Sa panahon ngayon, mahalaga ang pagkakaroon ng cellphone sa napakaraming mga tao. Nakakatulong ito para sa ating mga trabaho, upang makipag-usap sa isa’t-isa, at pati na rin sa paglilibang. Ngunit alam niyo ba ang panganib ng cellphone?
May isang pangyayaring naganap sa China kung saan isang babae ang nagkaroon ng stroke dahil sa cellphone. Paano ito nangyari?
Panganib ng cellphone: Babae na-stroke dahil sumobra ng gamit sa cellphone!
Isang 47-taong gulang na babae mula sa China ang nagtungo mula sa Henan Province papunta sa lungsod ng Guangzhou sa China. Umabot raw ng halos 20 na oras ang biyahe, at buong biyahe raw siyang nakatitig sa kaniyang cellphone.
Pagbaba ng babae sa tren, bigla na lang siyang nahimatay. Dali-dali siyang dinala sa ospital, at doon inoperahan.
Dito, napag-alaman na napakarami daw niyang mga blood clots, o namuong dugo sa kaniyang utak. Nagkaroon daw siya ng stroke dahil sa mga blood clots na ito.
Paano ito nangyari?
Ayon sa pangunahing doktor sa neurology department ng ospital, nangyari daw ito dahil hindi gaanong gumagalaw ang babae sa kaniyang biyahe. Dahil sa hindi paggalaw, nabuo ang mga blood clot sa kaniyang katawan.
Bukod dito, dahil nakatingin lang siya sa kaniyang telepono buong biyahe, nahirapan ang mga ugat sa leeg niya na magpadaloy ng dugo. Nakadagdag din ito sa pagkakaroon ng blood clots sa kaniyang utak.
Sa kabutihang palad, naka-rekober din ang babae. At nagulat rin siya na ang paggamit ng cellphone ang naging sanhi ng kaniyang stroke. Dagdag niya, bago raw siya ma-stroke, ay malusog at aktibo siya. Wala rin siyang mga problema sa kalusugan.
Panganib ng cellphone: Paano ito maiiwasan?
Ayon sa mga doktor at eksperto, hindi mabuti ang palaging nakatutok sa iyong cellphone. Bukod dito, mahalaga na magkaroon ng magandang posture, o posisyon ng katawan kapag gumagamit ng mga cellphone.
Heto ang ilang mahahalagang tips sa paggamit ng cellphone
Mahalagang tandaan ang 20-20-20 rule pagdating sa paggamit ng cellphone. Ayon sa mga eksperto, makakatulong ito upang mapanatili ang iyong kalusugan at paningin kahit gumagamit ka ng cellphone.
Heto ang ilang mga tips:
1. Gumamit ng headset o speaker kapag tumatawag. Mabuti ring tanggalin ang headset kapag hindi mo ito ginagamit.
2. Mag-text sa halip na tumawag. Mas konti ang radiation na nanggagaling sa text kumpara sa tawag.
3. Tumawag kapag may malakas na signal. Ito ay dahil mas naglalabas ng radiation ang telepono kapag mahina ang signal, at sinusubukan mong tumawag.
4. Ilayo ang cellphone sa iyong katawan kapag hindi ginagamit. Ito ay upang makaiwas sa radiation na nilalabas ng mga cellphone.
5. Iwasang ilagay ang cellphone sa tabi mo kapag natutulog. Mabuting ilagay ito sa isang lamesa, o sa drawer kapag ikaw ay matutulog.
Sources: Straits Times, Environmental Working Group, Asia One
Image Source: YouTube
Basahin: Batang babae nahuling nanonood ng bold sa cellphone!