235 adults na hinati sa dalawang grupo na high at low-stress group ang naglabas ng resultang, ang mga adults na nasa high-stress group ay nakaranas ng respiratory infection matapos ang anim na buwan.
Ang stress ay isa lamang sa factor ng pagkakaroon ng mahinang immune system. Maliban rito ang poor diet, physical inactivity at pagkakaroon ng immunodeficiency disorders gaya ng leukemia ay maari ring maging dahilan ng mahinang immune system.
5. Decreased energy at insomnia
Ilang pag-aaral rin ang nagsabing ang pagiging stress ay nakakaapekto sa pagtulog ng isang tao dahilan upang bumaba ang energy level nito.
Isang pag-aaral naman sa 2,316 participants ang nagpakitang ang pagkakaranas ng mga stressful events ay may kaugnayan sa insomnia.
Ilan pang maaring maging dahilan ng decreased energy level ay ang dehydration, low blood sugar, poor diet o underactive thyroid.
6. Pagbabago sa libido o sex drive
Ayon sa isang pag-aaral, lumabas na ang mga babaeng may mataas na level ng chronic stress ay nakakaranas ng less arousal kumpara sa mga babaeng may lower stress level.
Mababang sexual activity rin at poor satisfaction ang naging resulta ng mataas na levels of stress sa 103 women, ayon pa isang pag-aaral.
Maraming pang dahilan ng pagbabago sa libido maliban sa stress gaya ng hormonal changes, fatigue at psychological causes.
7. Digestive issues
Sa isang ginawang pag-aaral sa 2,699 na bata, lumabas na ang exposure sa mga stressful events ay may kaugnayan sa pagkaranas nila ng constipation.
Dagdag pa dito ang isang analysis sa 18 na pag-aaral na nag-imbestiga sa role ng stress sa inflammatory bowel disease na kung saan 72% sa mga pag-aaral na ito ang nagpakita ng ugnayan ng stress at digestive symptoms.
Ngunit maliban sa stress, ang ilan pang itinuturong dahilan ng pagkakaroon ng digestive issues ay ang diet, dehydration, physical activity levels, infection at paggamit ng ilang medications.
8. Appetite changes
Ang pagbabago sa ganang kumain ay isang sintomas rin diumano ng stress. Ito ay ayon sa isang pag-aaral na ginawa sa mga college students na kung saan lumabas na 62% sa mga ito ang lumakas kumain at 32% naman sa mga ito ang nabawasan ang ganang kumain matapos makaranas ng stress.
Isang pag-aaral rin ang nag-uugnay sa stress at pagkain kahit hindi nagugutom.
Ilang posibleng dahilan rin ng pagbabago sa ganang kumain ay ang pagkaroon ng certain medications, hormonal shifts at psychological conditions.
9. Depression
Ilang pag-aaral din ang nagsasabing ang chronic stress ay maaring mag-ugat sa depression.
Sa pag-aaral nga sa 816 na babae na may major depression lumabas na ang onset depression ay may kaugnayan sa pagkakaroon nila ng acute at chronic stress. Isang hiwalay na pag-aaral rin ang nagsabing ang mataas na level ng stress ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng mga depressive symptoms.
Ngunit maliban sa stress ang family history, hormone levels, environmental factors at pagkakaroon ng ilang medications ay maaring maging dahilan rin ng depression.
10. Rapid heartbeat
Mas bumibilis raw ang tibok ng puso ng isang tao kapag nasa isang stressful event o condition, ayon sa isang pag-aaral. Gaanon din ang resultang lumabas sa isang pag-aaral sa 87 students na inexpose sa isang stressful task na kung saan tumaas ang heart rate at blood pressure nila. Samantalang, ang pagpapatugtog ng music habang ginagawa ang stressful task ay pumipigil naman sa pagbabago ng kanilang heart rate.
Ang mabilis na pagtibok ng puso ay maaring dulot rin ng high blood pressure, thyroid disease, certain heart conditions, at pag-inom ng caffeinated o alcoholic beverages.
11. Sweating
Ang exposure sa stress ay maaring magdulot rin ng excessive sweating o sobrang pagpapawis. Isang patunay na nga rito ay ang isang pag-aaral sa 40 teenagers na nakaranas ng sobrang pagpapawis kasabay ng pagkakaroon ng body odor matapos ma-expose sa mataas na level ng stress.
Ang sobrang pagpapawis ay maaring dahil din sa anxiety, heat exhaustion, thyroid conditions at paggamit ng ilang medications.
Ilan lamang ito sa mga pananaliksik tungkol sa stress na tumutukoy sa mga sintomas nito. Marami pang ibang pananaliksik ang ginawa at ginagawa upang mas mapaliwanag pa at hanggat maari ay maiwasan ang nakaka-“stress” na kondisyong ito.
Sources: HealthLine, Daily Mail, Snopes
Basahin: 6 na paraan para matanggal ang stress ng buong pamilya, ayon sa mga eksperto