Isang ina at ang kaniyang boyfriend ang inaresto sa Argentina matapos nilang bugbugin at gahasain ang 4-anyos na bata. At ayon sa kaniyang ina, nalunod raw sa pool ang kaniyang anak. Ngunit nang dalhin nila sa ospital, nalaman ng mga doktor ang sinapit na pang-aabuso ng bata.
Pang-aabuso ng bata, humantong sa kaniyang pagkamatay
Masayahin raw na bata ang 4-na taong gulang na si Bianca Xiomara Godoy. Ngunit natigil ang kaniyang saya nang siya ay ginahasa at napatay ng boyfriend ng kaniyang ina.
Ayon sa mga ulat, dinala raw ng kaniyang ina at boyfriend nito si Bianca sa ospital. Ayon sa kanila, nakita raw nilang nalulunod ang bata sa kanilang pool. Ngunit nakita ng mga doktor na tila sinaktan at binugbog ang bata.
May nakita silang mga marka ng sinturon, at mga galos sa kaniyang leeg. Bukod rito, may mga marka rin daw sa kaniyang kamay at binti na posibleng senyales na siya ay iginapos.
Dahil dito, nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis, at napag-alaman na posibleng pinalo raw si Bianca sa ulo habang kumakain. Ito raw ay naging dahilan upang mag-choke si Bianca at mamatay.
Bukod rito, mayroon ding mga senyales na ginahasa ang bata dahil sa pagkakaroon ng mga internal injuries niya.
Malaki raw ang pinagbago ng kaniyang ina
Ayon sa mga kaanak at kaibigan ng ina ni Bianca na si Viviana Beatriz Roldan, malaki raw ang ipinagbago nito simula nang magkaroon ng boyfriend. Simula nang nagsama raw sila ay halos hindi na nakikita ng ina ni Bianca ang mga kamag-anak at kaibigan nito.
Binubugbog rin daw ng kaniyang boyfriend na si Federico Sebastian Espinoza si Viviana, at pinilit raw na magbenta ng droga.
Dagdag pa ng kapatid ni Viviana, matagal na raw gustong kunin ng ama ni Bianca ang custody sa bata.
Paano mapipigilan ang pang-aabuso ng bata?
Malaking problema ang child abuse, hindi lang sa ibang bansa, ngunit pati na rin dito sa Pilipinas. Kaya mahalagang gawin ng mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya upang mailayo ang mga bata sa pang-aabuso. Heto ang ilang mga dapat tandaan:
- Turuan ang mga bata na mag-ingat kapag mag-isa, at umiwas sa mga taong hindi kakilala.
- Kapag pinilit silang kunin o isama ng hindi nila kakilala, mag-ingay sila at humingi ng tulong.
- Mas maganda kung palagi mong bantayan ang iyong mga anak, lalo na kung maliit pa lang sila.
- Turuan din silang magsabi sa iyo kung may nangyari sa kanila, o may nanakit sa kanila.
- Hindi kasalanan ng rape victim ang nangyari. Mahalagang tanggalin ang stigma ng rape, at ituro ito sa iyong mga anak.
- Ituro din sa iyong mga anak na lalaki ang rumespeto sa kababaihan.
- Kung may kakilala kang biktima ng rape, bigyan mo siya ng suporta at pag-unawa.
Source: Daily Mail
Basahin: Kindergarten student na-gang rape sa CR ng paaralan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!