Nag-viral ngayon ang video ng pang-aabuso sa baby na 1-anyos lamang. Ang insidente ay nangyari raw sa Malaysia, kung saan ito ay ikinagalit ng mga netizens na nais mahuli at makulong ang babaeng nang-abuso ng bata.
Video ng pang-aabuso sa baby, viral online
Sa video, makikitang pinapalitan ng babae ng diaper ang baby. Ngunit sa halip na dahan-dahan itong gawin, ay tila hinihila at pinapalo pa niya ang bata. Kitang-kita rin na kinakaladkad niya ang bata sa kama, at halos masakal pa niya ito nang subukang palitan ang damit.
Maririnig sa buong video ang patuloy na pag-iyak ng kaawa-awang bata. Hindi rin alam kung bakit hinahayaan lang itong mangyari ng kumukuha ng video.
Matapos ma-upload sa social media ay agad na nag-viral ang video. Napakaraming mga netizens ang naawa sa ginagawang pang-aabuso sa baby, at napakarami ring nagalit sa babae na nananakit sa kaniya.
Dahil dito, nakuha ang atensyon ng mga pulis sa Malaysia, na naglabas ng statement na humihingi ng tulong upang makilala kung sino man ang nasa video. Sa ngayon ay wala pang nagsasampa ng kaso tungkol sa insidente, pero umaasa ang mga pulis na mayroong makakapagturo sa tinitirahan ng suspek.
Heto ang video ng insidente (WARNING: SENSITIVE CONTENT)
Mga dapat malaman ng mga magulang pagdating sa child abuse
Hindi biro ang child abuse. Taon-taon, napakaraming mga bata ang namamatay dahil sa pang-aabusong sinasapit nila mula sa mga magulang, o kaya sa mga taong dapat ay nag-aalaga sa kanila. Kaya’t importanteng siguraduhin nating ligtas ang mga bata, at i-report agad ang mga kaso ng pang-aabuso.
Heto ang ilang mga senyales ng child abuse na dapat alamin ng mga magulang:
- Mga nakatagong pasa
- Nagsasagawa ng pang-aabuso sa paglalaro
- Pag-ihi sa pagtulog
- Pagkakaroon ng sobrang kaalaman sa pagtatalik
- Hindi angkop na pag-hawak sa iba
- Pag-iwas sa isang tao o sitwasyon
- Pag-aatubili makipag-ugnayan sa iba
- Hindi makapag-isip nang mabuti sa paaralan
- Malaking pagbabago sa pag-uugali
- Mababang kumpiyansa sa sarili
- Pag-antala ng child development
- Madalas na pag-sama ng pakiramdam
Source: NST