Isang 6 na buwang gulang na sanggol ang di umano’y pinatay ng sarili niyang mga magulang. Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang ginawa nilang pang-aabuso ng bata. Matapos raw mamatay ang sanggol, ay isinilid nila pa nila sa loob ng isang freezer ang katawan ng bata.
Kakasuhan ang mga magulang dahil sa ginawa nilang pang-aabuso ng bata
Nangyari ang insidente sa isang motel sa Georgia, sa US kung saan tumira ang magulang ng sanggol na sina Amanda Gail Oakes at James Mathis.
Ayon sa mga awtoridad, matagal na raw na hinahanap ng mga pulis ang dalawa, at pinagsuspetsahan na may kinalaman sa pagkamatay ng kanilang sanggol.
Dahil dito, nagsagawa ng paghahanap ang mga awtoridad, at di kalaunan ay natagpuan nila ang dalawa na nakatira sa isang apartment sa Florida.
Pagdating pa nga raw ng mga pulis ay naglabas ng baril si Mathis, at nagpaputok. Dahil dito, nabaril siya ng isang pulis, ngunit siya ay nabuhay.
Nahanap raw ang katawan ng sanggol sa loob ng isang motel kung saan tumira ang dalawa. Nakasilid raw ang sanggol sa loob ng freezer, at sa tantiya nila ay 6 na araw na itong nasa loob. Pinaniniwalaan ng mga pulis na posibleng matagal nang patay ang sanggol bago pa ilagay sa freezer.
Ito naman ay kinumpirma mismo ng mga magulang ng bata. Ayon sa kanila, namatay daw ang sanggol habang inaalagaan nila. Dahil daw nangangamoy na ang bangkay, napilitan silang isilid ang katawan ng sanggol sa loob ng freezer.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga pulis ang dalawa, at kakasuhan sila ng manslaughter at corpse abuse.
Pananakit at pang-aabuso ng bata, dapat pigilan
Napaka-importante ang buhay ng mga bata. Sila ay dapat alagaan at buhusan ng pagmamahal ng kanilang mga magulang.
Kaya’t kapag mayroong insidente ng pang-aabuso ng bata na nagaganap, kailangang gawin natin ang ating makakaya upang pigilan ito.
Heto ang ilang mga hakbang upang pigilan ang child abuse.
- Kapag nakakita ka ng senyales ng pang-aabuso, huwag mag-atubiling lumapit sa mga pulis
- Protektahan ang mga batang sinasaktan o minamaltrato ng kanilang mga magulang
- Kapag mainit ang iyong ulo sa iyong anak, magpalamig muna bago sila kausapin o pagsabihan
- Huwag na huwag pagbuhatan ng kamay ang iyong anak
- Iwasan ring sigawan ang iyong anak
- Turuan ang iyong mga anak na maging mapagmahal at mapag-unawa ng iba
- Tandaan, hindi pa lubos na naiintindihan ng mga bata ang kanilang mga ginagawa. Kaya’t mahalagang intindihin at unawain sila.
Source: NY Post
Basahin: 3-buwang sanggol patay matapos maiwan sa baby bouncer