Panganib sa makeup at iba pang cosmetic products sa mga bata naitalang mas dumadami sa pagdaan ng panahon.
Bagamat maiiwasan ang panganib sa makeup at cosmetic products sa pamamagitan ng tamang paggamit para sa matatanda, hindi naman ganito ang solusyon para masigurong ligtas mula sa cosmetic related injuries ang mga bata.
Panganib sa makeup at iba pang cosmetic products
Ayon sa isang pag-aaral, naitalang may 64,000 na bata sa US mula limang taong gulang pababa ang nagtamo ng cosmetic related injury mula noong 2002 hanggang 2016.
May naitala ding pitong kaso ng cosmetic related deaths sa mga bata mula noong 1999 hanggang 2015. Ito ay base naman sa datos ng National Poison Data System.
Ayon sa mga authors ng pag-aaral na kailan lang ay nailathala sa journal ng Clinical Pediatrics ay may limang categories ang mga cosmetic products. Ito ay ang nail care, hair care, skin care, fragrance at iba pa kasama ang deodorants at makeup.
Sa kanilang pag-aaral natuklasan nilang mas marami at common ang injuries na natatamo ng mga bata mula sa nail products na umabot ng 28.3%. Sumunod ang injury sa hair care products na 27%, 25% sa skin care products at 12.7% sa mga pabango o fragrance.
Mayroon namang 75% recorded injuries ng dahil sa pagkakalunok o pagkakasubo ng cosmetic products ng mga bata sa kanilang bunganga. Habang ang iba ay dahil sa exposure sa balat at eye contact. Samantalang, naitalang karamihan naman ng mga batang nai-expose sa hair care products ay nao-ospital.
Kaya naman ang pag-aaral ay naglalayong magbigay paalala sa mga magulang ng panganib sa makeup at cosmetic products sa kanilang anak.
“Although a cosmetic product may not be harmful when used according to the directions, it is important for parents and caregivers to know that a young child could be seriously injured by these products.”
Ito ang pahayag ni Rebecca McAdams, research associate sa Nationwide Children’s Hospital at isa mga author ng ginawang pag-aaral.
Mga batang mas prone sa cosmetic injuries
Ilan nga daw sa pinakamapanganib na cosmetic products sa mga bata ay ang mga hair relaxers at permanent solutions. Dahil ang mga batang mai-expose sa mga ito ay doble ang tiyansang magkaroon ng chemical burn. Habang 3x naman ang tiyansang sila ay ma-ospital dahil dito kumpara sa ibang cosmetic products.
Nagsisimula naman daw na ma-expose sa mga injuries na ito ang mga bata kapag sila ay 6 months old na. Ito ay dahil kaya na nilang gumapang at humawak ng mga bagay at ilagay sa kanilang bunganga.
Mas tumataas din daw ang bilang ng mga batang nagtatamo ng related injuries kapag sila ay isang taong gulang na. Dahil kaya na nilang tumayo at mag-abot ng mga bagay.
Kaya naman dahil sa kanilang bagong abilidad at natural curiosity ay mas prone ang mga batang dalawang taong gulang pababa na magtamo ng injury na dulot ng panganib sa makeup at iba pang cosmetics products.
Paalala ng pag-aaral
Kaya naman para maiwasan ang mga cosmetic related injuries ay may paalala ang mga authors ng ginawang pag-aaral.
Una ay hindi dapat isawalang-bahala ang panganib na maaring idulot ng mga cosmetic products sa kanilang mga anak.
Pangalawa, ang pinakamaganda gawin ng mga magulang ay ang itago ang kanilang cosmetic products sa lugar na hindi maabot o makikita ng mga bata.
Inirerekumenda naman ng American Academy of Pediatrics na dapat ituring ng mga magulang ang kanilang cosmetic products na parang medications. Dapat ay i-lock sa isang lugar na mataas at malayo sa paningin ng mga bata.
Basahin: Pambatang makeup, naging sanhi ng malalang allergic reaction!